Who is Veronica Jones, sister of late actress Jaclyn Jose?

Ang dating aktres na si Veronica Jones ang isa sa mga punong-abala at nag-aasikaso sa mga nakikiramay sa kanilang pamilya dahil sa pagpanaw ng nakababata niyang kapatid na si Jaclyn Jose.

Nakaburol ang crematred remains ng multi-awarded actress sa Arlington Memorial Chapels sa Araneta Avenue, Quezon City.

Nakatakda ang inurnment sa mga labi ni Jaclyn sa The Garden of the Divine Word Columbary, sa E. Rodriguez Avenue, Quezon City, sa Linggo, Marso 10, 2024.

Si Veronica ang nagbukas ng pintuan ng showbiz para kay Jaclyn dahil siya ang unang naging artista sa kanilang pamilya.

In-demand leading lady si Veronica noong aktibo pa ito sa showbiz, at si Jaclyn ang madalas kasama niya sa shooting.

Ayaw na ayaw ni Jaclyn na pumasok noon sa showbiz, pero napilitan siyang mag-artista nang magkaroon si Veronica ng sariling pamilya.

Si Jaclyn ang pumalit kay Veronica bilang provider sa kanyang ina at mga kapatid.

Bukod sa hindi nagkakalayo ang kanilang mga edad, si Veronica ang takbuhan at sumbungan ni Jaclyn kapag may mga problema ito.

Sa anim na magkakapatid, si Jaclyn ang unang nawala.

Ramdam na ramdam ni Veronica ang sakit na dulot ng paglisan ng kapatid na aktres, na ayaw noong pumasok sa showbiz pero siya ang nagtagal sa industriya at humakot ng mga parangal dahil sa kanyang husay sa pag-arte.

“Ay, mas magaling talaga yan [Jaclyn]. Ang daming trophies nun, e!” pagpuri ni Veronica sa younger sister-actress sa isang rare interview ng dating aktres na nailathala rito sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) noong 2011.