Why Lani Mercado voted no on divorce bill

Lani Mercado on divorce

“Nag-no po ako because I believe in long and lasting marriages,” ang stand ni Bacoor City Representative Lani Mercado tungkol sa divorce.

Nitong May 22, 2024, pumasa sa Kongreso ang third at final reading para sa House Bill 9349 (An Act Reinstituting Absolute Divorce as an Alternative Mode for the Dissolution of Marriage). Nasa 131 ang affirmative votes, 109 voted no, at 20 nag-abstain.

Bakit sa “no” bumoto si Lani?

Aniya sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “I do believe na may effect ito sa mga bata kapag hindi nagiging matatag ang samahang mag-asawa.

“Ah, so yun ang aking paniniwala.

“Kung hindi ito pabor sa iba, pasensiya na lang po. Pero yun po yung aking conscience.”

Thirty-eight years na silang kasal ni Senator Bong Revilla, at hindi naman lingid sa publiko ang mga pinagdaanan nila.

Sa pagpapatuloy niya, “Kasi ever since naman, if you’ve seen my life, so far, kami na lang yung ilan sa mga natitirang long and lasting marriages sa kabila ng lahat.

“So we just live as good examples of what we’re doing. Ganoon lang po, ganoon lang po.”

BONG REVILLA ON DIVORCE BILL

On the contrary, tila iba ang stand ng senador?

Although ang previous statement ng senador ay pag-aaralan muna ang “proposed measure” bago sabihin ang kanyang stand, batay sa naging pahayag niya sa isang recent Facebook Live, tila pumapabor si Senator Bong sa pagkakaroon ng diborsiyo sa bansa.

Reaksyon ni Lani, “Baka ang point niya, siguro kung matutuloy man ang divorce bill sa bansa. Siguro.

“Alam ko, hindi siya masyadong pabor din.

“Pero bigyan ng chance na mapababa ang gastusin sa mga couple na gusto talagang maghiwalay na. Yung wala na talagang pag-asa.

“Kasi hindi naman lahat ng marriages, pare-parehas, e. Pero kami, bago ako bumoto, nag-usap kami.

“Kasi dapat talaga, e, iisa lang ang aming boto kasi, mag-asawa kami.”

Paano kung magkaiba ang boto nila ni Senator Bong?

“Hintayin mo lang yung boto niya,” ngiti ni Lani.

“Kasi ako ang bumoto sa Mababang Kapulungan. Hindi naman iyan sabay. So, let’s wait for his vote.”

If ever magkaiba ang boto nilang mag-asawa, hindi ito maganda sa paningin ng publiko, di ba?

“Yes,” pagsang-ayon pa ni Lani.

Nasa senado na ang bill.

LANI MERCADO: “MAY FOREVER.”

Samantala, naging speaker si Lani sa Kasalang Bayan na pinamunuan ni Mayor Strike Revilla sa Strike Gymnasium, Bacoor Government Center, Molino Boulevard, Cavite, noong Miyerkules, June 5, 2024, kung saan nangyari ang eksklusibong panayam.

Lani Mercado as speaker sa Kasalang Bayan sa Bacoor
PHOTO/S: JULIE BONIFACIO

Sa harap ng 90 couples, heto ang naging bahagi ng mensahe ni Lani: “Malamang itatanong niyo sa akin kung ano yung boto ko? Makikita niyo po ang EDSA, di po ba?

“May tarpaulin doon, may picture namin doon na mag-asawa, at may nakalagay po doon, ‘May Forever.’

“Mahalay naman kung ang boto ko ay ‘yes,’ kasi prino-promote ko, yung ‘May Forever.’

“At naniniwala ako, lahat kayo na kinakasal, dapat may forever. You will have to work hard. Kung naipaglaban namin ang aming pag-iisang dibdib, kayo, kaya niyo rin.”

lani mercado and bong revilla's May Forever campaign for The Wedding Library
Lani Mercado and Bong Revilla headline the May Forever campaign of The Wedding Library this 2024

Ang endorsement na binanggit ni Lani ay yung #MayForever campaign ng The Wedding Library para sa taong ito.

Sa eksklusibong panayam niya sa PEP, aniya, “Kasi ano, I’ve been married for 38 years… Kinuha kaming endorsers nun kasi naniniwala, nung pagpasok daw ng taong 2024, maraming couples ang naghihiwalay.

“So they wanted to share the thought, the advocacy of having long and lasting marriages.

“So parang hindi yata tugma na endorser kami noon, pagkatapos nagye-yes ako sa divorce.”

LANI MERCADO’S FOUR KEYS TO A SUCCESSFUL MARRIAGE

Sa speech, inisa-isa rin niya ang mga importanteng sangkap ng marriage na nakapaloob sa CLMR.

COMMITMENT

“Ano ba yung C? Commitment. Matinding commitment po ito. Walang expiration po ang kasal.

“Unless, kayo po ay maghihiwalay. Unless kayo ay magkakaroon ng legal separation, annulment, nullity of marriage, at kung anu-ano pa. May mga existing laws na para dito.

“At kaya niyo iyan, kasi si Mayor [Strike] ang magkakasal sa inyo. Pero kapag simbahan ang nagkasal sa inyo, pupunta pa kayo sa Vatican [City, Rome] para hilingan ang paghihiwalay.

“At sabi nga ng iba, mahal magpakasal. E, mahal niyo naman ang isa’t isa. Kaya forever ito, walang expiration. You have to be committed with each other.”

LOVE

Ang sumunod ay tungkol sa pinagmulan at pundasyon ng marriage.

“L, love. Marami kayong pagdadaanan sa inyong pagsasama. At kapag wala kayong love sa inyong pagsasama, aba, hindi niyo matatagalan ang lahat.

“Love means sacrifice. Love means God. Put God at the center of your marriage.”

MOMENTS

Paano mapapanatiling masaya ang pagsasama?

“Naku, M. Moments. Memories,” pakli ni Lani.

“Aba, dapat kayong mag-asawa, nagdi-date pa rin kayo.

“Dapat nagkikilitian pa rin kayo. May romancing pa rin kayo. Huwag mawawala iyang tinatawag na memories and moments together.”

RESPECT

Lastly, “Respect. Katabi ng respect ang love. Hindi dapat iyan mawawala. Kapag mainit ang ulo ng isa, yung isa tahimik lang.

“Respect each other’s moments. Kumbaga, e, kung may mga moods kayo, respect each other’s moods.

“At kapag humayo na ang baha at bagyo? Iyan, saka kayo mag-usap. Saka kayo ulit magkaisa. Saka kayo ulit magmahalan.”

LANI MERCADO: “I HAVE NOTHING AGAINST DIVORCE.”

Gaya ng nabanggit niya sa speech during the ceremony, muling binanggit ni Lani ang nullity of marriage at legal separation na mga paraan para kumalas sa kasal na itinakda ng batas.

Giit niya, “I have nothing against divorce. It’s a choice, actually.

“Pero naniniwala ako kasi, there are already four existing laws that can be used to annul a marriage.”