Will Ashley no communication with former love team partner Jillian Ward

Will Ashley and Jillian Ward

Inamin ni Will Ashley na wala na silang komunikasyon ng dating love team partner na si Jillian Ward.

Naungkat ang tungkol sa breakup ng love team nila nang tanungin si Will kung nakatanggap siya ng birthday greeting mula kay Jillian.

Nagdiwang si Will ng ika-21 kaarawan noong September 17, 2023.

Ayon kay Will, “Okay naman po kami. Kaya lang po, may kanya-kanya na rin pong project na pinuntahan.”

Wala raw kaso kay Will na hindi siya pinadalhan ng greeting ni Jillian.

Magkatambal sina Will at Jillian sa hit Kapuso prime-time series na Prima Donnas Book 1&2.

Matagal na rin silang magkaibigan dahil madalas silang pagsamahin sa mga Kapuso series mula 2014.

February 2022 nang maglunsad ng mga pambatong love teams ang Sparkle, ang talent management arm ng GMA-7.

Kasama dapat sina Jillian at Will sa lineup ng love teams, pero ilang araw bago ang launch ay sinasabing nag-back out diumano si Jillian.

“Bale ang management na po ang nag-decide ro’n,” paliwanag ni Will.

Paiwas na dagdag niya, “Parang ayoko na rin pong maglabas ng ibang information dahil past na rin po ‘yon.”

Naapektuhan ba siya sa breakup ng kanilang loveteam?

“Sa naapektuhan, siyempre, noong time na ‘yon po, meron,” pag-amin naman ni Will.

Aniya, “Napaisip lang naman po ako na sayang, hindi siya na-try, yun lang po ‘yon.”

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Will sa presscon ng Regal Studio Presents noong September 18, 2023.

ON MOVING FORWARD AS A SOLO ARTIST

Nilinaw ni Will na tanggap niya ang desisyon ng GMA-7 management.

Lahad niya: “Para sa akin po, sa oportunidad po, mas okay po na parang mas na-explore ko yung sarili ko.

“Palagi kong sinasabi sa interview na mas okay po na ma-explore ko ang sarili ko bilang actor at iba-ibang characters.

“Same rin naman po sa kanya. Gaya po ngayon, nakakapag-explore po kami, marami kaming natutunan sa iba’t ibang partners.”

Pinagbibidahan ni Jillian ang Abot Kamay Na Pangarap, ang ongoing Kapuso Afternoon Prime series na nagsimula noong September 2022.

Habang si Will ay may sarili ring proyekto sa TV at pelikula. Dahil dito, itinuturing ni Will na blessing in disguise ang pagbuwag sa love team nila ni Jillian.

“Opo, kasi, after po ng mga nangyari sa mga love team, nagkasunud-sunod naman po ang mga projects.

“Ang dami ko rin naman pong mga na natutunan sa iba-ibang shows na nagawa ko.

“Nakapunta na rin po ako ng Europe. Maraming tao rin po ang nakaka-appreciate sa craft ko.”

Kasama si Will sa cast ng Unbreak My Heart, ang collab series ng GMA-7 at VIU Philippines, na pinagbibidahan nina Jodi Sta. Maria, Joshua Garcia, Gabbi Garcia, at Richard Yap.

Kapareha ni Will sa serye si Bianca de Vera.

Bukas naman si Will kung sakaling maisipan pa rin ng na GMA-7 na pagtambalin sila ni Jillian sa mga susunod na proyekto nila.

Ayon kay Will, “Hindi naman po ako nagko-close ng door. Kasi, nasa iisang industry naman po kami.

“And, hindi ko po masasabi na hindi kami magkaka-work dahil magkaka-work at magkaka-work po talaga kami. Trabaho po natin ‘yon.”

ON REGAL STUDIO PRESENTS & BEING SINGLE

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Will sa ginanap na mediacon para sa ikalawang taong anibersaryo ng Regal Studio Presents.

Sila Will at Althea Ablan ang inilunsad bilang magkapareha sa “The Poster Boy” episode ng Regal Studio Presents.

Will Ashley and Althea Ablan

Diretsahang tinanong si Will kung hindi ba ito naiinggit kay Althea na masaya ang love life ngayon. Nauugnay si Althea sa kapwa Kapuso artist na si Prince Clemente.

“Hindi naman po,” nakangiting sagot ni Will.

“Kasi, para sa akin, hindi ko naman po minamadali sa ngayon. Parang ang dami ko pa pong need na dapat gawin. Yun muna ang mga focus ko sa ngayon.”

Inamin naman ni Will na may nakakausap naman daw siya, pero hindi pa raw umaabot sa puntong seryosohan na.

WILL ASHLEY’S MOVIE WITH INA RAYMUNDO

Sa isang banda, may ginagawang pelikula ngayon si Will, ang X&Y, isang May-December love affair kunsaan kapareha niya ay si Ina Raymundo. Ang director ay si Adolf Alix Jr.

Natawa si Will nang tanungin namin siya kung handa na ba siya sa magiging love scene nila.

“Opo,” mabilis na sagot ni Will.

Looking forward na siya sa love scene nila ni Ina?

“Hindi po, hindi po,” natawang sabi niya.

“Kasi, nag-shoot na po kami two months ago. Nag-stop lang din po dahil may mga prior commitments. Kaya ngayon, na-ready ko na po ang sarili ko.”

Biniro namin siya kung nagpraktis ba siya bilang paghahanda sa love scene nila ni Ina.

“Hindi naman po nag-practice, siyempre, nanood din po ako ng mga movies. Parang ni-ready ko rin po ang sarili ko.”

Pero nando’n pa rin daw ang kaba niya sa magiging intimate scenes nila ni Ina.

Ayon dito, “Kabado pa rin po ako, siyempre, first time ko lang po itong gagawin.

“Tapos, mas older pa po sa akin at si Ms. Ina pa.

“Pero, nawawala naman po ang kaba ko, kasi alam ko naman po na iga-guide po ako ni Direk Adolf.”

Si Ina ay 47 taong gulang, habang si Will ay 21 ang edad.

Sa naunang panayam kay Ina, napabulalas ito na mas matanda pa raw ang panganay niyang anak kay Will.

Hindi pa man nagsisimula ang shooting ng pelikula ay umani na ito ng iba-ibang reaksiyon sa netizens.

“Marami rin po kasing nagpo-post sa Facebook, napapadaan sa feed ko, nakikita-kita ko na rin po.

“Sabi nga rin po ng mga friends ko, ‘Wow, ako na lang yan!'” natawang saad ni Will.

Posibleng mga matured role na ang mga susunod niyang gagawin?

Sagot ni Will, “Hindi ko po alam sa magiging plan ng GMA, pero, let see po.

“Parang ayoko naman po kasing pangunahan kung ano ang ibibigay po nila.”