Will Dingdong Dantes allow daughter Zia to play on Family Fe.ud?

Ngayong Lunes, October 2, 2023 ang pagbabalik ng itinuturing na isa sa pinakamasaya at matagumpay na game show sa bansa, ang Family Feud sa GMA-7.

Humarap si Dingdong Dantes sa entertainment press, at hindi nito itinago ang excitement na muling eere ang programa matapos ang sandaling season break.

“Sa akin, itong Family Feud, ito talaga ang nagbigay ng—ayoko namang sabihing tuldok—pero, para sa akin, sense of fulfilment as a host.

“It’s one of the longest running show na nagawa ko. Usually kasi, ang isang programa will last for a season, tapos papalitan ng iba.

“Pero, ito kasi yung nagtuluy-tuloy ng ganito kahaba,” bungad ni Dingdong.

Isa sa mga bagong aabangan sa Family Feud ay maaari nang sumali ang mga batang contestants na.

Dahil base sa survey ang mga tamang sagot sa show, mga bata rin ang respondents para sa kiddie episodes.

Tinanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kung papayagan ni Dingdong na umali ang anak nila ni Marian Rivera na si Zia.

“Dapat manood muna siya. For sure, manonood siya,” nakangiting sagot ni Dingdong.

Hindi kaya siya ang mas kabado kapag ang anak na ang lumaban?

Natawang saad niya, “Sigurado yan, sigurado yan.

“Nando’n na rin siya sa stage na alam na rin niya ang gusto niya at saka ayaw niya. Pero siyempre, nando’n kami to guide her always.

“Halimbawa, tatanungin namin siya, ‘Gusto mo bang gawin?’ ‘No.’ ‘Gusto mo ba?’ ‘Yes.'”

Bilang host, trabaho ni Dingdong na i-facilitate ang game mula simula hanggang dulo ng kada episode.

Dito ay naipapamalas niya ang galing sa pakikipaghuntahan niya sa contestants.

Aminado siya na may pagkakataong talagang gusto niyang manalo ang mga contestants.

“Oo nga, medyo obvious minsan ‘yon, e. Minsan nga, kulang na lang, ibigay ko na ang sagot, e.

“Actually, binibigay ko, hindi niyo lang nakikita,” natatawang biro niya.

Hangad din daw niya na ma-enjoy nang contestants ang laro.