Xian Lim hinarap ang mga tanong tungkol sa breakup nila ni Kim Chiu

Alas-dos ng madaling-araw nitong Lunes, Enero 8, 2024, nang matapos ang shooting ni Xian Lim para sa pelikulang Mga Laro Sa Dilim pero guwapung-guwapo at maaliwalas ang kanyang mukha nang dumalo siya sa grand media conference ng GMA-7 primetime series na Love. Die. Repeat. na ginanap sa isang hotel sa Quezon City ngayong hapon.

Ang Mga Laro Sa Dilim ang working title ng pelikula na ginagawa nina Xian, Sanya Lopez, at Coleen Garcia.

Joint venture ng Viva Films at GMA Pictures ang proyektong mula sa direksiyon ni Mark Reyes.

Ang blooming appearance ni Xian ang nagbigay ng ideya sa entertainment press na unti-unti na siyang nakaka-recover mula sa breakup nila ni Kim Chiu.

xian lim love die repeat

Kinumpirma ni Kim ang breakup nila ni Xian noong Disyembre 23, 2023.

Alam ni Xian na hindi niya maiiwasan ang tanong ng mga reporter tungkol sa paghihiwalay nila ni Kim kaya imbes na umiwas, sinagot niya nang maayos ang ilan sa mga katanungan sa kanya.

Nang tanungin kung paano niya ipinagdiwang ang nakaraang Pasko at Bagong Taon, sinabi ni Xian na simple lang ang naging pagdiriwang nila ng kanyang ina, lola, at lola.

Noong Bagong Taon, maaga umanong natulog ang mga senior citizen sa kanilang tahanan dahil takot sila sa mga paputok.

Ang press conference ng Love. Die. Repeat ang unang pagkakataong nagpakita si Xian sa publiko matapos ang well-publicized split-up nila ni Kim.

Three years in the making ang Love. Die. Repeat at maayos pa ang takbo ng relasyon nila ni Kim nang magsimula ang taping ni Xian para sa nasabing proyekto.

Pansamantalang nahinto ang taping nila dahil sa pagbubuntis at pagsisilang ng lead actress ng teleserye na si Jennylyn Mercado.

LOOK: Xian Lim shares new cozy photos with Kim Chiu | PUSH.COM.PH

Ang Love. Die. Repeat ang unang teleserye ni Xian sa GMA-7 nang lumipat siya mula sa ABS-CBN noong 2020.

Pero binigyan siya ng ibang assignment, ang False Positive at Hearts on Ice, nang itigil ang taping ng programang pinagbibidahan nila ni Jennylyn.

Ayon kay Xian, kumapit siya at ang kanyang mga co-star sa kanilang direktor sa Love. Die. Repeat na si Jerry Sineneng dahil hindi madali ang mga paulit-ulit na eksenang ginawa nila.

“Kapit lang po kami talaga kay Direk Jerry and, of course, with our co-actors na parang pag-uusapan namin na, ‘Ano nga ba yung nangyari?’

“So, tulungan po talaga siya dahil talagang hindi po namin ito matatapos na wala po silang lahat na sumusuporta sa amin.

“Naniniwala po talaga kami sa proyekto. We are really excited from the very start nung nagsimula kami mga three to four years ago up until now.

“Pinaniniwalaan ho namin ang project,” pahayag ni Xian.

Lubos ang pasasalamat ng aktor sa GMA Network management dahil sa patuloy na pagtitiwala sa kanyang kakayahan bilang aktor.