Walang nakikitang dahilan si Yayo Aguila para mag-usap pa sila ng ex-husband na si William Martinez, maliban na lamang kung ito’y para sa kanilang mga anak.
Ito ang pahayag ni Yayo nang makapanayam siya ng entertainment press, kasama ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), sa press conference ng Firefly kamakailan sa Quezon City.
“Okay na rin na mag-remain kami na ganun—buhay niya, buhay ko, walang pakialaman. Pero pagdating sa mga bata, doon lang naman kami may reason para mag-usap,” seryosong tugon ni Yayo.
Aminado si Yayo na hindi niya nagustuhan ang mga sinabi ni William laban sa kanya sa mga past interviews nito.
Matatandaang sinabi ni William noong 2021 sa panayam sa kanya ng veteran showbiz columnist na si Aster Amoyo na nagkaroon diumano ng “affair” si Yayo habang nakabakasyon ito sa Amerika.
Inulit ni William ang akusasyon niya kay Yayo sa kanyang recent interview para sa YouTube vlog ni Julius Babao.
Sa ngayon ay may kanya-kanyang partner sa sina Yayo at William.
Umabot din ng 25 years ang pagsasama nila bilang mag-asawa bago naghiwalay nung 2010.
Kasama ni Yayo ang kanilang apat na anak na sina Patrizha, Danielle, Dana, at Adam.
Sabi ni Yayo, “Mabuti na rin yung hindi [kami nag-uusap]. Pero happy ako na merong nag-aalaga sa kanya.
“Happy ako na may nagpapasaya sa kanya para hindi niya ako binubwisit. Yung ganung istorya,” natatawang sabi ni Yayo.
Dagdag ni Yayo, “Wala akong kailangan patunayan. Basta ang sa akin, kasama ko yung mga anak ko.”
“Alam ni Lord yung totoo. Ang akin lang, accountability, di ba? Honesty, yun lang yun.
“So, hindi ko kailangan patunayan ang sarili ko. Wala akong kailangan sabihin. God knows who holds the truth, so doon na lang ako. Gusto ko lang ng tahimik na buhay.”
For her part, happy daw si Yayo sa piling ng kanyang non-showbiz boyfriend bagama’t sinabi niyang wala na siyang balak mag-asawa.
A DIFFERENT KIND OF CHRISTMAS
For the first time ay hindi magpapasko sa bahay sina Yayo at ang kanyang mga anak.
“This time different naman yung approach namin. Kasi tradisyunal kami, e. This time we’re not spending it at home, we’re spending it outside the home para lang maiba,” kuwento ni Yayo sa PEP.ph.
Ang mga anak daw ni Yayo ang nagplano ng kanilang staycation as a family.
“Sinabihan lang ako two days ago, ‘Ma, ito yung plano.’
“So sabi ko, ‘Talaga?’ ‘Oo, kasi kami na nag-book.’
“So wala na akong ginagawa. Sabi lang niya, ‘Presence mo lang tsaka roommate mo,’ yung bunso ko raw.
“Kanya-kanya kaming kuwarto. Pero sila lahat nag-gasta so ang saya lang.”
Paano naman kaya ilalarawan ni Yayo ang kanyang 2023?
“As always,” sagot ni Yayo, “sasabihin ko blessed ako.”
Natutuwa si Yayo dahil hindi siya nawawalan ng proyekto at agad napapalitan ng ibang proyekto sa oras na may teleserye siyang nagwawakas.
“Alam mo, ito ang daming movies, ang daming mga guestings na paisa-isa. Sabi nga ni Pie [Cherry Pie Picache] kanina, di ba? Sa aming mga aktor walang maliit o malaki na role. Basta you embrace what is given to you and then you perform and you deliver, sa amin malaking blessings na yun.”
PROUD OF FIREFLY
Speaking of projects, masaya si Yayo dahil kabilang siya sa pelikulang Firefly na produced by GMA Pictures at GMA Public Affairs.
Kabilang ang Firefly sa mga pelikulang kalahok in this year’s Metro Manila Film Festival (MMFF), na magsisimula sa December 25, 2023.
Kasama ni Yayo sa pelikula sina Cherry Pie Picache, Ysabel Ortega, Miguel Tanfelix, Euwenn Mikaell, Alessandra de Rossi, at marami pang iba.
“Actually, yung story talaga maganda. Sinasabi ko nga kina Direk (Zig Dulay), pag may dumarating, I can say this para sa aming mga aktor, pag may dumadating sa lapag mo, hindi naman lahat pumupukaw sa puso mo,” sagot ni Yayo nang tanungin namin kung bakit niya tinanggap ang proyekto.
Pagpapatuloy niya, “Iba-iba kasi sila ng, iba-ibang story, iba-iba nang dating sa iyo. Pero ito kasi it’s about mag-ina. Siyempre, very special sa akin yung mga ganung istorya.”
Hindi naman nag-aalala si Yayo kahit na mas konti ang sinehan na nakuha ng Firefly kumpara sa ilang MMFF entries.
Pagpapatuloy niya, “Iba-iba kasi sila ng, iba-ibang story, iba-iba nang dating sa iyo. Pero ito kasi it’s about mag-ina. Siyempre, very special sa akin yung mga ganung istorya.”
Hindi naman nag-aalala si Yayo kahit na mas konti ang sinehan na nakuha ng Firefly kumpara sa ilang MMFF entries.
“Sa ganda ng Firefly, naiisip na lang namin, wala yan sa dami o konti ng sinehan pag ang pelikula mo maganda, at worth it panoorin, at may puso, na alam mong ginawa mo for a reason,” paliwanag ni Yayo.
“Wala yan sa number ng sinehan kasi word of mouth na lang ang lalakad diyan. Kasi siyempre yung social media, yung support ng press, yung support ng mga nakapanood, makakabangon kami.
“Alam mo naman ang mga Pilipino, pag napag-usapan, so hindi kami nawawalan ng pag-asa.”