Sabay naming nakapanayam sina Miguel Tanfelix at Ysabel Ortega sa mediacon ng Firefly nitong Martes, December 19 sa Wildflour Café + Bakery sa Quezon City.
Kabilang sa mga naitanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa kanila ay ang kakaunting sinehan na pagpapalabasan ng kanilang pelikula.
Entry sa 49th Metro Manila Film Festival (MMFF) ang Firefly.
Ano ang masasabi nina Miguel at Ysabel tungkol dito?
Lahad ni Ysabel, “Of course we’re hoping na as the days go by mas dumami ang sinehan kasi naniniwala po talaga kami sa pelikula.
“And siyempre gusto namin ng chance na maipakita sa mga tao kung gaano kaganda itong film na ito. So hopefully talaga, hopefully once mapanood nila.
“Hopefully yung mga reviews that are coming out will be enough para madagdagan pa yung mga sienhan namin.
“We’re hoping for the best.”
“Ako personally malungkot,” ang diretsahang pag-amin naman ni Miguel. “Dahil pag maganda yung output ng ginawa niyo, siyempre inaasahan mo, gusto mo mapanood ng maraming tao.
“Na matuto sila sa film, ma-appreciate nila yung film.
“Kaso iyon nga, pag konti yung sinehan, mas less yung opportunity nilang mapanood yung film namin kaya…
“Hindi ko naman alam yung proseso diyan so ang magagawa ko na lang is malungkot,” natawa na lang pagkatapos si Miguel.
Umaasa rin si Miguel, katulad ni Ysabel, na sa pagdaan ng mga araw ay mas dumami pa ang mga sinehang pagpapalabasan ng Firefly.
Naniniwala siya sa epekto ng word of mouth na magpapakalat kung gaano kaganda ang pelikula nila.
“Iyon na nga, e. So kailangan word of mouth na ibalita nila sa mga kapitbahay nila, Kapamilya nila, Kapuso nila, na maganda yung film namin dahil kami, naniniwala kami sa film.”
Tinanong namin ang dalawa ng kung pang-acting award ba ang ipinakita nila sa Firefly?
“Yung movie talaga na ito is really yung istorya nung mag-nanay. So naniniwala kami na yung performance nila is pang-award winning talaga. So we’re rooting for them,” pahayag pa ni Ysabel na ang tinutukoy ay ang mga bidang sina Alessandra de Rossi at Euwenn Mikaell.
Dagdag namang sabi ni Miguel, “Ibigay na po natin sa film, kay Direk [Zig Dulay], kay Ate Alex, kay Euwenn.
“Kami, kung bibigyan niyo po, bakit hindi,” at muling tumawa si Miguel.
Pangalawang filmfest na ito ni Miguel. Ang una ay ang Mulawin: The Movie noong 2005 kung saan gumanap siya bilang batang Pagaspas.
Unang filmfest entry at unang pelikula naman ni Ysabel ang Firefly.
“Nakakatuwa and very honored ako na part ako ng film na ito and first film ko pa. So nagpapasalamat po ako sa tiwala and sa guidance ni Direk Zig.”
Ysabel’s businesses
Sa murang edad ni Ysabel ay may mga negosyo na siya.
May branch o franchise siya ng sikat na chain of nail spa and salon, ang Nailandia (na pag-aari ng mag-asawang Noreen and Juncynth Divina) at recently naman ay nagtayo sila ng ina niyang si Michelle Ortega ng bakery, ang Maria Ysabel’s Cakes and Pastries.
Bakit nagdesisyon si Ysabel na maging negosyante sa kabila ng kanyang busy schedule sa showbiz?
Lahad ni Ysabel, “Actually nag-start yung year na ito na nasa law school ako.
“Iyon yung goal ko talaga, maging abogada ever since bata pa lang ako, iyon yung pangarap ko.
“Kaso na-realize ko na mahirap siya talaga i-juggle with showbiz!
“Kasi akala ko since nai-juggle ko naman yung college ko, baka it’s the same thing.
“Pero mahirap po talaga siya, it’s no joke. And ang taas po ng respeto ko sa mga naglo-law school!
“So naisip ko na mag-stop muna ako pero gusto ko pa rin ng something na ginagawa na maggu-grow din ako.
“So dun ako nag-decide na sige nga, try ko nga mag-business.
“Which never ko in-expect kasi hindi ko po talaga gusto maging negosyante or businesswoman.
“Pero nae-enjoy ko po siya, nagugustuhan ko po siya,” ang nakangiting sinabi pa ni Ysabel.
“So go with the flow lang po talaga ako, siyempre gusto ko pa rin ng something na out of showbiz.”
Wala raw sa plano nina Miguel at Ysabel ang magsosyo sa negosyo, baka raw kasi maging dahilan pa iyon ng kanilang away.
“Hindi natin alam kung ano ang mangyayari kapag may ka-partner ka sa negosyo,” sinabi ni Miguel.
“Though confident naman kami na hindi kami mag-aaway dahil hindi naman malaking problema sa amin ang pera, pero huwag na, huwag na,” at natawa uli si Miguel.
“Enough na, na magkatrabaho kami sa showbiz,” pakli naman ni Ysabel.
Mula sa produksyon ng GMA Pictures at GMA Public Affairs ang Firefly at sa panulat ni Angeli Atienza. Nasa cast din sina Cherry Pie Picache, Yayo Aguila, Max Collins, Kokoy de Santos, Epy Quizon, at Dingdong Dantes.