Jillian Ward, nagiba ang pananaw sa pagiging artista at sa medical field

Aminado ang Abot-Kamay na Pangarap star na si Jillian Ward na matapos ang ilang taon niya sa showbiz, ay malaki na ang ipinagbago ng kaniyang pananaw tungkol sa pagiging artista.

At dahil din sa kaniyang role sa medical series ay nagbago na rin ang pananaw niya sa medical field.

Sa interview ni Jillian sa Balita Ko, inamin ng aktres na malaki at marami na ang nagbago sa pananaw niya tungkol sa pag-arte.

“Kasi kapag nagte-taping po ako, parang laro lang din po siya sa akin. Ngayon po mas na-a-appreciate ko po ‘yung trabaho po namin, may lalim na po ‘yung ginagawa ko po sa mga eksena,” sabi nito.

Dagdag pa nito, “Sobrang dami ko pong natutunan, both po sa personal life ko and sa professional life ko po.”

Nang tanungin naman siya kung ano ang nagbago sa tingin niya sa medical field, ang sagot ng aktres, “Mas na-appreciate ko po ‘yung mga doktor.”

“Na-realize ko, ang hirap po ng ginagawa nila. Kami po dito, nagme-memorize lang po kami para sa eksena e sila po talaga, inaaral po nila so iba po ‘yung respeto ko sa kanila,” sabi nito.

Ayon kay Jillian, kung sakaling ituloy niya ang pagiging doktor sa totoong buhay ay pipiliin niyang maging pediatrician dahil sa hilig niya sa mga bata.

Samantala, kailan lang ay ipinagdiwang ng Abot-Kamay na Pangarap ang unang anibersaryo nila sa telebisyon. Sa dami ng mga ginampanang roles ni Jillian, kasama na ang kay Doc Analyn, ano pa bang role ang gusto niyang magawa?

“Well, ‘yung mga plano ko po in the future, marami po talaga akong gustong gawin, gusto ko pong gawin lahat ng genre po sa acting,” sabi nito.

Dagdag pa ng Star of the New Gen, “Gusto ko pong mag-comedy, mag-action, drama, psychological drama, marami po akong gustong gawin. Ilalaban ko lang po talaga ‘to, I will do my best.”

Nang tanungin ang aktres kung gusto ba nito subukan ang pagiging kontrabida, “Why not po, ‘di ba? Maging kontrabida po ako ni Moira tsaka ni Zoey para makalaban po ako sa kanila.” pabirong sagot nito.

Panoorin ang buong interview ni Jillian dito: