Vice Ganda on being hailed as one of the Iconic Pinoy comedians: “Thank you Lord because I continue to win.”

Vice Ganda hailed as one of the Iconic Pinoy Comedians

Hindi nakadalo si Vice Ganda sa closing ceremony ng 3rd Philippine Film Industry Month noong Biyernes, Setyembre 29, 2023, sa Acacia Hotel sa Alabang, Muntinlupa City.

Isa si Vice sa pinarangalan bilang Iconic Pinoy comedians kasama sina Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon, Ai-Ai delas Alas, Eugene Domingo, Michael V. at ang yumaong Comedy King na si Dolphy.

Pinangasiwaan ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang nasabing pagpaparangal sa pamumuno ng chairman at CEO nitong si Tirso Cruz III.

Sa It’s Showtime nitong Sabado, September 30, 2023, humingi ng dispensa si Vice na hindi siya nakadalo sa pagtitipon.

Dito na rin siya nagbigay ng kanyang talumpati.

Panimula niya, “Malaking honor itong trophy na to kaya malungkot din ako kasi hindi ko siya nakuha kahapon. I wasn’t there to personally accept the trophy and to personally say my speech.

“Nagpapasalamat po ako sa Film Development Council for this award.”

Kasunod nito ay tiningnan ni Vice ang tropeyo at binasa ang nakasulat: “Ayun o, Jose Marie ‘Vice Ganda’ Viceral, ako to.

“Maraming-maraming salamat po sa pagkilala ninyo sa mga naging kontribusyon ko sa industriya, sa pelikula, lalung-lalo na.

“Nagpapasalamat ako sa Film Development Council for considering me to be one of the few celebrities na binigyan ninyo ng pagpaparangal o tropeyo kahapon. Maraming-maraming salamat po.”

TAKING A SWIPE AT LATEST CONTROVERSY

Tila may pinasasaringan naman si Vice sa pagpapatuloy ng kanyang speech.

Sabi niya, “This is just very timely. As usual, the design is very consistent, di ba?

“The design is very consistent, yung after a few days, may award. Laging ganun, di ba?

“Alam na alam ng Madlang People yan. Gets na gets na nila yan. The design is very consistent.”

Wala mang direktang tinukoy si Vice, hindi naman lingid sa kaalaman ng publiko ang kinahaharap na isyu ngayon ng hinu-host niyang programa, ang It’s Showtime.

Pinal na ang desisyon ng MTRCB na patawan ng 12-day suspension ang noontime show dahil sa ilan umanong paglabag.

Noong August 25, 2023, mahaba rin ang naging talumpati ni Vice nang manalo bilang Best Asian Original Game Show sa Content Asia Awards 2023 ang Everybody, Sing, ang weekly game show niya sa ABS-CBN.

Hindi rin nakadalo si Vice sa awarding ceremony na ginanap sa Thailand kaya sa It’s Showtime siya nagbigay ng talumpati.

Bahagi ng kanyang speech, “Sa lahat ng mga tao na nakakakilala sa akin, alam nila kung gaano kahalaga itong award na ito sa akin.

“Alam nila kung bakit ito napapanahon. Alam nila kung bakit ang sarap nito ngayon. Maraming-maraming salamat.

“Blessing after blessing, after blessing, after blessing, oh my God, the design is very consistent. Thank you Lord. God’s voice is breaking through all the noise.”

Marami ring pinag-alayan si Vice sa kanyang latest award.

Isa na rito ang pumanaw na direktor na si Wenn Deramas, na literal na naglikha sa kanya bilang box-office star.

Aniya, “Inaalay ko tong karangalan na ito sa maraming mga direktor na bumuo ng mga pelikula ko, lalung-lalo na sa the late great Wenn V. Deramas.

“Si Direk Wenn ang gumawa ng pangalan ko sa pelikula. Maraming-maraming salamat po.

“Si Direk Wenn din ang nagpaingay ng pangalan ko sa pelikula. Siya rin ang dahilan kung bakit sa kauna-unahang pagkakataon na mabigyan ako ng Phenomenal Box Office Award tapos naging Phenomenal Box Office Superstar na in-award sa akin ng Guillermo.

“Maraming-maraming salamat, Direk Wenn, habang buhay kaming magpapasalamat sa yo at hindi ka mawawala sa aming isip, sa puso namin at lagi ka naming pasasalamatan.

“Si Direk Wenn kasi, napakalalim ng itinanim niya sa amin, sa amin na mga anak niya na hanggang ngayon damang-dama namin.

“At naniniwala ako na hanggang ngayon, damang-dama pa rin siya ng Filipino audience at hinahanap-hanap si Direk Wenn. Lalung lalo na tuwing Pasko.

“Maraming-maraming salamat, Direk Wenn.”

Inalay rin ni Vice ang kanyang parangal sa iba pa niyang naging direktor at sa film outfits na nagtiwala sa kanya. Gayundin sa mga namumuno ng ABS-CBN.

“Sa lahat ng mga naging director ko, sa lahat ng mga producers ko, sa Viva Films. Viva Films ang kauna-unahang production outfit na nagtiwala sa akin sa isang pelikula, ang pelikulang Petrang Kabayo.

“Na sinusugan naman ng Star Cinema. Maraming-maraming salamat sa Star Cinema, sa ABS-CBN.

“Kay Tita Cory [Vidanes] thank you very much. Kay Sir Carlo [Katigbak], kay Sir Mark [Lopez], maraming-maraming salamat.”

Pati na sa masugid na audience at televiewers ng It’s Showtime na kung tawagin ay Madlang People.

Ganundin sa kanyang bashers.

Sabi ni Vice, “At buong pagpapakumbaba kong inaalay itong karangalang ito sa lahat ng Madlang People.

“Sa lahat ng Madlang People na patuloy na naniniwala at patuloy na tumatawa sa lahat ng ginagawa ko at sa patuloy na nagmamahal sa akin unconditionally, maraming-maraming salamat.

“Buong pagpapakumbaba ko pong inaalay tong karangalang ito.”

Dagdag pa niyang nakatawa, “At buong pagmamayabang ko namang ipini-flex ang award na ito sa lahat ng mga alam mo na. I apologize, hindi ko po sinasadyang pikahin na naman kayo sa award na ito.

“Maraming natutuwa, maraming masayang-masaya para sa akin, at alam ko naman na marami rin ang tumataas ang kilay.

“Marami na naman ang nabubuwisit dahil sa award na ito. Hindi ko sinasadyang pikahin kayo dahil sa parangal na ito.

“Pero sini-share ko pa rin sa inyo, sana maging inspirasyon to sa lahat.”

“THANK YOU LORD BECAUSE I CONTINUE TO WIN.”

Sinang-ayunan naman ni Vice ang sinabi ni Michael V sa speech na mahirap nang magpatawa sa panahon ngayon.

Saad ni Vice, “Sabi ni Michael V, parang, sa panahon daw na ito napakahirap nang magpatawa. Totoo naman.

“Napakahirap nang magpatawa. Dahil iba-iba na… iba na ang takbo ng utak ng mga tao ngayon.

“Pero bilang isang totoong komedyante daw ay magpapatuloy pa rin dapat sa kung anong ginagawa.”

Kasunod nito ay naglabas ng saloobin si Vice sa mga kumukutya sa kanyang mga pelikula.

Lahad niya, “Ako, naniniwala ako, napalaking bagay ng komedya na ginagawa namin.

“Maraming nagsasabi na ang papangit ng pelikula ko, ang babasura ng pelikula ko.

“Pero ang ipinagmamalaki ko, sa mga panahon na bagsak na bagsak ang mga Pilipino, at parang nawawalan sila ng pag-asa, at sa mga panahon na malungkot na malungkot sila, masayang-masaya ako na kaya maraming nanood ng pelikula ko, dahil yung mga pelikula ko ang ginagawang pangtakas ng napakaraming Pilipino sa nararamdaman nilang lungkot, sa nararamdaman nilang galit, sa nararamdaman nilang kawalan ng pag-asa.

“Sa mga taong gusto nilang maiyak pero manonood na lang sila para makatawid at makatakas dun sa bigat na nararamdaman nila.

“Feeling ko, yun yung essence ng mga pelikulang nagawa ko.”

Bago magtapos ay inalay na rin ni Vice ang kanyang award sa mga kasamahan sa It’s Showtime at sa partner nitong si Ion Perez.

Deklarasyon pa niya sa huli, “Thank you, Lord, because I continue to win.”