Maxine Medina marries Timmy Llana in an intimate church wedding

Ikinasal na ang beauty queen-actress na si Maxine Medina sa diving instructor na si Timmy Llana nitong Martes ng hapon, October 3, 2023.

Ginanap ang pag-iisang dibdib ng dalawa sa Immaculate Heart of Mary Church sa Daang Bakal Road, Antipolo City.

Ang nag-officiate ng kanilang Catholic wedding ay si Rev. Fr. Aniceto Abiera.

Idinaos naman ang reception sa Kalinaw Private Resort sa Buliran Road, Antipolo.

maxine medina timmy llana wedding

Ayon sa nakalap na detalye ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph), wala pang 40 ang bilang ng mga dumalo sa intimate wedding ceremony nina Maxine at Timmy.

Ang naghatid kay Maxine sa altar ay ang mga magulang niyang sina Maximo Guillermo Medina at Ma. Fe Benedicta Medina.

In attendance din siyempre ang mga magulang ng groom na sina Marcello Llana at Teresa Lim.

Ang iba pang mga bisita ay mga kamag-anak ng bride and groom.

Ayon sa event stylist na si Tei Endencia, may-ari ng AQUILA Crystal Palace Tagaytay Events Place at siya ring stylist sa kasal nina Maxine at Timmy, tatlong ninong lamang ang present sa wedding: ang manager/mentor ni Maxine na si Jonas Gaffud, head ng Empire.PH at Mercator Artist and Model Management; si Jerry Diaz; at ang clothing magnate na si Bench Chan ng Bench.

Walang mga ninang, walang mga abay, walang flower girl at ring bearer sa ginanap na kasalan dahil may “Part 2” daw ang wedding nina Maxine at Timmy.

Isang engrandeng beach wedding ceremony ang gaganapin sa Club Paradise sa Palawan sa October 10, 2023.

Maxine Medina is engaged | PEP.ph

Sa October 10 ay inaasahang magsisidalo ang mga kaibigan nina Maxine at Timmy, partikular ang mga kapwa beauty queens at kaibigang artista ni Maxine.

Bukod kay Tei, ang iba pang naging bahagi o mga supplier ng kasal nina Maxine at Timm ay mga sumusunod: planning and coordination by Events by Miss P; wedding gown by Mark Bumgarner; makeup by Albert Kurniawan; catering by Prive by Illo’s Catering; photo and video by Nice Print.

Wish umano ng ina ni Maxine na magkaroon muna sila ng church wedding bago ang kanilang Palawan beach wedding.

Si Maxine ang kinatawan ng Pilipinas sa Miss Universe 2016 na idinaos dito sa Pilipinas, isang taon makaraang koronahan sa Las Vegas, Nevada sa Amerika ang si Pia Wurtzbach bilang ikatlong Pinay Miss Universe, kasunod nina Gloria Diaz (1969) at Margie Moran (1973).

Nakaabot si Maxine saTop 6 finalists, kung saan ang nagwaging Miss Universe 2016 ay si Iris Mittenaere ng France.