Luis Manzano quips about 12-day airing of ‘It’s Your Lucky Day’

Trending at usap-usapan ngayon sa X (dating Twitter) Philippines ang pilot episode ng bagong noontime game-variety show sa Kapamilya Channel, A2Z, at GTV na It’s Your Lucky Day.

Ngayong Sabado, October 14, 2023, nagsimula ang programa na panandaliang hahalili sa It’s Showtime sa loob ng labindalawang araw.

Ito’y bunsod ng suspension order na ipinataw ng MTRCB (Movie and Television Review and Classification Board) laban sa It’s Showtime, na hindi na sinalungat ng ABS-CBN.

Sa pangunguna ng TV host na si Luis Manzano, kasama ang “Lucky Stars” na sina Robi Domingo, Jennica Garcia, Melai Cantiveros, Francine Diaz, Seth Fedelin, Long Mejia, Negi, Divine Tetay, Petite, at special guest nilang si Shaina Magdayao, pinasaya, at nagbigay ng papremyo at suwerte ang It’s Your Lucky Day sa mga manonood.

Bukod sa kanilang fun games at prizes, pinag-usapan at kinatuwaan din sa social media ang binitawang hirit ni Luis.

Ito’y matapos niyang sabihin sa kanyang co-hosts na hindi kailanman makalilimutan ng kanilang manoood ang programa nila dahil sa gagawin nitong kasaysayan.

Aniya, “Naniniwala ako ngayon, e, gagawa tayo ng history.

“Alam niyo ba ang mga kabataan ay pagkatapos ng ilang taon, pag-uusapan tayo.

“Nasa libro tayo ng HeKaSi.

“Ang tanong, kung bakit tayo pupunta sa history? Kasi first time sa lahat ng shows ng ABS-CBN, kahit sa buong industriya.

“Hindi pa tayo natatapos ng unang episode, maa-announce na natin ang huling dalawang linggo.”

Marami sa mga netizen ang natuwa sa umano’y sense of humor ni Luis, maging ang kanyang mga co-host na bagay na bagay raw sa noontime show.

Tweet ng isang netizen, “I like the humor and respect ni Luis, bagay siya pang noontime.”

Sabi pa ng isa, “In fairness nakakatawa talaga yun pa-huling dalawang linggo. Gagaling ng mga host.”

Dagdag pa ng isa, “Havey, jusko ka Luis.”

LUIS GREETS IT’S SHOWTIME, TVJ, E.A.T.

Hinangaan din ng netizens ang pagiging professional daw ni Luis, na nagpasintabi sa mga katapat nilang noontime show sa ibang istasyon.

Sa opening spiels kasi ng TV host-actor, bukod sa It’s Showtime ay binati rin niya on-air ang Eat Bulaga!, at E.A.T.

Mensahe ni Luis, “Gusto naming batiin ang It’s Showtime family, sa lahat ng Madlang People konting tiis na lang makakasama niyo na ang It’s Showtime family.

“At bubusina rin po tayo sa Eat Bulaga!, hello po sa inyong lahat. At siyempre sa TVJ po, panandaliang makakasama po namin kayo sa noontime.”