It’s Your Lucky Day production, natutuwa sa 99% positive feedback sa programa

It's Your Lucky Day hosts

Trending at nanguna sa X (dating Twitter) nationwide ang bagong game variety show na It’s Your Lucky Day na nag-umpisa kahapon, Oktubre 14, 2023, Sabado.

Swabe at refreshing ang pagho-host ni Luis “Lucky” Manzano, katuwang sina Robi Domingo, Melai Cantiveros, at Jennica Garcia.

Bukod sa show pati kina Luis, Robi, Melai, at Jennica ay nasa trending list din ang mga kasama nila na sina Francine Diaz, Seth Fedelin, at Shaina Magdayao.

Nagdagdag sa saya sa kanilang pilot episode ang mga komedyanteng sina Petite, Tetay, Negi, at Long Mejia.

Binati at pinasalamatan naman nila ang It’s Showtime sa pagbibigay-suporta ng mga ito sa kanila. Pati Eat Bulaga! at E.A.T., binati ni Lovable Lucky.

Kabilang sa lucky segments ng programa ang “Pang-Ma-Luck-Cashan,” “Luckyng Kalye,” Lucky Pick,” “Pot Luck,” at “Stars for All Season.”

Sa “Pang-Ma-Luck-Cashan,” sampung mapalad na studio audience members ang puwedeng manalo ng cash prizes. Lima sa kanila ang uusad sa ‘jackpot round,’ kung saan haharapin nila ang ‘Cashingko’ board para palakihin din ang maiiuwing pera.

Diskarte ang kailangan para sa “Lucky Pick” kung saan pipili ang mga napiling audience member ng kanilang lucky weapon para sa ‘Hamon of the Day.’

Talino ang gagamitin ng ilang studio contestants sa “Pot Luck” para sagutin ang mga nakahandang tanong.

Ang mga mananalo sa dalawang segments ay tutuloy sa jackpot round na ‘Match Swerte’ kung saan kailangan nilang hulaan ang item na kukumpleto sa ‘showcase’ ng araw na yun.

Hindi lang studio audience ang masuwerteng mag-uuwi ng papremyo dahil iikot din ang Lucky Stars sa iba’t ibang barangay para makapagbigay ng grocery package at pera sa “Luckyng Kalye.”

Pangarap ng mga Pilipinong may edad 50 pataas ang tutuparin sa “Stars for all Season.”

Bawat araw, dalawang mang-aawit ang maglalaban-laban sa dalawang rounds at kakanta ng tig-isang modern at classic song.

Ang aspiring singer na makakakuha ng pinakamaraming bituin ay tutuloy sa weekly finals.

Abangan sa susunod na mga araw ang iba pa nilang hosts na sina Andrea Brillantes at Kyle Echarri, pati na ang kanilang surprise guests.

Panoorin ang masayang pamilya ng It’s Your Lucky Day, mula Lunes hanggang Sabado, 12:00 ng tanghali, mula Oktubre 14 hanggang Oktubre 27, 2023, sa GTV, A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel, at Facebook page, iWantTFC, at TFC IPTV.

The more the merrier—lalo na sa noontime show players. At least, alam ng It’s Your Lucky Day ang target audience nito at susubukan nilang palawakin pa ang existing audience ng It’s Showtime.

Nagpasalamat ang production head nito na kaibigan natin si Lani Gutierrez sa FB post nito at nagsabing, “I would like to congratulate It’s Your Lucky Day team for the successful launch! Nakaka happy yung feedback, 99% positive.

“Thank you so much Lucky Manzano! Grabe yung excellence and maturity mo to lead a new set of hosts, lahat kumportable kaagad because you let them all shine. Sobrang organic ng chemistry, lahat ng hosts nagdeliver, parang hindi 1 day dry run tapos salang na kaagad ng live. Ang taas ng energy at masaya.

“Thank you so much sa lahat ng staff, creative at setmen na ilang araw na walang tulog para maitayo ng maganda yung programa, at syempre sa mga technical crew na full support for this show. Thank you so much Rey E. Cantong and Kaye Malana-Cantong sa napaka catchy na themesong.

“Special mention lang to our executive producers Rose Casala and Trina Genova Bitara na sobrang tyaga sa detalye to make sure na magiging maayos ang launch ng show, kahit sobrang ngarag din yung daily grind ng Showtime. Thank you din sa support ng I Can See Your Voice team, maraming salamat sa tulong guys, di na kakayanin ‘to ng Showtime team without your help.

“Grabe lang yung tyaga at sipag ng Showtime team, di ko na alam kung papano niyo kinakaya lahat. Ang gagaling niyo! Thank you so much din to our boss Lui Andrada for your guidance. Thank you Lord, all glory belongs to You.”

Let’s see how this show fares in the coming days…

GORGY RULA

Hindi ko nabuo ang pilot telecast ng It’s My Lucky Day, dahil sinisilip-silip ko rin ang katapat na E.A.T. at Eat Bulaga!.

Ang galing ng production staff ng E.A.T. na nagawa nilang interesting ang mga karakter na nabuo nila sa segment nilang “Gimme 5.”

Tinanong ko naman si Paolo Contis kung ano ang pantapat ng Eat Bulaga! sa bagong programang pansamantalang ipinalit sa It’s Showtime.

Wala naman daw. Basta tuloy lang daw sila sa mga segments nila, at padami nang padami na raw ang gustong manood sa studio.

Parang public service program ang Eat Bulaga! nung Sabado na umabot hanggang sa studio nila ang “G sa Gedli” nina Isko Moreno at Buboy Villar.

Nakaka-touch ang bahaging iyon kung saan merong isang labanderang taga-Bulacan na wala pang isang libo ang kinikita niya sa loob ng isang linggo.

Napagkasya niya iyun sa kinakain nila araw-araw at baon sa pag-aaral ng isa niyang anak at dalawang apo.

Binigyan nila ito ng pera na sobrang ikinatuwa ng ginang na iyon. Nakikita naman kina Yorme, Buboy, at Paolo na gusto nilang tulungan ang babaeng iyon at pati ang mga nasa audience ay pinaambunan pa nila ng kadatungan.