‘It’s Your Lucky Day,’ magtutuluy-tuloy na sa ere kahit bumalik ang ‘It’s Showtime’?

it's your lucky day october 16, 2023

Makahulugan ang pahiwatig ni Luis Manzano sa unang Lunes sa telebisyon ng It’s Your Lucky Day, ang noontime game at variety show na pansamantalang ipinalit sa It’s Showtime habang suspendido ito ng MTRCB sa loob ng labindalawang araw

Noong Sabado, October 14,2023, ang pilot telecast ng It’s Your Lucky Day.

Natawa ang manonood sa sinabi ni Luis na, “First time sa lahat ng shows ng ABS-CBN, kahit sa buong industriya, hindi pa tayo natatapos ng unang episode, maa-announce na natin ang huling dalawang linggo.”

Ngayong Lunes, October 16, muling nagbiro si Luis nang sabihin nito, “Ito ang unang Lunes na kasama ninyo kami sa pananghalian kaya gagawin nating masuwerte ang pagsisimula ng week natin na ito.”

Tinawag ni Luis ang kanyang co-host na si Melai Cantiveros.

“Kung si Anne [Curtis] merong It’s Showtime,’ kami naman merong It’s Short time,’ pabirong saad ni Melai tungkol sa limited run ng kanilang programa.

“Eleven days to go, katapusan na natin!” natatawang pahayag ni Luis, kasunod ang pahiwatig na maaaring patuloy na mapanood sa telebisyon ang It’s Your Lucky Day.

“Nagloloko tayo ng eleven days na lang tayo pero malay natin kung susuwertihin din tayo. Malay natin, eleven days tayo sa timeslot na ‘to.

“Malay natin kung susuwertihin, e, medyo mapaaga nang konti sa Showtime,” sabi ni Luis na ikinaintriga ng televiewers.

Naging madali para sa ABS-CBN management na pansamantalang ipalit sa It’s Showtime ang It’s Your Lucky Day dahil kasado na ang game and variety show ni Luis at ng mga kasamahan nito kaya may mga segment na silang nakahanda.

Pero napaaga ang telecast dahil sa suspeniyon na ipinataw ng MTRCB sa programa na pinangungunahan nina Vice Ganda, Anne Curtis, Vhong Navarro, Jhong Hilario, Karylle, Amy Perez, at Kim Chiu.

Samantala, ang Kapuso star na si Bianca Umali ang special guest co-host ngayong Lunes sa It’s Your Lucky Day.

it's your lucky day bianca umali

Nagpasalamat si Bianca dahil siya ang kauna-unahang Kapuso star na naimbitahan sa naturang programa.

“Maraming salamat po for having me again. I had such a great time performing for Showtime and to be part of It’s Your Lucky Day, it’s a pleasure to be the first Kapuso,” mensahe ni Bianca para sa viewers ng It’s Your Lucky Day.