Arron Villaflor reveals almost quitting showbiz: “Inisip ko, they didn’t like me. I was not enough for them.”

Sa edad na 16, muntik nang talikuran ni Arron Villaflor ang kanyang acting career dahil naranasan niyang mawalan ng trabaho sa loob ng anim na buwan.

Arron Villaflor

Pinayuhan noon si Arron na ipagpatuloy na lamang nito ang pag-aaral at balikan na lamang niya ang entertainment industry kapag handa na siya.

Lahad ni Arron sa exclusive interview ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph), “Right after ng teleserye na Sana Maulit Muli [2007], nawalan na ako ng project for six months.

“Nagtanong ako sa manager ko, ‘Ano nangyayari? Bago lang kami na mga celebrity ni Erich Gonzales, bakit six months, wala kaming trabaho?’

“I was thinking, should I quit? Six months ka nang walang trabaho, e, halos bago lang ako.

“Inisip ko, they didn’t like me. I was not enough for them. Siguro, may hinahanap sila na mas mahusay, matangkad, may hitsura, or I wasn’t giving help or justice in the things I do.

“Two weeks akong problemado noon. Sabi ko, ‘Lord, ikaw na po ang mag-decide para sa akin. Pagod na po ako. Lord, bakit?’

“Sa lahat ng run ng Star Circle National Teen Quest, napakahirap. Mahirap pa sa PBB kasi indoor and outdoor activities ang SCQ.

Pagpapatuloy ng SCQ alumnus, “Tinanong ako ng parents ko, ‘Ano, anak? Quit ka na? I-resume mo na lang ang studies mo. Pagdating ng college mo sa Manila, malay mo. Kung gusto mong sumali uli, tapusin mo muna dito [sa Tarlac] ang pag-aaral mo.’”

Masayang-masaya si Arron dahil makalipas ang dalawang linggo, binigyan siya ng ABS-CBN ng isang proyekto at mula noon, nagkasunud-sunod na ang kanyang mga programa sa dating home studio niya.

STAR CIRCLE QUEST AUDITIONS

High school student at labing-apat pa lamang ang edad ni Arron nang subukan niyang sumali sa Star Circle National Teen Quest Season 2 auditions noong 2004 dahil sa kanyang pangarap maging artista.

Ipinagtapat ni Arron na hindi siya marunong umarte noon at wala siyang nakikitang talent sa sarili, maliban sa kanyang hilig na panonood ng action movies nina Robin Padilla, Ronnie Ricketts, at ibang mga action star.

Kuwento niya, “I auditioned sa Baguio City. Pangarap kong mag-artista pero wala akong background about acting, modelling or whatever.

“Mahilig ako sa action movies. Ang palaging ipinapalabas noon sa Tarlac, action movies. Ang madalas na nakikita ko na umaarte sa ‘90’s movies, sina Robin Padilla, Ronnie Ricketts, Monsour del Rosario, Ace Espinosa….

“Ang sabi ko lang, kung mabibigyan ako ng chance na pumasok sa industriya, bakit hindi?

“Wala akong alam, as in mahiyain ako ng time na yon. Hindi ko alam kung sino ang puwedeng lapitan kasi probinsyano ako, hanggang malaman ko na may audition ng Star Circle National Teen Quest sa Baguio City.”

Napakinabangan ni Arron ang hilig sa action movies dahil nagamit niya itong audition piece.

“Ang memorable experience ko, sabi nila sa akin, ‘Ano ang kaya mong gawin?’

“Sabi ko, ‘I can act.’ So, nagpulis-pulisan ako. May mga bomba kunwari dahil yon ang napapanood ko sa movies.

“Naka-set na sa utak ko na whatever the result, I’ll be ready. Kumbaga, sinubukan ko lang.

“Imagine, ang daming nakapila na may mas hitsura, matatangkad, tapos yung punto ko makapal. Para akong nag-a-apply ng trabaho. May dala akong folder.

“Then, sinabi nila sa akin, tatawagan na lang nila ako if I’m in for the second round.

“The next day, bumaba ako mula sa Baguio. Bumalik ako sa Tarlac City, pumasok ako sa school.

“Yung mga kaklase ko, sinasabi nila, ‘O, ayan, mag-aartista yan!’

“Sa akin, ‘Wala pa nga, e. Mas atat pa kayo sa akin.’ Hindi ko alam kung bakit kumalat ang balita.

“Nang umuwi ako ng bahay, sinabi ng mother ko na may tumawag from ABS-CBN. Kailangan ko raw bumalik.

“Masaya talaga ako. Hindi ako makapaniwala! Eventually, thank God, nakapasa ako.

“I am not from Baguio City pero I am representing Baguio City, yung Norte. Kinakabahan talaga ako.”

Si Arron ang itinanghal na first runner-up ni Erich Gonzales, ang Grand Questor ng Star Circle National Teen Quest.

FIRST LEAD ROLE IN A MOVIE

Ang 2010 indie movie na Astro Mayabang ang unang pelikula na si Arron ang bida.

astro mayabang poster

Makasaysayan para kay Arron ang Astro Mayabang dahil ito ang debut movie ng direktor na si Jason Paul Laxamana.

Muli silang nagkatrabaho sa Penduko, isa sa sampung pelikulag opisyal na kalahok sa 42nd Metro Manila Film Festival na magaganap sa Disyembre.

“I am glad working again with Direk Jason Paul Laxamana kasi the last project we did was Astro Mayabang pa, and that’s his debut film. First film niya sa industriya.

“And I am very happy working with Tito Albert Martinez again, he’s my mentor. Half-brothers kami sa Juan dela Cruz,” banggit ni Arron sa fantasy series ng ABS-CBN noong 2013 na nagbigay kay Arron ng best supporting drama actor award mula sa Star Awards for Television.

Dagdag pa niya, “It’s such an amazing and fun experience to work with them again.”