Joshua Garcia, Emilienne Vigier spend time together in Japan

Joshua Garcia and Emilienne Vigier in Japan

Ipinasilip ni Emilienne Vigier ang Japan trip nila ng rumored boyfriend na si Joshua Garcia.

Si Emilienne ay Filipino-French golfer at may-ari ng isang munting online bakeshop.

Sa Instagram Story ni Emilienne, ipinakita niya ang kuha nila ni Joshua sa full-house concert ng Coldplay na ginanap sa Tokyo Dome sa Tokyo, Japan, noong November 6, 2023.

Caption ni Emilienne, kalakip ng crying emoji, “Close to my heart.”

Joshua Garcia and Emilienne Vigier watch Coldplay in Japan

May video version din iyon at makikitang pareho silang ganado sa panonood ng sikat na British rock band.

Sa isa pang post ng dalaga, inamin nitong panay ang iyak niya sa concert.

Aniya, “Forever a cry baby [laugh, cry, heart emojis] @coldplay #2hoursofcrying world record di po kinaya ng tissue paper.”

May hiwalay na IG post din si Joshua na nagpapakita ng ilang highlights ng concert.

Walang ipinost si Joshua na litrato nila ni Emilienne.

Pero si Emilienne, nag-post ng isa pang snapshot kunsaan makikitang nakaakbay sa kanya si Joshua.

Joshua Garcia and Emilienne Vigier

Matagal din ang bakasyon ng dalawa sa Japan dahil October 31 pa lang ay may IG update na si Emilienne, habang si Joshua ay may IG post noong November 2.

Kakatwang hindi na solo si Joshua nang salubungin ang Halloween 2023 sa Japan, dahil noong nakaraang taon ay solo pa siya nang mag-Japan sila ng mga kabarkadang sina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo.

Si Joshua pa ang naging daan noon para sa soft launch ng relasyon ng mga kaibigan niyang sina Zanjoe Marudo at Ria Atayde.

DATING FOR MONTHS NOW

As early as June 2023, usap-usapan na social media ang ugnayan nina Joshua at Emilienne.

Natukoy ng netizens na magkasama ang dalawa nang magbakasyon sa Palawan.

Nasundan iyon ng soft launch ni Joshua ng pagluluto niya ng pagkain para kay Emilienne, base sa IG post ng aktor noong July 24.

At kahit na abala sa trabaho si Joshua, nakakahanap ito ng oras para makasama si Emilienne.

Makailang-beses na ring nag-post si Emilienne ng bonding nila ni Joshua tulad ng pagdyi-gym nila nang magkasama at isa pang okasyon kunsaan naghayag si Emilienne ng pagmamahal para sa aktor.

Sa ulat ng PEP Troika noong September 23, sinabi ni Joshua patungkol kay Emilienne, “Hindi ko siya dine-deny.”

Ayaw lang daw niyang ipangalandakan ang relasyon nila dahil “yung relationship na yan ay kami lang naman yung parte dun, e.”

“Nagkakagulo” lang daw kapag isinasapubliko niya.