Vice Ganda in tears talking about constant b.ully.ing of his partner Ion Perez online

ion perez vice ganda it's showtime
Vice Ganda on partner Ion Perez: “Alam ko kung gaano siya sinasaktan ng social media. Every day he’s being judged. Kung ano siya, saan siya galing, paano siya magsalita, ano na ang nakikita sa kanya, yung klase ng relasyon na meron siya…”

Tungkol sa responsableng paggamit ng cell phone ang tema ng “Magpasikat” production number ng grupo nina Jhong Hilario, Kim Chiu, at Ion Perez o Team JKI na napanood sa It’s Showtime ngayong Biyernes ng tanghali, Nobyembre 10, 2023.

Ang karakter na ginampanan ni Ion ay isang waiter na nagkaroon ng viral video at binatikos ng publiko kahit hindi nila alam ang puno’t dulo ng kuwento.

Naging madamdamin ang palabas ng Team JKI dahil sa wagas na pagluha ni Ion sa eksenang kinakausap niya kunwari sa cell phone ang kanyang kapatid na babae na namatay dahil sa Stage 4 cancer.

ion perez magpasikat
PHOTO/S: KAPAMILYA CHANNEL

Nakiiyak kay Ion ang manonood habang nagsasalita siya at humihingi ng tawad sa nanay niya na nasa audience gallery ng It’s Showtime at hawak ang larawan ng kanyang sumakabilang-buhay na kapatid.

“Gusto ko lang sabihin sa yo na pasensiya na kung napagsusungitan kita minsan, nakakasagot ako sa yo.

“Siguro alam mo naman yung nangyari sa akin, di ba? Sasabayan pa ng pagkawala ni Ate kaya sana, mapatawad mo ako,” umiiyak na paghingi ng dispensa ni Ion sa kanyang ina na lumuluha rin dahil sa mga pahayag niya.

ion perez magpasikat
PHOTO/S: KAPAMILYA CHANNEL

Pagpapatuloy ni Ion, “At sa ate ko na hindi na namin kapiling, gusto ko lang sabihin sa yo na maraming-maraming salamat sa tulong, sa ipinaramdam mo, sa sakripisyo mo na hindi ko na nasuklian.

“Nami-miss na kita, Ate… Mahal na mahal kita, hanggang sa muli. I love you, Ate.”

Hindi nagkaroon ng sariling pamilya ang ate ni Ion dahil ibinuhos nito ang panahon sa pag-aalaga kay Ion at sa ibang mga kapatid niya.

Nagpatuloy ang pagluha ni Ion nang pasalamatan nito ang kanyang ina at mga kapatid na pumunta sa studio ng It’s Showtime para personal na panoorin ang pagtatanghal nila nina Kim at Jhong.

“Maraming-maraming salamat sa inyo. Wala, wala na yung proud sa akin na…” sabi ni Ion, na muling binanggit ang pumanaw na kapatid.

“Sa tuwing nakikita niya ako sa TV, araw-araw tumatawag yan, ‘Proud na proud ako sa kapatid ko, si Noy. Mabait na bata…’

“Sa panahong ramdam ko na yung tao galit lahat sa akin, siya lang yung tao na naniniwala na hindi lingid sa akin kaya…”

Hindi na natapos ang pagsasalita ni Ion dahil tuluyan nang nadala ng kanyang emosyon.

Iyak din nang iyak si Vice Ganda habang pinapanood at pinapakinggan ang mga sinasabi ng kanyang karelasyon.

vice ganda it's showtime

Muling ipinamalas ni Vice ang dakilang pagmamahal niya kay Ion nang magsalita siya tungkol sa araw-araw na online bullying na nararanasan ng kanyang minamahal.
Nag-umpisang maging biktima si Ion ng mga panghuhusga nang isapubliko nila ni Vice ang kanilang relasyon na nagsimula noong 2018.
Ang labindalawang araw na suspensiyong ipinataw ng MTRCB sa It’s Showtime dahil sa cake-icing incident na kinasangkutan nina Ion at Vice ang isa sa mga pinakamatinding pagsubok na pinagdaanan ng dalawa.

Pahayag ni Vice tungkol sa online bullying na nararanasan ni Ion, “Araw-araw kasama ko yan. Alam ko kung gaano siya sinasaktan ng social media.

“Every day he’s being judged. Kung ano siya, saan siya galing, paano siya magsalita, ano na ang nakikita sa kanya, yung klase ng relasyon na meron siya…

“Everyday he’s being judged.

“Araw-araw, lumalaban yan. Araw-araw nasasaktan kaya….

“Basta hindi ninyo alam kung anong epekto nito kay Ion at sa akin.

“Ang alam ninyo lang, yung alam ninyo. Ang nakita ninyo lang, ang nakita ninyo, pero hindi ninyo talaga alam.”

Mensahe pa ni Vice kay Ion: “Kaya araw-araw, di ba, sabi ko sa yo, araw-araw mamahalin kita. Kakampihan kita araw-araw.

“Araw-araw, kakampihan kita araw-araw. Ipagdadasal kita araw-araw. Yayakapin kita araw-araw.

“Dadamayan kita araw-araw. Araw-araw, sasamahan kita… sasamahan kita.

“Mahal na mahal kita. Proud na proud ako sa yo. Proud na proud ako sa yo.”

Masaganang luha ang pumatak mula sa mga mata ni Vice dahil sa magkahalong awa at pagmamahal na nararamdaman niya para kay Ion.