Andrea Brillantes unfollows Kathryn Bernardo on Instagram

In-unfollow na rin ni Andrea Brillantes sa Instagram ang kapwa niya Kapamilya star na si Kathryn Bernardo.

Ito’y sa gitna pa rin ng usap-usapang may problema umano sa relasyon ni Kathryn at ng boyfriend nitong si Daniel Padilla.

Noong November 8, 2023, ibinalita ni Ogie Diaz sa kanyang YouTube vlog ang usap-usapang hiwalay na umano ang celebrity couple.

Dawit dito ang pangalan ni Andrea, na ayon kay Ogie ay nali-link kay Daniel at pasikreto pa umanong nagkikita ang dalawa.

Bagamat kalaunan ay binawi ito ni Ogie nang sabihin niyang hindi sa kanya unang nanggaling ang tsismis. Galing daw ito sa isang source na ayaw magpapangalan.

Nitong Linggo, November 19, 2023, napansin ng mapanuring netizens na wala na rin sa following list sa Instagram account ni Andrea ang IG account ni Kathryn.

Andrea Brillantes, Kathryn Bernardo

Nangyari ito dalawang araw matapos madiskubre ng KathNiel fans na hindi na pina-follow ni Kathryn ang young actress, pero si Andrea ay nananatiling nasa following list niya si Kathryn.

Kung susumahin, parehas na ngayong hindi pina-follow nina Kathryn at Andrea ang isa’t isa.

Pagdating naman kay Daniel, makikita na nananatiling nasa following list niya si Andrea at nobyang si Kathryn.

Andrea Brillantes unfollows Kathryn Bernardo on Instagram

Andrea Brillantes unfollows Kathryn Bernardo on Instagram

OGIE DIAZ ON KATHNIEL RUMORED BREAKUP

Ogie Diaz sa tsikang hiwalay na KathNiel: 'Hindi sa akin nagsimula ito'

Nakausap ng PEP Troika si Ogie noong November 16, kung saan dito ay nausisa nila ang tungkol sa inilabas niyang vlog sa YouTube na pinag-ugatan ng haka-hakang hiwalay na sina Kathryn at Daniel.

Sagot ni Ogie sa tanong kung naniniwala ba siyang may something na namagitan kina Daniel at Andrea, “Sinabi ko nga, paulit-ulit… eto ho ang nakarating sa amin, hindi po ito confirmed.

“Hintayin po natin sila kung ano ang sasabihin nila, kung ano ang totoo dun sa nabalitaan natin.”

Ang dating kasi sa KathNiel fans, sinabi na niya…

Napakunot-noo si Ogie, “So, hindi ko problema! Problema ko? Hindi ko problema yun! Problema yun ng nakaka-interpret na yun ang kanilang interpretasyon.”

Sundot na tanong sa kanya kung hindi ba niya naisip tanungin muna ang KathNiel bago niya pinasabog iyong bali-balita?

Napabuntong-hininga si Ogie, “Again, eto po yung nabalitaan namin. Hindi po ito confirmed. Hintayin po natin silang magsalita kung ano ang totoo.

“Basta importante, at the end of the day… gusto ko, sila pa rin.”

Samantala, habang isinusulat an artikulong ito ay wala pang inilalabas na pahayag sina Kathryn at Daniel tungkol sa isyu ng kanila umanong hiwalayan.