Noong Abril 2022, nagkaroon ng isyu sa pagitan nina Vice Ganda at Juliana Parizcova Segovia dahil sa pahayag ng It’s Showtime host tungkol sa natuklasan niyang isang kakilala ang troll at basher sa social media.
Bahagi ng pahayag noon ni Vice: “May kilala akong ganito sa totoong buhay. Hindi naman siya toxic talaga pero basher siya sa social media.
“Tapos nalaman ko troll siya. Trabaho niya. Trabaho kasi wala siyang pera, e.
“So, kumapit siya roon kahit mali dahil naghihirap siya. Kailangan niya ng pera.
“So, sabi ko sa iba naming kaibigan, ‘Huwag na ninyong patulan.’
“Masakit man pero yun ang epekto sa kanya ng kahirapan. Kinailangan niyang gawin yun hindi man katanggap-tanggap.
“Magugulat ka na lang sa mga post niya samantalang dati pag walang pera yan, Gcash. Nagpapa-Gcash sa mga bakla. Siguro lahat napa-Gcash na niya.
“Marami talagang trolls. Naawa rin ako.
“Mabait yan, e, pero yan ang epekto ng kahirapan. Nakaka-sad, ‘no?”
Hindi nagbanggit ng pangalan si Vice, pero umalma si Juliana sa mensahe na ipinadala nito sa direktor na si Darryl Yap.
Nanindigan si Juliana na hindi siya nanghihingi ng pera sa pamamagitan ng Gcash mula sa mga kaibigan ni Vice.
Dahil inilabas ni Yap sa social media ang screenshot ng kanyang mensahe, nagkaroon ng isyu sa pagitan nila ng It’s Showtime host.
Isa si Juliana sa mga artista ng pelikulang Para Kang Papa Mo.
Dahil bihira siyang makausap ng entertainment press, ang kasalukuyang estado ng relasyon nila ni Vice ang itinanong sa kanya sa naganap na media conference ng pelikula kahapon, November 29.
“Uhm… okay naman po… charing!” may pag-aalinlangang reaksiyon ni Juliana nang kumustahin sa kanya si Vice.
“Kasi ako, okay naman. Sa tingin ko, wala naman problema, so okay naman.”
Payag daw si Juliana na muling makatrabaho si Vice, na nakilala niya nang sumali siya at tanghaling first-ever grand champion ng Miss Q&A ng It’s Showtime noong June 2018.
Saad niya, “Actually nagkasama na kami. Nakadalawang movies na kami together, Revengers 1, saka Fantastica.
“If ever na magkakaroon ulit ng pagkakataon na mapasama ako sa pelikula niya, sa akin naman po trabaho is trabaho.
“Lahat naman tayo kailangan natin ng trabaho so sino ba ako para tumanggi sa isang trabaho?
“Wala naman sa akin kung sino ang makakatrabaho. Ang importante sa akin yung trabahong meron ako.”
DYOWA NG BADING
Ang Para Kang Papa Mo ay kuwento ng isang ama na pumapatol sa mga bakla noong kabataan niya pero nagkaroon din siya ng anak na miyembro ng third sex.
Kahit hindi tinatanong, nanggaling kay Juliana ang pag-aming naging “dyowa” ng bading ang kanyang ama.
“Yun po ang kuwento ng lola ko noon so hindi ko rin po alam, e. Noong ikinuwento sa akin yon, medyo bata-bata pa ako.
“Pasibol pa lang ako pero hindi ko na kinumpirma. Hindi ko alam kung totoo or asaran lang. Pero yun ang pagkakakuwento,” sabi niya.
Inusisa ng Cabinet Files kung paano niya tinanggap ang kuwento tungkol sa kanyang ama.
“Bakla na ako noon. So, nung ikinuwento sa akin ng lola ko…
“Ang pagkakasabi pa ng lola ko, ‘Palibhasa yang tatay mo, nagkadyowa ng bakla,’ parang natuwa ako.
“Natanggap ko kung bakit ako naging bakla dahil din siguro sa sariling experience ng tatay ko,” reaksiyon ni Juliana.