Did Annabelle Rama just confirm Richard Gutierrez-Sarah Lahbati br.eakup?

annabelle rama richard sarah breakup

Ang mga pahayag ni Annabelle Rama sa ABS-CBN News na isang buwan nang naninirahan sa tahanan niya sa Quezon City ang kanyang anak na si Richard Gutierrez ang tila kumpirmasyon ng matagal nang usap-usapang hiwalay na ang aktor at ang asawa nitong si Sarah Lahbati.

Nag-umpisa ang mga haka-hakang may problema sa labindalawang taong relasyon nina Richard at Sarah dahil hindi na sila magkasama sa mga larawan sa kanilang mga social media post.

Hindi rin nakita si Sarah sa mga importanteng okasyon ng pamilya Gutierrez tulad ng pagdiriwang ni Annabelle ng kaarawan nito noong Oktubre 2023 at binyag ng anak ng isang kapatid ni Richard noong November 19, 2023.

annabelle rama birthday
PHOTO/S: NICE PRINT PHOTOGRAPHY

The Gutierrez family during matriarch Annabelle Rama’s birthday party

Kilala si Annabelle sa pagiging prangka at tagapagtanggol ng kanyang mga anak. Siya ang unang-unang nagsasalita kapag walang katotohanan ang mga kontrobersiyang kinasasangkutan ng kanyang mga anak.

Ang pananahimik niya mula nang mag-umpisa ang mga espekulasyong hiwalay na sina Richard at Sarah ang naging basehan ng publiko na may problema nga sa pagsasama ng dalawa.

Hindi nagkamali ang kutob ng mga tao nang magsalita si Annabelle sa ABS-CBN News.

Sinabi niyang isang buwan nang naninirahan si Richard sa tahanan nila sa Quezon City. Pagkatapos ng Pasko, maglilipat na raw si Richard ng mga gamit nito mula sa tahanan sa Alabang na tinitirhan nila ni Sarah at ng kanilang dalawang anak.

“Si Richard, nasa bahay ko ngayon, one month na. Pero unti-unti siyang lumilipat ng gamit sa Alabang. Lilipat na siya after Christmas,” sabi ni Annabelle.

Dagdag pa niya, “Hindi pa ako puwede magsalita, e, pero sasabihin ko sa yo — si Richard na sa akin ngayon.”

Ayon pa kay Annabelle, nasa poder ngayon ni Richard ang dalawang anak nila ni Sarah.

Biyernes ng madaling-araw, Disyembre 8, 2023 nang lumabas ang panayam ni MJ Felipe kay Annabelle, na binanggit ding hindi kasama si Sarah sa pagdiriwang ng pamilya Gutierrez ng Pasko at Bagong Taon sa Japan.

“Sama-sama buong pamilya ko… minus one lang,” natawang sabi ni Annabelle.

Nang tanungin kung may gusot sila ni Sarah, sagot ni Annabelle, “Hindi ko siya kinakausap. Wala akong time makipag-usap sa kanya.

Hindi pa nagsasalita si Sarah tungkol sa mga rebelasyon ng kanyang biyenan tungkol sa balitang hiwalay na sila ni Richard.

May pahiwatig si Annabelle na may kinalaman sa usaping pananalapi ang isa sa mga pinagmulan ng hidwaan ng mag-asawa.

Pero tanging sina Sarah at Richard lamang ang nakakaalam sa tunay na puno’t dulo ng kanilang paghihiwalay at ito ang inaabangan ng publiko.

Ikinasal sina Richard at Sarah sa isang intimate civil wedding ceremony noong March 14, 2020 sa Taguig City Satellite Office.