Malagim ang pagkamatay ni Ronaldo Valdez noong Disyembre 17, 2023 sa loob ng sariling pamamahay.
May mga tanong pa ba ang anak ni Ronaldo at kasama sa bahay na si Janno Gibbs sa nangyari? O natanggap na iyon ni Janno, at naintindihan niya kung bakit ginawa iyon ng kanyang daddy?
“Oo, tanggap ko na,” malumanay na sambit ni Janno sa mediacon noong Enero 15, 2024, Lunes, sa Club Filipino sa Greenhills, San Juan City.
“Yung condition niya kasi… well siyempre, hindi ko naman inaalis yung paghihiwalay nila ng mother ko, ‘no.
“But that was almost a year ago nang magkahiwalay sila. And kahit na magkahiwalay sila, they were in contact.
“They were concerned for each other. Yung ganun sila, ‘Kumusta? Kumusta ang mommy mo?’ Ganun-ganun. ‘Kumusta ka?’ Kahit minsan, magkausap sila. ‘Kumusta ka?’ ganun.
“Yung concern na lang as family. As family, hindi na as mag-asawa, but as family. Ganun naman, e. Di ba?
“Kahit hindi na kayo pero pamilya pa rin kayo, e. ‘Kumusta ka?’ Yung mommy ko, concerned dun sa sakit niya, ‘Nagpatingin ka na ba?’ mga ganyan.
“Matigas ang ulo ng daddy ko. Kung saan-saang doktor kami nag-try. Sabi ko, ‘Pa, ikut-ikot na lang tayo ng doktor.’
“About his leg lang yun. This is about his leg na which started… nag-umpisa yung limp niya sa 2 Good 2 Be True.”
Ang ina ni Janno ay si Maria Fe Gibbs.
CHANGES IN RONALDO’S BEHAVIOR
Ang 2 Good 2 Be True ay Kapamilya teleseryeng pinagbidahan nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla. Umere ito mula Mayo hanggang Nobyembre 2022.
Gumanap dito si Ronaldo bilang Lolo Sir.
Pagpapatuloy ni Janno, “Sa gitna ng taping, napupuna ng mga co-stars niya, ‘Ooops!’ Si Gelli [de Belen], tumawag pa sa akin.
“Si Gelli, kasama, di ba? ‘Uy! Janno, ang daddy mo, ha, medyo nahihilo kanina at saka hirap siyang lumakad.
“So it started there. Hanggang habang tumatagal… nakita niyo naman, yung premiere ni Kathryn [Bernardo], na yung A Very Good Girl, di ba? Dumating siya, nakaano na, may mobility scooter na.
“Pero kaya pa rin niyang umakyat ng hagdaan noon. Pero mabagal, mabagal.
“Hindi masakit, hindi raw masakit pero mabigat. Kumbaga, hindi niya kayang dalhin.”
DAYS BEFORE RONALDO’S DEATH
Kumusta ang kalagayan ng kanyang daddy noong Disyembre?
Napabuntong-hininga si Janno, “Days before what happened, mga few days before… parang pasama nang pasama.
“Parang nagko-complain siya. ‘Andiyan ba yung masahista natin? Parang sumasakit yung ano ko, e.’
“Or halimbawa, sabi ko, ‘Akala ko, may lakad ka, may date ka?’ ‘Parang ano, e, parang masama ang ano ko.’ Ganun, ganun siya.
“So, parang… feeling ko, parang napuno na siya dun sa ano, sa nararamdaman niya.
“He was up for ano, napilit ko siyang mag-MRI.”
Ang MRI, o Magnetic Resonance Imaging, ay noninvasive medical imaging test na nagpo-produce ng mga detalyadong imahe ng halos lahat ng internal structure sa katawan ng tao. Kabilang diyan ang mga organ, buto, muscles, at blood vessels.
Dagdag ni Janno, “Ayaw na ayaw niya ng MRI. Sinamahan ko na siya once, nag-walk out.
“Nandun na siya sa MRI, umupo, ‘Ayoko na!’ Tapos napilit ko uli. Sabi ko, ‘Kailangan mong gawin yan,’ sabi ko. ‘Kasi lahat ng puntahan nating doktor, iyan ang hinihingi, MRI.’
“For the limp. Nakita naman sa MRI. Finally, sinedate na lang siya, MRI, dito sa cervical,” pagmumuwestra ni Janno.
“Ooperahan siya. Parang ipit lang siguro yon. So… pinag-usapan namin, sabi ko, ‘E tapusin mo na yung holidays muna. After New Year.’ Enjoy na lang muna, alangan namang… di ba?
“Alangan namang nasa hospital ka nang holidays, di ba? After, saka ka na magpaopera.
“Saka sabi ko, ‘Nasa yo kung gusto mong magpaopera.’ Di ba? Choice niya yun.”
HOW HIS MOM HANDLED THE NEWS
Paano in-inform ang mommy ni Janno sa pagyao ni Ronaldo?
“Oo, sa Viber ko inano ang mommy ko, e, hindi ko na tinawagan,” tugon ni Janno.
“Actually parang… nagtanong na yung mommy ko. ‘Uy! Ano ba to, totoo ba ito?!’ Sabi ko, ‘Oo, Ma.’
“Sabi ko, parang… sabi ko sa mommy ko, sabi ko, parang… ‘You have to sit down for this, ha?’ Ganun ang unang message ko. ‘Umupo kayo, ha, para dito sa sasabihin ko. Wala na ang papa.’
“‘Aayyy! Naku naman! Paano?’ Sinabi ko, ‘Siya, siya ang gumawa sa sarili niya.’ ‘Naku!’ Siyempre wasak siya.
“Tapos takbo naman lahat sa ospital.”
Kumusta na ang wife niyang si Bing Loyzaga?
“Si Bing is OK, pero yun nga, nakita niya kasi. Nakita niya yung… so, hindi ko siya puwedeng iwang mag-isa,” saad ni Janno.
“Ako rin. Actually mas kaya ko, pero si Bing, hindi ko puwedeng iwang mag-isa. So, pag aalis ako, ‘Matatapos ka na ba? Uwi ka na.’”
Magkatabi na muling matulog sina Bing at Janno mula nang pumanaw si Ronaldo.
Kasama ni Janno sa Club Filipino mediacon si Bing, maging ang sister niyang si Melissa Gibbs, at legal counsel na si Atty. Lorna Kapunan.
Showing na sa Enero 24 ang pelikulang Itutumba Ka Ng Tatay Ko, kung saan bida at direktor si Janno.
May special participation dun ang daddy niya. Kasabay ng showing ng Itutumba Ka Ng Tatay Ko ang GG The Movie kung saan nasa cast din si Ronaldo.
May isa pang naiwang movie si Ronaldo, kung saan bida ang Beks Battalion.
Huling teleserye ni Ronaldo ang 2 Good 2 Be True. Hindi na ito tumanggap ng teleserye matapos ang nasabing KathNiel series.
Tinanggihan ni Ronaldo ang Kapuso teleseryeng Royal Blood na pinagbidahan ni Dingdong Dantes.
“Kasi ano na siya nun. Medyo hirap na siyang… Ayaw na niyang mag-soap,” pagtatapat ni Janno.
“Kaya niya yung shooting ng movie dahil pakonti-konti lang naman ang eksena, nakatayo lang, nakaupo lang.
“Pero pag soap kasi, puyatan yun.”