Ang dating aktres na si Veronica Jones ang isa sa mga punong-abala at nag-aasikaso sa mga nakikiramay sa kanilang pamilya dahil sa pagpanaw ng nakababata niyang kapatid na si Jaclyn Jose.
Nakaburol ang crematred remains ng multi-awarded actress sa Arlington Memorial Chapels sa Araneta Avenue, Quezon City.
Nakatakda ang inurnment sa mga labi ni Jaclyn sa The Garden of the Divine Word Columbary, sa E. Rodriguez Avenue, Quezon City, sa Linggo, Marso 10, 2024.
Read: Multi-awarded actress Jaclyn Jose dies at 60
Si Veronica ang nagbukas ng pintuan ng showbiz para kay Jaclyn dahil siya ang unang naging artista sa kanilang pamilya.
In-demand leading lady si Veronica noong aktibo pa ito sa showbiz, at si Jaclyn ang madalas kasama niya sa shooting.
Ayaw na ayaw ni Jaclyn na pumasok noon sa showbiz, pero napilitan siyang mag-artista nang magkaroon si Veronica ng sariling pamilya.
Si Jaclyn ang pumalit kay Veronica bilang provider sa kanyang ina at mga kapatid.
Bukod sa hindi nagkakalayo ang kanilang mga edad, si Veronica ang takbuhan at sumbungan ni Jaclyn kapag may mga problema ito.
Sa anim na magkakapatid, si Jaclyn ang unang nawala.
Ramdam na ramdam ni Veronica ang sakit na dulot ng paglisan ng kapatid na aktres, na ayaw noong pumasok sa showbiz pero siya ang nagtagal sa industriya at humakot ng mga parangal dahil sa kanyang husay sa pag-arte.
Read: Jaclyn Jose wins Best Actress at Cannes for Ma’ Rosa
“Ay, mas magaling talaga yan [Jaclyn]. Ang daming trophies nun, e!” pagpuri ni Veronica sa younger sister-actress sa isang rare interview ng dating aktres na nailathala rito sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) noong 2011.
VERONICA JONES, FAVORITE LEADING LADY OF ACTION STARS
Lorraine McCollum ang tunay na pangalan ni Veronica.
Ang komedyanteng si Chiquito ang nagbigay sa kanya ng screen name na Veronica Jones.
Sina Lorna Tolentino, Alma Moreno, at Rio Locsin ang ilan sa mga kasabayan ni Veronica nang mag-umpisa ang showbiz career nito noong dekada ’70.
“Kasabayan ko noon sina Rio, Lorna…” banggit ni Veronica sa panayam niya noong 2011.
Dagdag pa niya, “Kami ang magkaka-batch noon. Sexy lang naman…”
Ang leading action stars noong sina Fernando Poe Jr., Rudy Fernandez, Ace Vergel, Anthony Alonzo, Ace Vergel, Ramon Zamora, at Rey Malonzo ang ilan sa mga nakapareha ni Veronica noong namamayagpag pa ang kanyang acting career.
Veronica Jones and Rey Malonzo in a magazine cover
Inilunsad si Veronica sa action film na Salonga noong 1978, kung saan ang bida ay si Rudy Fernandez.
Base sa IMDB, noong taong 1979 ay 18 pelikula ni Veronica ang ipinalabas sa mga sinehan.
Kabilang dito ang Ang Tsimay At Ang Tambay, Matang Lawin, Bira! Darna! Bira!, Mahal… Saan Ka Nanggaling Kagabi?, They Call Him Bruce Lee, Sino’ng Pipigil Sa Pagpatak Ng Ulan?, Risa Jones: Showgirl, Ang Kabayaran, Arnis, Star, at Alabok Na Ginto.
Ang iba pang mga pelikula ni Veronica ay Usigin… Sino, Awat Na Asiong Aksaya!, Hari ng Tondo: Ikaw o Ako, Kosa, Estibador, Batang Ilocos Sur, Palengke Queen, Porontoy, Makamandag Na Rosas, at Target: Batang Sindikato.
VERONICA JONES: BABAENG LAWIN
Ang Darna at Ding ng D’ Wonder Films, na pinagbidahan nina Vilma Santos at Niño Muhlach, ang isa sa mga proyektong hindi malilimutan ni Veronica.
Si Veronica ang gumanap na Babaeng Lawin sa Darna at Ding na ipinalabas sa mga sinehan noong Pebrero 8, 1980.
Makalipas ang matagal na panahon, muling nagkita sina Veronica at Vilma sa burol ng mga labi ni Jaclyn dahil personal na nakiramay ang Star for All Seasons noong Huwebes, Marso 7, 2024.
Base pa rin sa IMDB, taong 1986 huling napanood sa pelikula si Veronica. Ang huli niyang pelikula ay Sobra Na Tama Na Asion Aksaya.
VERONICA JONES LEAVES SHOWBIZ
Nagpasya si Veronica na talikuran ang entertainment industry noong 1986 dahil pinili niyang maging ful-ltime housewife at ina sa limang anak nila ng yumaong pulitiko na si Macario “Boy” Asistio Jr.
Ang singer at host na si Abby Asistio ang isa sa mga anak nina Veronica at Boy. Ang apat pa ay sina Anna, Angelica, Arriane, at Boyito Jr.
“Nung nag-asawa na ako, tumigil na ako,” sabi ni Veronica, na piniling maging partner ng dating politician,
Hindi na rin pumasok sa isip niyang bumalik sa showbiz, “kasi naging healthy na ako masyado,” pagturan niya sa kanyang katawan.
Dugtong noon ng dating aktres, “Ang mga anak ko ang inasikaso ko.”
Read: ’70s leading lady Veronica Jones looks back on her heyday in showbiz
Malaki ang pagpapahalaga ni Veronica sa kanyang pribadong buhay dahil hindi siya napilit ng mga reporter na magpainterbyu tungkol sa pagpanaw ni Jaclyn, na parang anak ang turing niya.