Kapamilya actress Kim Chiu (left) attends the premiere night of What’s Wrong With Secretary Kim? leading man Paulo Avelino’s latest movie, Elevator. Right photo: Paulo with Elevator leading lady Kylie Verzosa. PHOTO/S: @VIVA_FILMS ON INSTAGRAM
Ang pagdalo ni Kim Chiu ang added attraction sa red-carpet premiere ng Elevator sa Cinema 4 at Cinema 7 ng SM North Edsa Mall, Quezon City, ngayong Martes ng gabi, Abril 23, 2024.
Pinagkaguluhan si Kim ng mga tagahanga sa sorpresang pagsipot niya sa premiere night ng pelikulang pinagbibidahan ng nali-link sa kanyang si Paulo Avelino at ni Miss International 2016 Kylie Verzosa.
Ang suportang ipinakita ni Kim kay Paulo ang lalong nagpatibay sa hinalang totoo ang mga balitang nagkakamabutihan sila at hindi lamang para sa publicity ng mga teleseryeng tinatampukan nila.
Pagkatapos ng matagumpay na pagtatambal sila sa Linlang, muling magkasama sina Kim at Paulo sa Viu series na What’s Wrong With Secretary Kim?.
Lalong kinilig ang mga tagahanga nang batiin at halikan ni Paulo si Kim nang magkita sila sa loob ng sinehan.
Ang Elevator, na unang pelikulang pinagtambalan nina Paulo at Kylie, ay ipalalabas sa mga sinehan simula bukas, Abril 24, 2024.
Sa ginanap na media conference ng Elevator noong Abril 5, 2024, nabanggit ang pangalan ni Kim dahil sa mga balitang nag-uugnay sa kanila ni Paulo.
Tinanong si Paulo kung sino ang gusto niyang makasama kapag hindi sinasadyang makulong siya sa elevator.
“Sino ba? Sino ba gusto ninyo? Si Kim, si Kimmy?” natatawang reaksiyon ni Paulo.
“Puwede. Puwedeng si Kim. Si Kimmy na lang kasi masaya naman siyang kasama.”
“Inspirational” at “feel-good movie” ang pagsasalarawan ni Paulo sa kuwento ng Elevator dahil ipinakita sa mga eksena ng pelikula ang uri ng pakikisalamuha ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa o OFWs sa iba’t ibang lahi.
“It’s something that would inspire you not just for your career but also sa outlook mo in life,” sabi ni Paulo.
Sa Singapore kinunan ang mga eksena nina Paulo at Kylie para sa Elevator.