Ina nina Patrick at Chesca Garcia, pumanaw dahil sa heart attack

Biglaan at hindi inaasahan ang pagkamatay ng ina nina Patrick Garcia at Chesca Garcia-Kramer na si Maria Celeste Dahlia “Bing” Velasco noong Sabado, April 20, 2024.

Punong-abala ang magkapatid, kasama ang kanilang mga asawa na sina Nikka Garcia at Doug Kramer sa pag-eestima ng mga nakikiramay sa pamilya sa Arlington Chapel, Araneta Avenue, Quezon City, simula Abril 23, Martes ng gabi.

bing velasco death

Nandoon ang PEP Troika at sinabi ni Chesca na, “We were all in shock, this is an awful time for the family.”

Samantalang sabi naman ni Patrick, “She had a fatal heart attack and she went just like that.

“The family is overwhelmed by the sympathy given by our relatives and friends, thank you.

“Just please give us some personal time to grieve and process everything that has happened.”

Namataan natin sa wake ang first cousin nilang si Sharmaine Arnaiz, who just had fond memories of her Tita Bing.

patrick chesca sharmaine noel

MOMMY BING ATTENDED A JOURNEY SPECIAL SCREENING

Bilang personal na karanasan, kasama pa natin si Mommy Bing dalawang linggo lang ang nakalilipas sa special screening ng pelikulang A Journey, ang Netflix movie ni Patrick kasama sina Paolo Contis at Kaye Abad.

Proud na proud si Mommy Bing at sabik ding mapanood ulit ang anak niyang si Patrick na umaarte.

Nagpasalamat siya sa akin sa pag-aalaga sa kanyang anak at sana, mas marami pang magagandang projects ang dumating kay Patrick tulad ng A Journey, na isa pa rin sa most viewed sa Netflix worldwide.

Napakagandang gesture naman ng grupo ng Mavx Films, headed by Sir Lucky Blanco, na nandoon din sa wake kagabi. Nakiramay sila A Journey star nilang si Patrick, na napamahal na rin sa kanila.

Actually, may pinaplano na silang kasunod na pelikula para kay Patrick kasama pa ang mga pamilya na ng Mavx Films.

Hinihintay naman ang pagdating ng kapatid nina Patrick na si Pichon Garcia mula sa U.S. bukas, April 25.

Magkakaroon din ng isang Christian service at pag-alala na rin sa buhay ni Mommy Bing sa Biyernes, April 26.

Sa Sabado, April 27, ay ihahatid na siya sa kanyang huling hantungan.

Tulad ng mensahe ng pelikulang A Journey, napaka-fragile ng buhay, walang kasiguraduhan talaga kaya dapat magpakaligaya at magpakabuti at namnamin ang bawat minuto nito.

Di ba, mga ka-Troika?

bing velasco children

GORGY RULA

Na-curious lang ako kung papuntahin ba ni Jennylyn Mercado sa wake ang anak nila ni Patrick Garcia na si Jazz.

Nagtanung-tanong ako sa kampo ng Kapuso actress, nasa Boracay raw pala ngayon ang buong pamilya ni Jennylyn. Doon ipagdiriwang ang second birthday ng anak nina Jennylyn at Dennis Trillo na si Dylan bukas, April 25.

Hindi ko lang alam kung makakabalik sila bago ang libing, para makahabol sana si Jazz bilang pagbibigay ng last respects sa namayapang lola.

Pero hindi natin saklaw kung ano ang nararamdaman ni Jennylyn kay Patrick at sa pamilya ng aktor. Sana, miging magaan na ang lahat lalo na ang nararamdaman nila sa isa’t isa.

Si Mommy Bing ang isa sa malapit at marunong makisama sa entertainment press. Marami siyang mga mga kaibigang movie reporters, na ang iba ay sinasabi sa aming hindi nila nakakalimutan ang mga luto ni Mommy Bing na ipinapatikim sa kanila.

Napapadalas din ang palitan namin ng text message ni Mommy Bing noong kainitan ng isyu nina Jennylyn at Patrick. Pero sobrang tagal na niyon at lahat ay nakapag-move on na sa nakaraang iyon.

Facebook post ng Mavx kahapon, Abril 23, Martes, “Mavx Productions extends its heartfelt sympathies to Patrick Garcia and his family on the passing of his beloved mother, Ms. Bing Velasco. May her beautiful soul rest in peace.”

Nasa pang-apat na puwesto na ang A Journey sa Top 10 Movies in the Philippines Today sa Netflix.

Maliban kina Patrick Garcia, Paolo Contis, at Kaye Abad, tampok sa pelikula sina Jimmy Santos, Ogie Diaz, Ogie Alcasid, Desiree del Valle, Mama Loi, Malou Crisologo, at Ava Mendez bilang Star Gomez.

Nagsyuting ang A Journey sa isang school at isang ilog sa Pantabangan, Nueva Ecija. May mga ganoon ding ilog sa Gabaldon, Nueva Ecija, pati sa Dingalan, Aurora.

One hour and 55 minutes ang running time ng A Journey.

Puwedeng paikliin ang pelikula, pero kung matagumpay naman iyon sa Netflix, who are we to argue?

Pinakagusto kong eksena ng A Journey ay iyong cameo ni Ogie Alcasid.