Sina Cedric Lee at Deniece Cornejo ay hinatulang guilty “beyond reasonable doubt” sa kasong serious illegal detention for ransom sa It’s Showtime host na si Vhong Navarro.
Ngayong Huwebes, May 2, 2024, binasa sa Taguig Regional Trial Court ang hatol ni Judge Mariam Bien kina Cedric at Deniece pati na rin sa mga kasamahan nilang sina Zimmer Raz at Ferdinand Guerrero.
Inutos din ng korte ang pag-aresto sa mga akusado para sa parusang reclusion perpetua o habambuhay na pagkakakulong. Kinansela rin ng korte ang kanilang bail bond.
Maaari pa rin nilang iapela ang desisyon ng korte.
Sampung taon na ang nakararaan mula nang maganap ang insidenteng pambubugbog, paggapos, pananakot, panganguwalta, at pagditena kay Vhong sa condo unit ni Deniece sa Taguig City, noong gabi ng January 22, 2014.
Noong gabing iyon, kinunan ng video si Vhong na nagsasabing siya ay “nang-rape” ng kanyang kaibigan.
Kita sa video ang private part ni Vhong pati ang kanyang mukha.
Nakasaad sa 94-page decision ni Judge Bien na ginamit ng grupo ni Cedric ang video pang-blackmail kay Vhong.
Sinubukang hingan ni Cedric si Vhong ng PHP200,000 hanggang PHP2M para hindi ilabas ang naturang video.
Noong panahong iyon ay pumayag magbigay si Vhong ng PHP1M sa takot sa banta ng mga akusado na papatayin siya at kanyang pamilya kung hindi siya sumunod sa gusto ng mga ito.
Pinakawalan lamang si Vhong matapos siyang ipa-blotter at sapilitang papirmahin ng salaysay niya na sekswal na inabuso niya si Deniece.
Sinabi ni Cedric kay Vhong na kinabukasan ibibigay sa kanya ang bank details kung daan niya idedeposito ang pera.
Hindi natuloy ang pagbigay ni Vhong ng pera dahil kinabukasan matapos ang insidente ang nagsuplong siya sa National Bureau of Investigation.
CEDRIC LEE AND DENIECE CORNEJO SENTENCED WITH CONVICTION
Kinumpirma sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng legal counsel ni Vhong na si Atty. Alma Mallonga ang court order laban sa grupo nina Cedric at Deniece.
Sinabi rin ng abogado na no-show sa korte sina Cedric at Ferdinand nang ihayag para sa “promulgated of judgment” sa mga akusado nitong umaga ng Huwebes.
Ipinag-utos ng korte na mag-isyu ng warrant of arrest kay Cedric.
Noong July 2018, nahatulan ding guilty sina Cedric at Denice para sa kasong grave coercion kay Vhong.
Narito ang kopya ng court decision: