Nang maghiwalay sina Edu Manzano at Vilma Santos, dinala nila ang anak na si Luis sa Libingan ng mga Bayani para doon ipaliwanag ang desisyon nilang maghiwalay.
Maliit na bata pa noon si Luis kaya hindi na niya natatandaan ang insidente, pero ito ang isa sa mga ikinuwento niya kay Boy Abunda sa My Mother, My Story, ang unang kabanata ng special talk series ng GMA-7 na nagsimulang umere nitong Linggo ng hapon, May 12, 2024, ang Araw ng mga Ina.
“Nung nagkahiwalay sila, ang kuwento nila, coz I can’t remember. Nung nagkahiwalay si Mommy and Daddy, totoo ito ha, baka akala ninyo punchline, dinala nila ako sa libingan, sa sementeryo, para kausapin ako o baka iiwan ako doon.
“They told me they had to go separate ways, and siguro kahit hindi ko maalaala, I understood.”
LUIS MANZANO ON SEPARATION OF PARENTS
Hindi gaya ng mga napapanood na eksena sa pelikula, hindi madrama ang reaksiyon ni Luis.
Sabi ng host, “There was something in me that understood na they’re simply two adults, they have to go separate ways, and I had faith na hindi sila magkukulang bilang magulang kahit naghiwalay sila ng landas. I was very young.
“Noong dumaan ako sa crazy phase ng buhay ko, it was never na this is me rebelling dahil naghiwalay ang parents ko.”
Kinumpirma ni Vilma sa Cabinet Files na totoo ang mga sinabi ni Luis.
Ayon sa Star for All Seasons, nakatira sila noon sa Makati, at pinili nila ni Edu na mag-usap sa Libingan ng mga Bayani dahil walang tao rito kaya walang makakakita sa kanila.
LUIS MANZANO RECOUNTS QUICK TRIP TO SUPERMARKET WITH MOM
Ibinahagi rin ni Luis ang isang anekdota tungkol sa nanay niya na sinubukang maging normal na ina sa pamamagitan ng pagdadala sa kanya sa isang supermarket.
“There was time na siguro gustong iparamdam sa akin na, ‘Artista ako, ako ang Star for All Seasons, pero normal na tao pa rin ako.’
“Nandiyan pa rin yung aspeto na iyon. She tried na dalhin ako sa isang supermarket. Si mommy ang nagmaneho.
“Pagdating namin sa supermarket na iyon, three steps dun sa isang pinto, akala mo, mall show ng mommy ko.
“Punumpuno [ng mga tao]. She took three steps, took a few pictures, and sinabi niya sa akin na, ‘Tara anak, umuwi na tayo.’
“But I fully understood what she wanted to do and I understood her influence sa mga tao. Hindi siya simple na nakikita mo lang sa TV. She was one of the biggest stars. She will always be one of the biggest stars,” ang lahad ni Luis.
Sa parte naman ni Vilma, na pinapanood ang interview ni Luis kaharap ang Cabinet Files, aniya, “Gusto kong maging normal na nadadala ko ang anak ko, maggo-grocery.”
Ang South Supermarket sa Magallanes Village, Makati, na permanenteng isinara noong Agosto 2001, ang supermarket na tinutukoy ni Luis na pinagdalhan sa kanya ng nanay niya noong bata pa siya.
Hanggang ngayon, ugali ni Vilma na pumunta sa mga supermarket at mamili. Madalas daw niyang ginagawa ito sa tuwing bumibiyahe siya sa ibang bansa.
LUIS MANZANO’S STORY ABOUT MOM’S PANANAKSAK
Isang anekdota tungkol kay Vilma ang ngayon lamang nalaman ng publiko dahil ibinulgar ni Luis ang pananaksak ng lapis ng kanyang ina, na noon ay grade school student.
“Gusto ni mommy kapag napapasuntukan, tanong niya palagi, ‘Nakabawi ka? Nakabawi ka ba?’
“Kasi alam naman niya na hindi ako magsisimula ng gulo. Hindi naman ako iyon, but sa kanya, it’s either nakabawi ka o ikaw ang nagtapos ng gulo.
“Hindi ko alam kung naikuwento sa iyo ni Mommy ito. First time ko itong ikukuwento. “Hindi ko alam baka…kayo na ang bahala kung may konting criminal implications ito ha? May konti ito.
“Grade two si Mommy, may sinaksak ng pencil iyan. Totoo. Buong araw daw kasi si mommy, nag-artista nung bata siya, buong araw, ‘Vilma…yung mga nang-aasar. Ang pangalan, Restituto.
“Si Restituto, inaasar siya, ginugulo siya, so mula nung subject na iyon hanggang recess, walang ibang ginawa si mommy kundi magtasa ng pencil.
“Pre-meditated ang dating. Hindi siya yung biglaan lang. Isang buong subject, nakatingin lang siya kay Restituto.
“Recess, si Restituto nasa monkey bars, diretso, sinaksak sa hita,” ang pagsisiwalat ni Luis tungkol sa ginawa ng kanyang ina noong nag-aaral pa ito sa isang eskuwelahan sa Maynila.
Habang nagkukuwento si Luis, panay ang sabi ni Vilma ng, “Anak huwag mo nang sabihin ang pangalan. Anak, anak!”
Pero hindi siya naririnig ng kanyang panganay dahil nasa ibang kuwarto sila ng pangalawang anak niya na si Ryan Christian Recto.
Sina Vilma at Ryan ang mga sorpresa kay Luis nang kunan sa The Farm at San Benito, Lipa City, Batangas, noong Mayo 1, 2024, ang unang kabanata ng My Mother, My Story.
Natawa si Vilma nang itanong ng Cabinet Files kung napatawad na kaya siya ni Restituto, ang kanyang kaklase noong grade school na matagal na niyang hindi nakikita.
Hindi alam ni Vilma, pero hindi raw pinalampas ng school authorities ang kasalanang ginawa at katapangang ipinamalas ni Vilma dahil ipinatawag siya noon sa principal’s office.