Deniece Cornejo’s father breaks silence on her conviction

Napaiyak ang ama ni Deniece Cornejo na si Paul “Dennis” Cornejo sa sinapit ng kanyang panganay at nag-iisang anak na babae.

Lifetime imprisonment ang hatol ng Taguig Regional Trial Court Branch 153 kay Deniece dahil sa kasong serious illegal detention for ransom na isinampa ni Vhong Navarro na may kinalaman sa insidenteng naganap noong Enero 22, 2014.

Kasama ni Deniece na na-convict ang mga kapwa niya akusadong sina Cedric Lee, Simeon Raz, at Ferdinand Guerrero.

My Deniece Cornejo Pic | Text and Photos by Jude Bautista

DENNIS CORNEJO ON GUILTY VERDICT ON DAUGHTER DENIECE

Naninirahan sa California, USA, si Dennis Cornejo.

Nagtrabaho siya ng mahigit dalawang dekada bilang seaman.

Gustuhin man nitong umuwi sa Pilipinas para damayan si Deniece, pinairal niya ang pagiging praktikal.

Halos dalawang buwan sasailalim sa quarantine ang kanyang anak kaya hindi pa ito puwedeng bisitahin sa Correctional Institute for Women sa Mandaluyong City.

Sa eksklusibong panayam ng Philippine Entertainent Portal (PEP.ph) ngayong Lunes, Mayo 13, 2024, gumaralgal ang boses ni Dennis nang mapag-usapan ang kanyang nararamdaman tungkol sa nangyari kay Deniece.

Naiyak na ba niya ang hatol ng korte kay Deniece?

“Of course,” sagot ni Dennis.

“Kapag ako ay nag-iisa, kapag ako ay matutulog na, kapag ako ay nagda-drive…

“There are some changes in me right now. Napapansin ko sa sarili ko dahil sa pag-iisip ko.

“Noong 2014, noong unang nangyari yan, I was working that time sa cruise ship. Nawawala ako sa sarili ko. Ganoon kabigat.

“Sabi nila sa akin nung unang nangyari yan, ‘Be strong.’

“Sabi ko, ‘Bakit ako kailangan maging strong?’

“’Lately mo na mararamdaman unti-unti.’

“Hindi, bigla, kasi nag-iisip ako. ‘Bakit nagkaganito?’

“Pinalaki ko si Deniece nang maayos.

“Sinasabi nila gold digger si Deniece? No! I am working for 22 years.

“Maganda ang savings ko. Nagtrabaho ako sa barko, lahat sila nabibigyan ko ng maayos na pamumuhay.”

deniece cornejo father

Dennis Cornejo and daughter Deniece when she was younger

Bagamat nahatulang guilty si Deniece, nananalig ang kanyang ama na lalabas umano ang katotohanan sa tamang panahon.

Saad ni Dennis, “I am still holding on to my faith that the truth will come out in due time.

“Siguro yan muna ang ibinigay ng Panginoon. Malay mo, baka mas makakabuti yan dahil baka kapag nasa labas ka, biglang may mangyari. Puwede tayong mag-isip nang ganoon.

“Kung minsan, yung bagay na ginugusto mo kaya pala hindi ibinigay kasi hindi para sa yo.

“Tapos biglang darating pala yung panahon na mare-realize mo na bigla kang binigyan ng blessings na ganito.”

DENICE CORNEJO’S FATHER ON READING COMMENTS FROM NETIZENS

Inamin ni Dennis ang pagkakamaling magbasa ng mga negatibong komento tungkol kay Deniece mula sa netizens.

Hindi naman daw sila kilala nang personal ng mga ito at walang alam sa buong katotohanan pero wagas ang panghuhusga sa kanila.

Ayon sa tatay ni Deniece: “Ang problema kasi sa akin, dapat hindi ako nagbabasa ng comments pero gusto ko pa rin basahin.

“Kapag nakita ko na maling-mali yung mga sinasabi nila, dun lalong sumasama ang loob ko kasi gusto kong ma-correct. Mali, e.

“Diyan ako mahina. Alam ko naman na hindi ko dapat basahin, pero naghahanap kasi ako ng taong makakaintindi. Na fair yung comment niya kasi yun ang nagpapagaan ng kalooban ko.

“Ganoon ako na hindi dapat kasi ako rin ang nagpapahirap sa sarili ko.

“Ang hirap talaga. Hindi ko lubos-maisip na forty years siyang makukulong, ganoon ang kalalabasan?

dennis and deniece cornejo

“Wala naman tayong ibang matatakbuhan pagdating sa mga ganyang bagay, di ba? Pero wala nang tataas pa sa paniniwala ko.”

Mensahe pa ni Dennis: “As a father, it’s normal for me, kasi alam ko kung paano ko pinalaki ang anak ko, so I can tell the truth.

“Kahit isang hibla ng buhok ng anak ko, yang mga nagsasalita na yan, hindi nila kilala ang anak ko. Wala silang alam.

“Ang aso tahol nang tahol kapag hindi ka kilala. Pero kung kilala ka, tatahimik lang yan.

“Katulad ng sinabi ko sa anak ko, ‘Anak, hayaan mo na ang mga basher.’

“Si Deniece hindi yata masyadong nagbabasa. Hindi niya pinapansin, pero ako ang nasasaktan.”

DENNIS CORNEJO ON VHONG NAVARRO

Hindi inililihim ni Dennis Cornejo ang sama ng loob na nararamdaman para kay Vhong Navarro, pero naawa raw siya sa TV host-comedian nang makulong ito sa NBI facility noong Setyembre 2022 dahil sa kasong rape na isinampa ni Deniece.

Ito ay matapos baliktarin ng Court of Appeals ang nabasurang rape complaints ni Deniece sa kanya noong July 2022.

Walang piyansa ang kasong rape kaya hindi na nakauwi si Vhong.

Na-detain siya mula September 22 hanggang December 6, 2022.

Pahayag ni Dennis, “Noong nakulong si Vhong dahil sa rape case niya, naawa ako sa kanya.

“Imagine, kalaban namin siya, pero pumasok pa rin sa puso ko na naaawa ako sa kanya dahil yung ang kinaratnan niya.

“Pero siyempre, nangingibabaw pa rin sa akin yung ginawa niya. Nandoon pa rin yung kurot sa puso ko kasi hindi kami masamang tao,”

Kapansin-pansin na mariin ang pagbitaw ni Dennis sa mga salitang “Hindi kami masamang tao.”

Noong December 5, 2022, pinaboran ng korte ang petisyon ni Vhong sa dahilang kuwestiyonable ang kredibilidad ng complainant na si Deniece.

Pinayagan ng korte na makapagpiyansa si Vhong sa halagang PHP1M para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Noong March 14, 2023, tuluyan nang ibinasura ng Supreme Court ang kaso dahil walang probable cause na ginahasa ni Vhong si Deniece noong January 17, 2014, at pinagtangkaang gahasain ang modelo noong January 22, 2014.

Vhong Navarro grateful for another legal feat

DENNIS CORNEJO ON KEEPING THE FAITH

Masakit man ang mga hamon na pinagdaraanan ngayon ng kanilang pamilya, hindi raw nababawasan at lalong hindi nawawala ang pananalig ni Dennis sa Panginoong Diyos.

Saad niya: “Yun ang nagpapagaan ng loob ko. Panay ang dasal ko na Lord… sabi ko, ‘Lord, nahihirapan na ako. Gusto kong matulog. Patulugin Ninyo po ako.

“Natulog ako, gumaan ang pakiramdam ko noon.

“Nahirapan ako noon. Ang daming nangungutya tapos sasabihin pa nila na ‘the most hated woman in the planet’?

“Sabi ko, ganyan talaga katindi ang mga tao. Ang tindi.

“Talagang yumayanig ang aking mga kalamnan kapag nababasa ko. Pero siyempre, you need to be strong.

“Hindi maganda kapag panghihinaan ka ng loob. Mananalig ka talaga sa Panginoong Diyos.”

Dagdag pa ni Dennis, “Ang number one na nagpapalakas sa akin, siyempre ang aking faith.

“Pangalawa, yung mga taong nakakakilala sa akin, saka lalo na yung mga taong hindi nakakakilala sa akin at nagpapadala ng message na, ‘Mr. Cornejo, even though we don’t know you, just be strong and the good will come out.’

“Mga ganoong bagay. Imagine, yun ang mga tunay na tao na hindi ka iba-bash at hindi ka ipi-pin down. They give you their support.

“Lalo na ngayon, ang daming lumalabas sa social media na fake news. Maling-mali yon, nagbibigay sila ng maling information.”