Ikinuwento ni Kapuso Drama King Dennis Trillo na marami siyang natututunan sa tuwing sumasalang siya sa taping ng biggest family drama ng GMA ngayong taon na Pulang Araw.
Sa “Chika Minute” report ni Lhar Santiago para sa 24 Oras kamakailan, kinumusta niya ang aktor tungkol sa pagiging abala nito sa taping ng nasabing serye.
Ayon kay Dennis, “Marami akong natutunan everyday lalo na sa pagsasalita ng Japanese at sa history. Every taping may mga nadi-discover kami na mga bagong kuwento at masaya ang experience.”
Aminado naman si Dennis na iba ang hamon ng karakter na kaniyang ginagampanan sa serye dahil ito ang kaniyang first major kontrabida role.
Pinuri nman ni Dennis ang galing ng kaniyang co-stars sa serye na sina Barbie Forteza, Sanya Lopez, David Licauco, at Alden Richards.
Aniya, “Sina Barbie at David lagi nila akong ginugulat sa mga ipinapakita nila lalo na ngayon, ibang-iba na naman ang gagawin nila. Si Alden naman first time ko siyang makakatrabaho sa serye at matagal ko na ring hinihintay ang chance na ‘to and with Sanya naman nakatrabaho ko na siya dati pero ‘yun nakita ko ‘yung improvement niya rin.”
Sa kabila ng pagiging abala sa kaniyang mga kabi-kabilang proyekto, hindi pa rin naaalis kay Dennis ang kaniyang time para sa pamilya.
“Bilang hands on na dad, alam ko talaga ‘yung bawat hirap, bawat puyat, bawat sakripisyo na ginagawa para mapalaki ng tama ‘yung anak nila. Hindi lang ‘yun, kung ‘di ‘yun magbigay ng oras na samahan sila habang lumalaki sila, makilala ka nila, magka-bonding kayo, may ginagawa ka man, magbigay ka ng oras talaga,” ani Dennis.
Samantala, kamakailan ay nagpasaya rin si Dennis sa isang kasalan bayan sa Bacoor City kung saan 98 couples ang ikinasal.
Kuwento niya, “Ramdam mo yung pagmamahalan nila doon sa atmosphere ng lugar doon sa buong gymnasium. Congratulations sa mga 98 na ikinasal kanina.”
Bukod sa Pulang Araw, nakatakda na ring ipalabas ngayong taon ang reunion film project ni Dennis at ng kaniyang misis na si Jennylyn Mercado na Everything About My Wife, kung saan kasama naman nila ang aktor na si Sam Milby.
Ang naturang pelikula nina Dennis at Jennylyn ay Filipino remake ng Argentinian hit na Un Novio Para Mi Mujer.