Lumantad at nagsalita na ang “ninang” sa nag-viral na kasal sa Amlan, Negros Oriental, kamakailan.
Inako nito ang lahat ng kasalanan matapos magkaaberya at magkaisyu ang kasal nina Janine at Jove Deo Sagario dahil sa kanya.
Nangyari ang kontrobersiyal na kasalan sa Saint Andrew the Apostle Parish sa Amlan, noong June 8, 2024, Sabado.
Viral ang wedding nang kumalat ang kuhang video sa simbahan, kunsaan sinimulan na ng pari ang seremonya bagamat pumapasok pa lamang ang wedding entourage.
Makikita ring hirap maglakad ang bride dahil naaapakan ang kanyang wedding gown.
Sa kanyang post pagkatapos ng seremonya, sinabi ng bride na buntis siya at muntik pang madulas sa pagmamadali niyang makarating sa altar.
Pero ang ikinasama raw talaga ng kanilang loob ay nang sermunan sila ng pari habang nagmimisa.
Post ng mga kamag-anak ng ikinasal, pati na rin ng netizens, parang lamay ang nangyari at hindi kasal dahil sa bigat ng mga emosyon.
Lumabas na ang ugat ng aberya sa kasal ay ang maling impormasyong ipinarating ng isa sa mga ninang na si Charlene Sunico.
Si Charlene ang nagsabing nagbago na ang schedule ng kasal, at hindi na sa mas maagang oras.
Kaugnay ng isyung ito, nagpaliwanag si Charlene na nagsisilbi rin sa naturang simbahan kung saan naganap ang kasal.
NINANG CLARIFIES WHERE SHE GOT THE INFO
Nagpaliwanag si Charlene sa pamamagitan ng video interview na ipinost sa Facebook ng Dumaguete broadcaster na si Anthony Maginsay noong June 11, 2024.
Inamin ni Charlene na hindi niya na-validate ang impormasyong nakuha niya na mula 8:00 A.M. ay nalipat ang oras ng kasal ng 9:30 A.M.
Dahil kasi sa impormasyong ito, dumating ang couple sa simbahan ng 9:00 A.M. sa pag-aakalang mayroon pa silang 30 minutes na allowance.
Pero mga galit na church staff ang sumalubong sa ikakasal at pinagsabihang late sila. Hindi pala totoong binago ang oras ng kasal.
Mayroon ding naka-schedule ng misa para sa patay ng 9:30 A.M.
Paliwanag ni Charlene, nakuha niya lamang ang impormasyon mula sa isang kasamahan sa simbahan.
In good faith daw ang kanyang intensiyon. Hindi na rin niya pinangalanan ang kasamahang nagsabi dahil baka ito naman daw ang pag-initan ng netizens.
Inaako raw niya lahat ng kasalanan.
Ayon kay Charlene, pagdating sa wedding reception ay dumiretso siya sa newlyweds at sa mga pamilya ng mga ito upang humingi ng tawad.
Pumunta rin siya sa paring nagkasal at humingi ng tawad dito.
Sagot daw ng pari, buti naman at umamin si Charlene na siya ang may kasalanan sa lahat.
Sabi pa ni Charlene (roughly translated): “Kasi ako ang klase ng tao na inaako ang mga kasalanan at ayaw kong i-burden ang iba.”
Dagdag niya, “Humihingi ako ng tawad sa mga bisita at nakikiusap ako na kung puwede sana wag na mag-post ng kung ano-ano, especially sa mga kaparian kasi wala namang kasalanan yung mga pari, yung mga taga-kumbento…
“Wala ring mga kasalanan yung mga secretary, wala silang kasalanan lahat. Ako lang talaga ang may kasalanan.”
Pinuna rin niya ang netizens na nagsalita sa isyu na hindi naman talaga alam ang tunay na nangyari.
“Kahit di naman nila alam, dumiretso na lang sila ng sakay [sa isyu].”
THE CHURCH APOLOGIZES; COUPLE TO HOLD WEDDING PART II
Kaugnay pa rin ng isyu, naglabas ng official statement ang St. Andrew Parish priest na si Monsignor Albert Erasmo G. Bohol noong June 10, 2024.
Humingi ito ng paumanhin sa pag-aming may mga nasabing hindi maganda ang paring nagkasal dahil ito ay “carried away by emotions.”
Nagkomento rin ang simbahan sa ginawa ng ninang na si Charlene.
Sabi sa statement: “She relayed this information in an unofficial capacity.”
Tinawag din itong “unfortunate” ng simbahan dahil “there was no instruction at all from anyone in the Parish Office that there are changes in the schedule…”
Dagdag nito, “Parish Office Staff believe that the lady sponsor may have misread the dates written on the bulletin which she perused the night before.”
Dahil sa pagputok ng isyu, may grupo ng wedding sponsors and organizers ang nagkaisa para bigyan ng “wedding part II” sina Janine at Jove Deo sa darating na June 17, 2024.
Sinagot din ng mga ito ang karamihan sa mga gagastusin sa kasal.