Alden Richards open to working again with Kathryn Bernardo; wishes Maine Mendoza well

Alden Richards and Kathryn Bernardo

Nang dahil sa pagtatambal nina Alden Richards at Kathryn Bernardo sa Hello, Love, Goodbye, hindi sinasadyang nadawit ang pangalan ni Alden nang pag-usapan nang publiko ang hiwalayan nina Kathryn at Daniel Padilla.

Ang dahilan, mula sa KathNiel ay may fans na nagsi-ship ngayon ng KathDen.

Hawak pa rin ng Hello Love Goodbye (2019) ang record bilang highest grossing Filipino film of all time.

Kaya may clamor pa rin na gawan na raw ng part two ang pelikula para magkasamang muli sina Alden at Kathryn.

Positibo ang tugon ni Alden sa posibilidad na magtambal silang muli ni Kathryn at gawan ng sequel ang pelikula.

“Ako po, of course, Hello, Love, Goodbye naman po made history.

“At yun naman din po ang clamor ng mga nakapanood—to have a part two.

“Ako po, ready naman ako, anytime,” saad ni Alden.

Nakapanayam siya ng entertainment press, kabilang ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), sa kanyang thanksgiving party sa StarDust Bar & Restaurant noong Linggo, December 17, 2023.

Alam daw ng box-office director na si Cathy Garcia-Sampana, na siyang naghulma ng Hello, Love, Goodbye, na bukas si Alden na magkatrabaho muli sila.

Sabi pa ni Alden, “Yun nga po ang sinabi ko kay Direk Cathy nang makausap ako.

“Sabi ko, ‘Direk, kapag nag-decide kayo ng part two, ika-cancel ko munang lahat ng schedule.

“But then again, that’s really up to Star Cinema kasi, sila po ang producer.”

Sa ngayon, mapapanood muna si Alden kasama si Sharon Cuneta sa kanilang 2023 Metro Manila Film Fest entry, ang A Family of Two ng CineKo.

ALDEN ON MAINE AND ARJO

Naitanong din kay Alden kung sila ng naging phenomenal ka-love team niya na si Maine Mendoza ay may posibilidad pa raw kayang magkasama.

Sagot ni Alden, “Parang si Maine po kasi sa ngayon, based on how I see it—well, hindi na rin po kasi kami nagkaka-usap talaga ng madalas. Hindi na rin po ako masyadong nakakanood ng TV.

“But right now, with how I see it, medyo okay na po ngayon si Maine na mag-settle sa family life niya. And we respect that. I respect that as well.”

Binati raw ni Alden si Maine nang ikasal ito kay Arjo Atayde noong July 2023.

Nagkataon lang daw na may schedule siya noon at hindi siya nakapunta.

Dagdag ni Alden, “At yon din po yata yung time na nagkaroon ng landslide sa Baguio. Pero, I wish her well and congratulations sa kanila ni Arjo.”