Andrea Brillantes now looking for “hindi na faithful, loyal na lang” guy, why?

Andrea Brillantes on highlights of her 2023

Memorable ang 2023 para sa Kapamilya actress na si Andrea Brillantes.

At marami man siyang pinagdaanang kabiguan at pag-iintriga—sa kanyang love life at career—malaki pa rin ang ipinagpapasalamat niya lalo pa’t nananatili siyang matapang at matatag.

Ito ang ibinahagi ni Andrea sa YouTube vlog ni Luis Manzano nitong Martes, November 21, 2023.

Pero ang highlight ay ang sinapit ng kanyang buhay pag-ibig, na tinagurian niyang “pinakamalas.”

Matatandaang naging kontrobersiyal ang hiwalayan nila ng ex-boyfriend na si Ricci Rivero nitong May.

Tumagal din ng isang taon ang publicized romance nila na nagsimula, officially, noong April 9, 2022.

Ani Andrea, “Honestly, tinitignan ko itong 2023 as pinakamalas ko sa pag-ibig, in terms of romantically.

“Pero pinakasuwerte ko rin sa pag-big sa fans, sa friends, sa co-stars ko, sa casual viewers ko, sa management ko.

“As in, ito po talaga yung pinakamalas ko sa pag-ibig romantically.

“Pero grabe naman yung balik sa akin, sa life ko itself.

“Sa pagta-travel ko, sa brand ko sa make-up, sa fans ko.

“Grabe yung sukli, grabe naman yung balik kasi nga sobrang malas ko sa pag-ibig.”

Marami rin daw natutunan si Andrea mula sa mga naging karanasan sa taong ito.

Saad niya, “Yung 2023 rin is yung year of growth and learning from my mistakes and pagbabawi.

“And for me, parang repaying karma. Kasi ang daming good karma sa 2023 ko, ang dami ring bad karma.

“I’ve also been vocal na ang dami kong toxic traits before na ngayon inaayos at tinatanggal ko na.

“Kasi gusto ko na lang lagi na nasa ikabubuti na lang lahat ng ginagawa ko.”

Dagdag pa niya, “Natutunan ko rin sa 2023 is, lahat talaga tayo ay aangat at babagsak. Basta ang importante, lahat tayo ay aangat pa rin kapag na-acknowledge natin yung mga maling ginawa natin.”

ANDREA ON QUALITIES SHE LOOKS FOR IN NEXT BOYFRIEND

Tanong ni Luis: Kung sakali mang makahanap siya ng susunod na mamahalin, anu-ano ang mga katangiang gusto niyang taglay ng isang lalaki?

Sagot ng dalaga, “Ang dami ko dating sinasabi, pinagdarasal ko pa nga.

“Yung dati, faithful, na ngayon ang hirap na, kaya loyal na lang. Puwede na yung loyal, maging loyal ka na lang.”

Naniniwala raw kasi si Andrea na malaki ang pagkakaiba ng pagiging loyal at pagiging faithful sa aspeto ng relasyon.

Lahad niya, “Sa mga hindi nakakaalam, iba ang loyal sa faithful.

“Ang loyal kapag may dumaan na chicks, titingin iyan, pero doon pa rin siya sa mahal niya.

“Ang faithful, kahit may chicks diyan, hindi titingin lang ako sa asawa o love of my life, ganon ang faithful.

“Puwede ka pa rin naman ma-attract, normal lang naman iyon bilang tao na ma-attract ka pa rin sa iba, pero doon ka pa rin sa mahal mo at wala kang gagawin sa feelings mo na iyan, loyal iyan.

“Ang faithful, kahit lahat pa ng sexy na babae nasa harapan mo, hindi ka titingin at hindi ka makaka-feel ng any attraction ganyan.”

Sundot na tanong ni Luis, “So ang hinahanap mo, hindi na faithful, loyal na lang?”

Mabilis na sagot ni Andrea, “Loyal na lang. Ang hirap, e. Pero kung may faithful, Lord please.

“Yun talaga, loyal, maalaga, gentleman, marespeto, totoong lalaki.

“Ayun na lang hinihingi ko, a real man. Kasi a real mean, I believe they know how to settle, alam nila kung paano na makunteno sa isa, at gusto ko talaga one-woman man.

“Kasi ang dami ko ng list non, e, dapat hindi ka cheater, hindi ka liar.”

Sa estado raw ngayon ni Andrea, ang gusto na niyang mahanap ay ang lalaking kaya siyang pahalagahan at panindigan.

Sabi niya, “Ang totoong lalaki for me is hindi iyan nagsisinungaling talaga.

“Alam niya kung paano aminin yung katotohanan na buong-buo, hindi yung ang dami pang pasikot-sikot.

“Na-oo aamin, pero hindi lahat [aaminin]. Kumbaga I don’t want a boy, I want a man. That’s what I need.

“Sobrang hectic na ng buhay ko, gusto ko na ng tunay na lalaki. Saka hindi ko kailangan ma-insecure.

“Kailangan ko yung buung-buong lalaki.”

Samantala, nananatili pa ring tikom ang bibig ni Andrea sa pagkakasangkot ng kanyang pangalan sa umano’y hiwalayan nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.