Angeli Khang, kinasuhan dahil sa pagpu-post ng “ex.plic.it scenes” ng Vivamax movies

GORGY RULA

Unfair daw kay Angeli Khang na kasuhan siya ng grupong Kapisanan ng Social Media Broadcaster ng Pilipinas, Inc. (KSMBPI).

Six counts of criminal charges, citing Article 201 of the Revised Penal Code in relation to Cyber Crime Prevention Act of 2012 ang isinampang kaso laban kay Angeli dahil daw sa mga nai-post ng Vivamax star ng mga sinasabi nilang “explicit scenes” na kuha sa mga pelikula nito.

Kini-claim pa ng taga-KSMBPI na sila raw ang watchdog of the cyberspace of the Philippines kaya binabantayan nila ang mga ipinu-post sa social media ng sexy stars kagaya ni Angeli.

Madali raw kasing buksan ang kanilang social media account, lalo na ng mga kabataan.

Ang KSMBPI rin ang grupong nagsampa ng criminal case laban sa mag-asawang Vice Ganda at Ion Perez dahil icing-licking incident noong July 25, 2023 episode ng It’s Showtime.

Nag-react ang mga kasamahan ni Angeli sa Vivamax kagaya ni Rash Flores, na nakapanayam namin sa story conference ng bagong pelikula nilang Virgin Sisters ng Pinoyflix and Entertainment Production, Inc. ni Direk JR Olinares.

Sabi ni Rash, hindi naman pababayaan ni Boss Vic del Rosario Jr. ng Viva si Angeli.

“Co-artist namin si Angeli Khang. Alam naman namin na wala siyang ginawang masama. Wala naman siyang nilabag sa batas.

“Kaya naniniwala kami na mapapawalang-bisa yung kaso,” sabi ni Rash.

Ayon naman kay Audrey Avila, nakikisakay lang ang KSMBPI sa popularidad ni Angeli Khang.

“Wala akong alam dun sa issue kasi hindi naman ako ma-social media masyado.

“Siguro, para sa akin, nakiki-hitch lang yung mga nag-file ng case kay Angeli. Siguro gusto lang nila bumida.

“Kasi yung Vivamax nga ngayon, di ba, sobrang hit niya, ganyan. Laging napu-post sa social media, ‘Vivamax, Vivamax!’

“Napaka-redundant kahit hindi naman nila alam yung meaning naman talaga nung Vivamax.

“So, feeling ko, nakiki-hitch lang yun na gusto lang nilang sumikat, ganyan, without knowing na nakakasakit sila ng tao, ayun!

“And ini-encourage ko ang mga kapwa ko sexy actress na dapat hindi bumaba yung sarili nila, but instead pataas.

“Kasi, it takes a lot of courage para panindigan para ma-portray namin nang maayos yung mga characters. Kasi being a sexy actress, hindi siya madali e,” pahayag ni Audrey.

Kasama nina Rash at Audrey sa pelikulang Virgin Sisters ang iba pang Vivamax artists na sina Amabela de Leon at Ada Hermosa.

Nagpahayag din sila ng suporta para kay Angeli.

NOEL FERRER

Kasama rin sa pelikulang Virgin Sisters si Lara Morena na nasa Vivamax na rin ang dalawa niyang anak, at tatlong pamangkin na sina Stephanie Raz, Michaela Raz, at Angela Morena.

Laging sinasabi ni Lara sa kanyang mga anak at pamangkin na huwag nang papaapekto sa sinasabi ng iba, lalo na itong kinakasuhan pa si Angeli.

Matteo Guidicelli, Sarah Geronimo may studio na, magma-manage na rin ng talents?

Ani Lara, “Para sa akin, walang masamang maging sexy star. Kung sexy star ka nga pero napakahusay mo namang umarte, at nanalo ng mga awards, di ba?

“Para sa akin, dapat siguro lawakan pa natin yung mentality natin bilang manonood, bilang Pilipino.

“Na sana suportahan natin ang mga artista, sana huwag natin silang ibagsak.

“Iangat natin… hindi biro ang magtrabaho ng ilang oras, simula sa direktor, sa production team. Pinaghihirapan namin ito talaga.

“Sana lang, lumawak pa ang pang-unawa ng mga Pilipino pagdating sa industriya natin.”

JERRY OLEA

After AJ Raval, sina Angeli Khang at Azi Acosta ang tinagurian bilang “Vivamax Queen.”

Bida sina Angeli at Asi sa pelikulang Sila Ay Akin na mag-i-streaming umpisa Oktubre 27 sa Vivamax.

May special advance screening ito umpisa Oktubre 18, Miyerkules. Idinirek ito ni Mac Alejandre, mula sa panulat ng National Artist na si Ricky Lee.

Nakatakda naman sa Nobyembre 17 ang Vivamax streaming ng pelikulang Salakab, na tampok sina Angeli Khang, Benz Sangalang, at Jomari Angeles, sa direksiyon ni Roman Perez Jr.

Post ni Direk Roman sa Facebook kaugnay sa usaping ito: “Pinasikat niyo lang si Angeli Khang! Mga Hungkag!”

May shout out pa si Direk Roman sa FB, “Kung Sino man ang kumokontra sa VMX Crush at sa Vivamax ay kumokontra sa Kapayapaan. Kung sino ang kumokontra ay Kalaban ng Bayan.”

At may follow-up na panunudyo nang i-post ang litrato ni Angeli sa 28th Busan International Film Festival sa South Korea, “Bihis na bihis si Angeli Khang, Anu pinagsasabi ng mga Hungkag?

“Magbantay sila sa Tiktok mas madami dun walang name.

“Pinasisikat niyo lalo ang Vivamax Philippines QUEEN”