Nanguna ang Third World Romance nina Carlo Aquino at Charlie Dizon sa Top 10 Movies in the Philippines Today ng Netflix ngayong Nobyembre 18, 2023 Sabado.
Ito ang ikatlong movie ni Carlo na pumuwesto sa Top 10 Movies list ng Netflix PH this year. Nauna iyong Seasons nila ni Lovi Poe, na isang linggong number 1 sa Top 10 Movies ng Netflix PH, mula Hulyo 9 hanggang 15.
Ganoon din iyong Love You Long Time nila ni Eisel Serrano, nanguna sa Top 10 Movies ng Netflix PH mula Agosto 23 hanggang 29.
Samantala, nasa top spot pa rin ng Top 10 TV Shows in the Philippines Today ng Netflix ang Can’t Buy Me Love nina Donny Pangilinan at Belle Mariano.
Opo! Parehong gawang-Pinoy na naman ang umarangkada sa listahan ng most watched movies and TV shows of the day for Netflix PH.
Ngayong 2023, unang naganap iyon ay noong Abril 27-29 na nanguna ang pelikulang Hello Universe ni Janno Gibbs, at ang seryeng Maria Clara at Ibarra nina Barbie Forteza, Dennis Trillo, David Licauco, at Julie Anne San Jose.
Ang second time, noong Oktubre 28-29 na kapwa nasa top spot ang pelikulang The Cheating Game nina Julie Anne San Jose at Rayver Cruz, at ang DonBelle series na Can’t Buy Me Love.
Ngayong Sabado, iyong nasa #1 lang na pelikula at TV shows ang Filipino-made. Naligwak na sa Top 10 Movies ang Tia Madre ni Cherie Gil.
Parehong December 1 mag-i-streaming sa Netflix ang MMFF 2022 entry na Mamasapano: Now It Can Be Told, at ang 2017 movie nina Gerald Anderson at Arci Muñoz na Can We Still Be Friends?.
Interesting kung mananatiling nangunguna ang DonBelle series kapag nandiyan na ang Replacing Chef Chico nina Alessandra de Rossi, Piolo Pascual, at Sam Milby.
Ang Netflix streaming nito ay mag-uumpisa sa Nobyembre 24, Biyernes. Andami ring nananabik sa seryeng Squid Game The Series na mag-i-streaming na simula Nobyembre 22, Miyerkules.
Ang Top 10 Movies in the Philippines Today sa Netflix — Third World Romance, The Killer, War of the Planet of the Apes, It Could Happen To You, Playing With Fire, Wingwomen, 13 Hours, Best Christmas Ever, Dawn of the Planet of the Apes, at Murderer.
Samantala, ang Top 10 TV Shows in the Philippines Today sa Netflix — Can’t Buy Me Love, Matt Rife: Natural Selection, Criminal Code, Strong Girl Nam-soon, Castaway Diva, Attack On Titan, Daily Dose of Sunshine, Spy x Family, Young Sheldon, at How To Become A Mob Boss.
So, puwede kayang sabihing si Carlo Aquino ang mahigpit na makakalaban ni Paolo Contis sa titulong Netflix King?
Halos lahat na pelikulang kasali si Paolo ay lumalanding sa top 10 trending at ang iba nga ay matagal ding nanatili sa number one.
Abangan ang A Journey nina Paolo, Patrick Garcia at Kaye Abad na dinig ko ay kinuha na rin ito ng Netflix. Pero hindi pa naman daw ito final, dahil may mga nagsasabing mas maganda kung sa sinehan ito unang ipalabas.
Tempting ang offer ng Netflix, kaya okay na rin kung dito na natin mapapanood.
Samantala, katatapos lang ng Linlang sa Amazon Prime at ang pasabog na balita sa amin ni Direk FM Reyes nang nakatsikahan namin sa mediacon ng In His Mother’s Eyes ay may magandang announcement daw sila tungkol sa hit series na ito. Natuwa raw kasi ang taga-Amazon Prime na lumagpas sa ini-expect nila ang magandang pagtanggap sa seryeng ito.
“Parang the first Filipino series that registers in the worldwide ratings, out of more than 24 countries. Kaya sobra silang nagulat actually.
“There are some things that they’re asking us, pero hindi pa muna puwedeng i-announce. Everything is on hold.
“Sobrang nakakatuwa kasi, the reaction that they’re getting is really big,” pakli ni direk FM.
Magkakaroon kaya ng season 2?
“Hmmm, basta!” nakangiting sagot sa amin ni Direk FM Reyes.
Ang Prime Top 10 in the Philippines ngayong Sabado — Linlang, Takeshi’s Castle, Simula Sa Gitna, Invincible, Jujutsu Kaisen: Shinjuku Incident, The Killing Vote, Comedy Island, Expensive Candy, Dirty Linen, at Nanahimik Ang Gabi.
Buti na lang talaga at may Netflix na puwedeng pagpalabasan at doon hahabulin ang mga pelikulang hindi napanood sa sinehan.
Ganyan ang nangyari sa The Cheating Game at Love You Long Time. At heto ngayon ang Third World Romance.
Sana, sa renewed interest na sa panonood ng sine, as proven by A Very Good Girl and Five Breakups And A Romance, mas dumami pa ang mga movies na maghi-hit muna sa sine bago mag-hit ulit sa Netflix.
Good luck talaga sa Shake, Rattle & Roll Extreme and In His Mother’s Eyes na showing sa November 29 sa mga sinehan nationwide!!!