Daria Ramirez appeals to ex-husband Joey de Leon for financial help, demands annulment papers

Daria Ramirez appeals to ex-husband Joey de Leon for financial help

Umapela ng tulong ang beteranang aktres na si Daria Ramirez sa kanyang dating asawa na si Joey de Leon.

Si Joey ang ama ng dalawang anak ni Daria na sina Cheenee de Leon at Keempee de Leon.

Sa panayam niya sa YouTube vlog ni Ogie Diaz nitong Lunes, October 30, 2023, inamin ni Daria na walang-wala na rin siya ngayon, kaya naman naglakas-loob na siyang humingi ng tulong kay Joey.

Panawagan niya, “Don De Leon, baka naman, ano. Siguro naman nararamdaman mo, hindi mo lang pinapansin. Kailangan ko ng tulong mo.

“Baka naman maalala mo ako. Naghihintay lang ako.

“Hindi lang masabi ng mga anak natin dahil ayaw nilang gumitna.”

Paglilinaw ni Ogie, “Tulong pinansiyal?”

Sagot ng aktres, “Oo, Pinansiyal.

“Hirap [ako] in a way na lack of financial.

“Every day iniisip ko, kanino na naman kaya ako lalapit para makabayad ng ganito, ng gano’n.

“Baka naman [Joey]. Sana man lang maramdaman mo na naging bahagi rin naman ako ng buhay mo.

“Kahit na kung ano man ang nangyari nung araw, nagpatawad na naman ako sa ‘yo, di ba?

“Nagpatawaran naman na tayo, sana ilagay mo yun sa isip mo. Tapos na yun, e.”

Napag-usapan naman na raw nila dati ang tungkol sa paghingi niya ng pinansiyal na tulong bago pa man niya sabihin kay Joey na magpa-annul na sila para maging legal na ang pagsasama nila ni Eileen Macapagal.

Si Eileen ang kasalukuyang asawa ngayon ni Joey.

Ikinasal sila noong March 2018 matapos silang biyayaan ng tatlong supling—sina Jocas Eightria, Jako Raphaelle, at Jio Sebastian.

Kabilang daw noon sa mga hiningi ni Daria sa E.A.T. host ay ang matitirhan at monthly allowance lalo pa’t wala raw siyang steady income.

Kuwento ni Daria, “Ako mismo ang humingi sa kanya ng annulment.

“Kasi sabi ko, ‘Okey ka naman na, di ba? Magkasama naman na kayo [ni Eileen], tatlo na anak niyo. Ako naman nagkaanak na rin naman ako. E, san ba pupunta yun, di ba sa kasalanan. Kaya magpa-annul na tayo para at least maayos na.’

“Sabi niya [Joey], ‘Ayan ba gusto mo?’ Sabi ko naman, ‘Common sense naman, ano ka ba, ang tagal niyo na nagli-live-in [ni Eileen] ‘tapos ako dito nakanganga. Tanggap ko naman na.’

“‘Sige’, sabi niya. Kaya lang sabi ko, bilang nanay ng mga anak mo. Kung gusto mo, sabi ko, bigyan mo ako ng monthly [allowance] ‘tapos kuha mo na ako ng place ko, para naman sabi ko may sarili akong place.”

Sumang-ayon naman daw si Joey sa request na ito ni Daria, ngunit sa paglalahad ng aktres kay Ogie, hindi raw ito nangyari at natupad.