Dennis Padilla, gustong ma-witness ang kasal ng anak na si Julia Barretto kahit di siya ang maghatid sa altar

dennis padilla
Dennis Padilla on his children: “Lahat ng anak ko, ikinararangal ko silang lahat. Ipinagmamalaki ko silang lahat. Kahit na ano yung experience na dinadaanan ko, lagi ko pa rin silang ipinagmamalaki. Tsaka pag may nagsasabi sa kanila ng hindi maganda, ako pa rin yung una nilang makakaaway pag narinig ko yun.

JERRY OLEA

First time makatrabaho ni Dennis Padilla sa pelikula si Claudine Barretto sa When Magic Hurts, kung saan bida sina Beaver Magtalas at Mutya Orquia.

Read: First shooting day ng launching movie nina Mutya Orquia at Beaver Magtalas, naantala dahil kay Egay

Gumanap si Claudine bilang Josephine, ina ni Olivia (karakter ni Mutya). Gay ang role ni Dennis, na naging “nanay” kapagkuwan ni Olivia.

“Na-excite ako sa pelikula dahil siyempre si Mutya ang lagi kong kasama,” lahad ni Dennis sa mediacon noong Pebrero 24, 2024, Sabado, sa Luxent Hotel, Timog Avenue, Quezon City.

“Dahil magiging anak ko siya dito. By accident naging anak ko siya rito dahil si Claudine ang talagang nanay niya, nagkita kami by accident sa bus.

“At may mangyayaring hindi maganda, so mapupunta sa akin si Mutya. At maganda, maganda ang mga eksena namin especially nung maliit pa siya, nung inaalagaan ko siya.

“And very touching yung mga moments namin, lalo na yung mga eksena namin ni Claudine.

“And this is my first movie with Claudine Barretto, that’s why excited ako nung sabihin ni Gabby [Ramos, direktor] na ako ang gaganap na Anton.”

Bata pa si Claudine nang unang makatrabaho ni Dennis sa sitcom ni Aga Muhlach na Oki Doki Doc (1993-2000).

Pahayag ni Dennis, “Ang sumunod na experience na makatrabaho si Claudine, sa TV pa rin, yung Home Along Da Riles [1992-2003]. Kami yung mga bagong karakter na pumasok dun.

“So, sa pelikula, first time naming magkasama, and… kaya madrama saka very touching yung moments namin, kasi, siyempre sa totoong buhay, dati ko siyang kapatid.”

May tatlong anak si Dennis at ang ate ni Claudine na si Marjorie Barretto — sina Julia, Claudia, at Leon.

Read: Dennis Padilla wishes to reconcile with estranged children before Christmas

Pagpapatuloy ni Dennis, “Tapos dito, lalabas na parang ako ang magpapatuloy na mag-aalaga dun sa karakter ni Mutya, e.

“Kasi something will happen to the character of Claudine. So, meron kaming eksena ni Claudine dun na talagang maluluha kayo dun sa eksenang yun.

“Tapos may mga eksena kami kay Mutya rin na… tsaka feel ko yung role. Kasi daughter. Alam niyo naman yung drama ng buhay ko — sa daughter, di ba?

“So, nung ginagawa ko yung pelikula, yun yata ang isa sa pinakamadali kong gawin, yung maluha.”

Nakapag-bonding ba sila ni Claudine nang magsyuting sila sa Atok, Benguet?

Mabilis na tugon ni Dennis, “Yes, yes. Kasi yung tinitirhan namin, halos three days kaming magkasama, magkatabi lang yung mga rooms namin.

“Tapos yung weather pa, tapos yung mga eksena pa namin. Very touching. So, ayun, masaya na maluluha ka sa pelikula saka sa mga eksenang ginawa namin ni Claudine.”

NOEL FERRER

Naka-relate agad si Dennis Padilla sa papel niya bilang “nanay” ni Mutya Orquia dahil sa totoong buhay ay may pinagdadaanan siya bilang ama ni Julia Barretto.

Read: Dennis Padilla to daughter Julia Barretto: “Hindi ko matandaan kailan tayo huling nagkita.”

Sabi ni Dennis, “Madali dahil andami kong anak, e. Andami kong anak. Ilan ba lahat? Seven in total.

“Tatlong chapter ng buhay ko, di ba? Sa first chapter ng buhay ko, dalawa ang anak ko. Sa second chapter ng buhay ko, tatlo ang anak ko. Tapos yung pangatlong chapter ng buhay ko, dalawa ang anak ko.

“Ang dami ko pang anak na babae. Pero siyempre, yung pinakasikat na anak kong babae, si Julia, di ba?

“So, madaling i-relate yung role ni Mutya, lalo na nung eksenang bata muna… very touching na yung mga eksena namin nun…

“Especially nung nagdadalaga na yung role ni Mutya. Yun, very touching talaga yon.

“Tapos nung natututo na siyang umibig. Tapos sa akin siya nagsasabi. Ako ang nagpapaliwanag sa kanya.

“Parang sa totoong buhay, ganun din naman tayong mga magulang, di ba? Gina-guide natin yung mga anak natin.

“Lalo sa mga tatay, mas protective tayo pagdating sa anak na babae.”

Nagagawa ba niya iyon in real life ngayon?

“Ay! Hindi! That’s why kapagka nagsasalita ako, lagi akong nagsasabi na… ‘I’m just a text away,’ mga ganun,” pag-amin ni Dennis.

“‘I’m just a call away. Kahit na anong problema, puwede mo akong tawagan, puwede mo akong kausapin.’

“And ako, willing akong mag-advise. Willing akong magprotekta, basta alam ko lang kung kailan.”

Sa mga eksena nila ni Mutya sa pelikula, ano ang sumasagi sa isip niya na moments sa daughters niya sa totoong buhay, lalo na kay Julia?

“Well, nung siyempre, natututo na siyang… nalilito siya kung ano ba itong pag-ibig ko na ito?” saad ni Dennis.

“Pag-ibig ba ito para sa kaibigan? O pag-ibig ba ito dahil ako ba’y nagkakagusto na? Parang ganun.

“So… nakalimutan ko yung dialogue ko dun, e. Pero alam ko, malalim yung binitawan kong dialogue dun at medyo naluha kami.

“Kung wala kang… ay! Maganda yon, alam mo, very touching yon. Kasi sabi niya, ‘Hindi ko na alam kung anong gagawin ko,’ sabi niya.

“So sabi ko, tiningnan ko siya nang malalim sa kanyang mga mata, at unti-unti kong binitawan ang mga katagang…

“‘Alam mo, anak, kung hindi mo alam kung ano ang gagawin mo… maglinis ka ng bahay natin. Madumi na siya, e!’

“Yun yata. Parang brineyk ko yung drama para matawa siya. Pero malalim yung ibig sabihin nung aking sinabi.”

Art imitates life ba ito? Well, sana makakunek sa maraming tao ang pelikulang When Magic Hurts.

GORGY RULA

Seriously, ano sana ang gustong sabihin ng karakter ni Dennis Padilla sa madramang eksenang iyon with Mutya Orquia?

Sagot ni Dennis, “Na kailangan mong ma-experience ang pain para mas ma-enjoy mo ang joy.

“Kasi pag hindi ka dumaan sa pain, hindi mo malalaman kung ano ang ibig sabihin ng kasiyahan, di ba?”

Nasabi ba niya iyon kay Julia Barretto?

Natigilan saglit si Dennis bago nagturan, “Hindi ako nagkaroon ng chance masabi. Hindi ako nabigyan ng chance na masabi yon.”

Na-experience niya yung pains of being a father….

“Oh yes!” bulalas ni Dennis. “Oo, madaming beses.”

Ano ang naramdaman niya nang tinext siya recently ni Julia?

“Binati niya ako nung birthday ko kaya natutuwa ako and… actually, naluha ako nung mabasa yung birthday message,” pagtatapat ng 62-anyos na si Dennis.

“Kaya… masarap sa pakiramdam. Masarap sa pakiramdam and… sana, magkita kami soon.”

Read: Dennis Padilla “naluha” sa birthday message ni Julia Barretto

Ito na ba ang simula ng pagkakaayos nila ni Julia?

“Yes! Palagay ko, dito magsisimula yung magic. Dito magsisimula.”

Ipinagmamalaki ni Dennis ang kanyang mga anak.

Aniya, “Lahat ng anak ko, ikinararangal ko silang lahat. Ipinagmamalaki ko silang lahat. Kahit na ano yung experience na dinadaanan ko, lagi ko pa rin silang ipinagmamalaki.

“Tsaka pag may nagsasabi sa kanila ng hindi maganda, ako pa rin yung una nilang makakaaway pag narinig ko yun.”

Sakaling magpakasal si Julia kay Gerald Anderson, looking forward siya na ihatid ang daughter sa altar?

Napatango si Dennis, “Oo naman, siyempre! Isa yun sa pinakamahalagang bahagi ng pagiging tatay, e. Yung ihahatid mo yung daughter mo sa altar, di ba?

“Isang beses lang mangyayari sa buhay mo yun kaya gusto kong mangyari yun.

“Pero kung hindi man mangyayari yun… e, gusto ko pa ring ma-witness yung wedding na yun. Kahit na hindi ako yung maghahatid.”

Kahit hindi siya maimbitahan?

Pagbibiro ni Dennis, “Siguro magsusuot ako ng wig tsaka face mask, tsaka shades. Dark shades.”

Siguro, iimbitahan naman siya para walang kanegahan…

“Sana, sana nga. Sana naman, ma-invite ako para mas masaya yun, e,” sabi ni Dennis.

“Tsaka parang palagay ko, yun ang tama yata, e.”