Ikinuwento ni Diana Zubiri ang pagwu-walk out niya sa shop ng isang luxury brand dahil sa hindi magandang pakikitungo ng staff.
Hinala ni Diana, ang hindi magandang trato sa kanya sa shop ay dahil sa kanyang pananamit.
Ibinahagi ng original Encantadia star ang karanasang ito sa kanyang YouTube vlog nitong December 21, 2023.
Aniya, nagbukas ang isang Louis Vuitton branch sa Adelaide, Australia, na malapit sa tirahan niya.
Si Diana, asawang si Andy Smith, at kanilang mga anak ay naka-base ngayon sa Australia.
Pagpapatuloy ni Diana, nakapang-workout outfit siya nang araw na iyon at kasama niyang bumisita sa luxury shop ang kanyang mother-in-law na hindi rin gaanong nakaayos.
Spur of the moment daw ang pagpunta nila sa store.
“So, pumasok kami sa store na ito, ‘tapos nagtanong kami, nag-inquire kami magkano kasi walang presyo. ‘Tapos di kami pinapansin,” paglalahad ni Diana.
Nagkatinginan daw si Diana at biyenan dahil sa treatment sa kanila.
“’Tapos nung pangalawang tanong namin, parang sabi, ‘O, you wait for your turn’ until may bakante, ganyan.”
Nauunawaan daw ni Diana kung hindi sila asikasuhin agad lalo pa’t marami ang customers nang araw na iyon.
Pero hinaing ni Diana: “Kumbaga, parang sana maayos lang yung pagkakasabi, kasi it’s not maayos… na parang nagmamadali sila…
“Parang hindi sila interesado sa amin kasi gano’n lang yung itsura namin. Gano’n yung na-feel ko.
“Parang puwede naman niyang sabihin na, ‘For a moment please,’ o kaya, ‘We’re not available yet.’
“Ang ine-expect ko lang na sabihin, ‘One moment please,’ o kaya basta maayos, basta pleasant yung pagkakasabi…
“So, nag-walk out na lang kami.”
RETURNING TO THE STORE
Habang ikinukuwento ang karanasang ito, ipinakita ni Diana sa vlog na nakaayos siya at balak pala nilang bumalik sa shop ng kanyang mother-in-law.
Nag-ayos daw silang dalawa nang makita nila kung ganoon pa rin ang treatment na makukuha nila mula sa staff.
“Tingnan natin yung magiging… pangit man pakinggan, pangit man isipin na aasikasuhin talaga kami. E, malamang aasikasuhin kami, guys.”
Sa pagtatapos ng video, sinabi ni Diana na naging maayos ang pakikitungo ng staff sa kanila.
“Naging maganda ang pakikitungo, very accommodating sa amin, nagtatanong ng presyo tumitingin-tingin [kami],” ang update niya.
Paliwanag pa ni Diana, bilang isang customer, nais lang niyang ang pakikitungo sa kanya ay maganda, tulad ng ginagawa sa ibang customers.
“Nakabawi ang Louis Vuitton. Hindi kagaya nung una. Hindi ko lang sure kung dahil ba nakaayos na rin kami.
“I’m sure meron din konti iyon, may konting dating din na nakaayos ka, medyo presentable ka.
“Pero, sana hindi maging gano’n ang judgment ng lahat ng store.
“Happy kami na nakabawi this time sa amin ng mother-in-law ko.”
Sa description sa video, sinabi ni Diana na noong una nilang pasok sa shop, kinausap sila “not in a pleasant way,” pero nang bumalik sila ng pangalawang beses, “service was much
Sa comments section ng vlog, may netizens na naglahad ng similar experience sa ilang branch ng parehong high-end brand, pero may ilan ding nagbahaging maganda naman ang experience nila sa napasukang branch ng luxury shop.
Matatandaang may ganito ring kuwento sina Sharon Cuneta at Regine Velasquez.
Noong 2019, ikinuwento ni Regine kung paano siya na-discriminate sa Louis Vuitton shop sa New York noong dalaga pa siya.
Si Sharon naman, inilahad na hindi siya pinapasok sa Hermes shop sa South Korea noong 2022 dahil wala siyang appointment.
Kaya ang ginawa niya’y lumipat sa katabing shop na Louis Vuitton, kung saan siya inasikaso at dito siya namili.
ED’S NOTE: Meron nang essays sa foreign publications na nagsasabing marketing strategy na ng ilang high-end brands ang maging snobbish nang ma-reinforce ang exclusivity at desirability ng kanilang bags, shoes, jewelry, sunglasses at iba pang luxury products.
Nga lang, nagwo-work ito sa maraming buyers na gustong mapasama sa isang tingin nila’y elite circle na treated bilang special customers ng mga high-end brands.
Ang ibang buyers naman, gustong ituwid ang pang-iisnab at pang-iinsulto sa kanila dahil tingin nila’y karapatan nilang tratuhin sila nang tama, na siya namang dapat.
Ang siste, bilang patunay na kayang-kaya nilang bilhin ang mamahaling goods, ang ilan ay naglalabas ng malaking pera para pamukhaan ang isnaberong shop.
Income pa rin para sa high-end brand sa huli.
Mas wagi, siyempre, kung hindi nila i-patronize ang mapagpanggap na shops, period.