Dina Bonnevie details past confrontation with Alex Gonzaga: “It didn’t come naman without reason.”

Tinapos na ni Dina Bonnevie ang kontrobersiyang kinasasangkutan nila ni Alex Gonzaga na nangyari noong 2011.

Nagsalita at nagkuwento siya tungkol dito sa kanyang live guesting sa Fast Talk with Boy Abunda ng GMA-7 ngayong Martes ng hapon, January 31, 2023.

Paulit-ulit na nabubuhay ang pinag-uusapang insidente kaya sa kauna-unahang pagkakataon, diretsahang sinabi ni Dina kay Boy Abunda na si Alex ang tinutukoy niya sa isyu na unang naungkat noong 2018 at muling pinagpistahan noong 2022.

Paglilinaw ng 61-year-old actress, “Nagkataon lang na noong presscon [nung 2018], may nagtanong sa akin, ‘Meron na bang artistang nag-prima donna sa ‘yo?’

“’Ah oo,’ sabi ko, ‘marami.’

“And then, sinabi [nila], ‘Hindi, balita namin totoo ba yon nakagalitan mo si Alex Gonzaga?’

“Sabi ko, ‘Oo, pero tapos na yan. Yes, I gave her hell.’ Pero hindi ko naman alam na ilalabas yun after so long. Paulit-ulit na ilalabas sa social media.”

THE CONFRONTATION

Sa salaysay ni Dina, hindi lamang siya ang nagreklamo sa ipinamalas na unprofessionalism ni Alex dahil ito rin ang sentimyento ng kanilang mga co-star na sina Gabby Concepcion, Cheska Iñigo, at Nadine Lustre.

Lahad ng award-winning actress, “That happened twelve years ago. We were doing a teleserye then.

“And it didn’t come naman without reason. I mean, we were working together.

“Kaya lang kasi, it didn’t only happen once, twice, thrice.

“So, hindi lang naman ako. There were other co-workers who were also getting irked about yung working habit niya or the way she was working with us.

“So, napag-usapan na ako ang spokesperson. Si Gabby… anyway nabanggit ko na, Gabby [Concepcion], Cheska Iñigo, si Nadine Lustre.

“So, okay, ako ang magiging spokesperson.”

Nilinaw ni Dina na hindi niya tinalakan o sinigawan si Alex nang kausapin niya ito.

“Hindi rin totoo na pinagsisigawan ko [siya] ng ulo hanggang paa. Kasi yung setting namin, nasa simbahan. There was a chapel there, it was somewhere in Antipolo.

“That morning, late na naman siya. Nagpipigil na kami noon. ‘Parang, ‘Hah!’

“Umuusok na lahat sila, ‘I’m gonna walk out of this set if you don’t tell her up. You gonna tell her up, D, hindi ko na kaya!’ Ganyan-ganyan.

“’Ako ba?’ O sige, ako lang naman ang may lakas ng loob.”

Pagpapatuloy na lahad ni Dina, “So, anyway, wala pa akong sinabi, hanggang sa lunch break, umalis na naman siya.

“Pag-alis niya, pagbalik niya, basa yung buhok, walang makeup, so we had to wait na naman for another three hours bago makapag-take.

“E, siyempre, kumukulo na yung dugo ng lahat. Ako naman, sabi ko, kasi may eksena siya na dapat iiyak siya, e, parang mommy niya ako noon, hindi siya makaiyak.

“Sabi ko, ‘Alex, you know why you cannot cry? Because you’re not in touch with your emotions. You’re very indifferent to your co-workers.

“’You know, honestly, I want to talk to you kasi we don’t like what you’re doing, that you’re always late.’

“[Sabi niya ] ‘E, marami akong ganap, e…’

“Sabi ko, ‘Wait a minute. Wait a minute. I’m trying to talk to you in a nice…’

“[Sabi niya ] ‘E, hindi kasi hindi niyo nakikita yung side ko.’

“Sabi ko, ‘Hindi pa ipinapanganak ang babastos sa akin, Alex. Please, kinakausap kita nang maayos.

”’If you want to stay long in this business, you cannot last kung ganyan ang attitude mo na palagi kang late. Dito ka pa maliligo sa set and you cannot even memorize your lines. Hindi ka makaiyak.’”

Dahil detalyado ang rekoleksyon ni Dina, binanggit niyang nagalit daw noon si Alex kay Nadine dahil mas mabilis o nauuna itong umiyak sa kanilang mga eksena.

Ayon kay Dina, “And then nagagalit siya kay Nadine kung nauunang umiyak si Nadine. Eksena daw niya ‘yon.

“Anyway, long and short of it, sabi ko, ‘I’m not talking to you like this because I want to put you down. I want you to succeed in your career. I want you to be great.’

“Siya kasi yung banner star ng Channel 5 and, okay, sige, I get that. But sabi ko, ‘Granting na galing ka sa trabaho…’

“Sabi niya, ‘Hindi naman ako galing sa bahay. Galing ako sa trabaho kasi marami akong booking. Alam ng mommy ko yan. Gusto mo kausapin mo pa yung mommy ko.’

“Sabi ko, ‘Bakit ko kakausapin yung mommy mo? The thing is you made a commitment to come to this taping. You have to come early. It didn’t only happen once… Ang dami nang beses. Nakakapagod na rin.’

“Sabi ko, ‘Kung gusto mo magtagal sa industriya, hindi ganyan ang ugali, Alex. I hope you understand.’”

Isinalaysay ni Dina na nagkaiyakan sila ni Alex nang mag-usap at magkaayos sila.

Nang sumunod na araw, dumating daw sa set ng kanilang drama series ang nanay ni Alex na si Pinty Gonzaga para magpaliwanag tungkol sa pagkakaroon ng maraming trabaho ng kanyang anak.

“Ang ending, nag-iyakan kami, and then okay na. So, kumbaga, naiyak din ako because nagsalita ako because I have to spill my heart out kasi pagod na rin ako.

“Okay kami. I think the next day or couple of days, dumating yung mommy niya, nag-explain. So, ako, tapos na yun.

“Parang kinausap niya yung [director]… maraming ganap yung anak niya. Maraming tanggap na trabaho.

“Pero siyempre, ang point namin is, o sige, sikat siya. Maraming ibinibigay sa kanya yung [Channel] 5, marami siyang ganap, but this is your responsibility to your co-workers.”

Nilinaw ni Dina kay Boy na hindi siya galit kay Alex. Nagkita na umano sila nang maging bisita siya sa noontime show ni Alex sa TV5 na Lunch out Loud.

“Actually, hindi ako galit kay Alex.

“Ito pa, I even guested in her show… I guested there, she was very graciosa to me. She was very nice to me.'”