Elizabeth Oropesa, ibinulgar ang matagal na lihim na may anak sila ni Dante Rivero

Elizabeth Oropesa and Dante Rivero

Pagkagulat ang nagrehistro sa mukha ni Snooky Serna sa panayam niya kay Elizabeth Oropesa para sa kanyang YouTube channel.

Ito ay dahil sa rebelasyon ni Elizabeth na may anak ito sa aktor na si Dante Rivero.

Si Dante ang gumanap na ama ni Snooky sa 1970 movie na Wanted: Perfect Mother kaya personal silang magkakilala.

Hindi lamang si Snooky ang nagulat sa ipinagtapat ni Elizabeth.

Nagtaka rin ang ibang mga nakapanood sa kanilang pag-uusap dahil ngayon lamang nila nalamang may anak sina Dante at Elizabeth, na unang nagkasama noong 1975 sa pelikulang Lumapit… Lumayo ang Umaga.

“Dante is the only man in my life that belongs to the showbiz world. Siya lang, walang iba,” ang pahayag ni Elizabeth.

Sinabi ito ni Elizabeth kahit alam ng lahat na nagpakasal sila noon at nagkaroon ng anak ng sikat na Chinese actor na si Meng Fei, pero humantong sa diborsyo ang kanilang pagmamahalan.

Elizabeth Oropesa and Dante Rivero

Nang itanong ni Snooky kung si Dante ang kanyang great love, sagot ni Elizabeth, “Of course, we have one son.”

Patuloy ni Elizabeth, “Yeah, hindi lang kasi ako madaldal. Noong araw kasi, hindi uso yung… wala naman social media.

“And then you don’t normally talk about your personal life before.”

Ngayong Lunes ng gabi, Nobyembre 13, 2023, isang malapit kay Elizabeth na nakakaalam ng personal na buhay nito ang aming tinanong tungkol sa rebelasyon ng aktres na may anak sila ni Dante.

Pero iba ang bersiyon ng source.

Noong Nobyembre 13, 2002, eksaktong dalawampu’t isang taon na ngayon ang nakalilipas, may panayam kay Elizabeth ang namayapang kolumnista na si Ricky Lo.

Walang binanggit sa ulat ni Ricky tungkol sa pagkakaroon ng anak ni Elizabeth at ni Dante.

“She has three grown-up children – Henry, a nurse, from her first marriage; Guinevieve (a.k.a. Princess) by boyfriend Mark Roces; and Gabriel, by Chinese action star Meng Fei from whom Elizabeth is divorced. She has an adopted son, Louie, now married,” ang bahagi ng artikulo ni Ricky tungkol kay Elizabeth.

ELIZABETH’S FUNNY MEMORY WITH ISHMAEL BERNAL

Ang National Artist na si Ishmael Bernal ang direktor ng Lumapit, Lumayo ang Umaga.

Si Bernal ang isa sa mga paboritong direktor ni Elizabeth na may nakakatawang anekdota tungkol sa pumanaw na kaibigan niya.

“Gusto po niya [Ishmael] na masiguro na siya ay hindi lalake. Kinausap niya ako, ‘Kapatid, tulungan mo naman ako. Puwede bang maghalikan tayo?’

“Sabi ko, ‘Ano? Tayong dalawa ang maghahalikan?’ ‘Oo kasi ang ganda-ganda mo. Titingnan ko lang kung may mararamdaman ako sa yo.’

“Nag-isip naman ako,” lahad ni Elizabeth.

Natatawang kuwento pa niya, “Kapatid ko naman ito. Sabi ko, ‘O sige magsesepilyo ako, magsepilyo ka rin. Mag-lips to lips kita.’

“Alam mo, nakakasuka kasi alam ko yung hinahalikan ko, kapatid ko na bakla.”

Sabi raw ni Ishmael kay Elizabeth noon, “O, di napatunayan ko sa tulong mo na girl ako!”

Sabi pa ni Elizabeth, “Ang idol niya noon, si Sophia Loren. So, siya si Sophia Loren, ako si Carlo Ponti. Ganoon po kami ka-close. Napakabait na tao, napakagaling na direktor at napakatalino.”

Naging artista rin ni Ishmael si Elizabeth sa critically acclaimed movie na Nunal sa Tubig (1976).

ELIZABETH’S ANECDOTE ABOUT GLORIA DIAZ

May anekdota rin si Elizabeth tungkol kay Gloria Diaz, ang bida sa Ang Pinakamagandang Hayop sa Balat ng Lupa, ang blockbuster movie noong 1974 na nagpauso sa mga wet look scene.

Si Elizabeth ang orihinal na bida ng pelikula, pero nagdesisyon si Gloria na mag-artista kaya ibinigay sa kanya ng direktor na si Celso Ad. Castillo ang pangunahing karakter sa Ang Pinakamagandang Hayop sa Balat ng Lupa.

Ang Pinakamagandang Hayop Sa Balat Ng Lupa

Isinalaysay ni Elizabeth na napag-initan si Gloria ng mga ekstrang babae sa fight scene nila sa Ang Pinakamagandang Hayop sa Balat ng Lupa dahil sa diumano’y kontrobersyal na pahayag noon ng kauna-unahang Pilipina na nanalong Miss Universe.

“Ang nangyari sa Ang Pinakamagandang Hayop sa Balat ng Lupa, medyo sosyal si Glo. Hindi siya kumakain [nang nakakamay]. Maid lang ang kumakain nang nakakamay.

“E, yung mga ekstra, e, di masama ang tingin sa kanya. Ang ginagawa ko, palagi ko yang kinakampihan kasi meron noong eksena na nasa tubig kami, sa dagat.

“Kunyari, nag-aaway kami. Ang ginagawa ng mga ekstra, inilulubog siya talaga.

“Inaangat ko yan,” balik-tanaw ni Elizabeth.

Dagdag ni Elizabeth, “baligtad” ang nangyayari sa eksena na imbes na siya ang manakit kay Gloria ay siya pa ang sumasagip rito.

Sabi raw ni Elizabeth sa mga ekstra, “Sinasabihan ko, ‘Huwag ninyong ganunin.'”