Ang pagbisita ng mga artista sa mga sinehang pinagtatanghalan ng kanilang mga pelikulang kalahok sa 49th Metro Manila Film Festival (MMFF) ang patunay na seryoso ang kanilang adhikaing kumbinsihin ang publikong muling bumalik sa panonood ng sine.
Lumabas mula sa kanilang tahanan ang mga artista ngayong Lunes, Disyembre 25, 2023, ang unang araw ng film festival para personal na pasalamatan ang lahat ng mga tumangkilik sa mga pelikula nila.
Kahit araw ng Pasko, pansamantalang iniwanan ng mga artista ang kanilang mga pamilya dahil sa kagustuhang maging matagumpay, hindi lamang ang mga pelikula nila, kundi ang kabuuan ng MMFF 2023.
Nagmistulang piyesta sa mga sinehan sa iba’t ibang mga mall dahil sa mga taong tuwang-tuwa sa sorpresang pagdating ng kanilang mga hinahangaang showbiz personality.
Ilan sa mga nag-cinema tour ay sina Star for All Seasons Vilma Santos, Christopher de Leon, Tirso Cruz III ng When I Met You In Tokyo; Eugene Domingo at Pokwang ng Becky & Badette; at Piolo Pascual ng Mallari.
Sharon Cuneta at Alden Richards ng Family Of Two; Miguel Tanfelix at Ysabel Ortega ng Firefly; ang mag-asawang Dingdong Dantes at Marian Rivera ng Rewind; at si Matteo Guidicelli ng Penduko.
Lumitaw ang pagiging mga fan nina Eugene at Pokwang nang makasalubong nila si Vilma sa kanilang theater tour sa Trinoma Mall.
Tuwang-tuwa sina Eugene at Pokwang sa chance encounter nila sa Star for All Seasons na kasama si Christopher, ang leading man niya sa When I Met You In Tokyo.
Halos maiyak sina Eugene at Pokwang dahil sa sobrang kaligayahan nang makita si Vilma.
Ang matinding kasiyahan ni Eugene ang dahilan kaya natanggal ang kanyang fake eyelashes.
Walong sinehan na pinagtatanghalan ng Penduko ang pinuntahan ni Matteo na ganadung-ganado at hindi kinakitaan ng pagod dahil sa mainit na pagtanggap ng publiko sa kanyang pelikula.
Ang Alabang Town Center Cinema ang unang dinalaw ni Matteo at ng mga co-star niya sa Penduko, samantalang ang SM Mall of Asia Cinema naman ang kanilang huling binisita.
Taus-pusong pinasalamatan ni Matteo ang lahat ng mga nanood sa kanyang unang starring role movie at unang proyektong kasali sa Metro Manila Film Festival.