“Masaya” at “masarap kasama” ang ilan sa mga papuri ni Gabby Concepcion kay Marian Rivera, ang kapareha niya sa My Guardian Alien, ang drama-science fiction series ng GMA-7 na mapapanood simula sa Abril 1, 2024.
Ito ang papalit sa mababakanteng timeslot ng Love. Die. Repeat na magwawakas sa Miyerkules, Marso 27.
Ang My Guardian Alien ang katuparan nang matagal nang hindi matuluy-tuloy na planong pagtatambal nina Gabby at Marian sa mga teleserye ng Kapuso Network kaya natutuwa ang 59-year-old actor dahil, sa wakas, nagkasama na sila sa isang proyekto.
“Ever since naman, supportive ako sa buong cast. Kung ano ang ipagawa sa akin, gagawin ko,” sagot ni Gabby nang tanungin tungkol sa reaksiyon niya sa unang pagsasama nila ni Marian sa prime time series ng GMA-7.
“Dito lang ako para suportahan si Marian sa pagbalik niya at para matuto kay Direk sa kagalingan niya at sa kagalingan ng cast namin.”
Sabi pa ng aktor tungkol sa kanyang leading lady, “Masarap kasama yan dahil laging nagpapakain yan. Napaka-generous niya. Nanay siya ng pamilya talaga.
“Marian, maraming salamat sa iyong kabaitan sa aming lahat. Masaya, yun lang ang masasabi ko. Masarap katrabaho.”
Si Zig Dulay ang direktor ng My Guardian Alien, at ito ang unang pagkakataong nakatrabaho niya sina Gabby at Marian.
Ipinagtapat ni Zig na ni minsan, hindi sumagi sa isip niyang magiging direktor siya ng aktor na binansagang “Premiere Leading Man ng Pilipinas.”
“Never kong na-imagine na makatrabaho ko si Sir Gabby, actually silang lahat.
“Kasi noong nagsisimula ako, alam naman ng lahat na nagsimula ako sa indie, hindi ko nakikita ang sarili ko na mag-work sa mainstream.
“Which is, nung nangyari na, mas tinanggap ko yung challenge kasi mas nakita ko somehow yung responsibilidad bilang storyteller.
Gabby Concepcion
“Na mas marami yung nakakanood sa yo, mas may pressure na magpakita sa kanila nang maayos, maganda.
“Yun ang naging pressure na mas higit pang pagbutihin kung ano yung ginagawa.”
Ang “chemistry” nina Gabby at Marian ang unang napansin ni Zig nang magsimula ang taping nila para sa My Guardian Alien.
Lahad ng direktor, “Simula pa noong umpisa, nung nakita ko sila sa set, maaliwalas specifically yung aura ng pamilya.
“Na kapag nakikita mo sila, parang nakangiti ka lang talaga. Ang aliwalas, ang liwa-liwanag ng paligid.
“Na mas bagay sila dun sa show, sa kuwento mismo.”