Gelli de Belen hopeful for KathNiel reconciliation: “Kami nga ni Ariel nagkabalikan, e!”

Taong 2019 huling napanood si Gelli de Belen sa GMA-7 (sa seryeng Beautiful Justice) at makalipas ang limang taon ay nagbabalik-Kapuso si Gelli bilang host naman ng Si Manoy Ang Ninong Ko.

Bakit matagal siyang hindi nagkaroon ng proyekto sa GMA?

“Well, kasi napunta ako sa TV5,” at tumawa si Gelli.

“Matagal din ako sa TV5, and eventually after TV5 hindi muna ako nag-host.

“Nag-teleserye, kung anu-ano, pinasok ko. Tapos, I’m back,” bulalas pa ng actress/TV host.

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Gelli sa mediacon ng Si Manoy Ang Ninong Ko sa Limbaga 77, sa Quezon City noong Pebrero 29, 2024.

Kasama ni Gelli na mga host ng public service program na Si Manoy Ang Ninong Ko sina Agri Party-list Rep. Wilbert Lee, Sherilyn Reyes-Tan at Patricia Tumulak.

Mapapanood ito tuwing Linggo, alas siyete ng umaga, sa GMA-7.

Ang huling proyekto ni Gelli ay ang 2 Good 2 Be True ng Kapamilya Channel noong 2022. Bida rito sina Kathryn Bernardo at Damiel Padilla, na tulad ng alam na ng lahat ay hiwalay na matapos ang labing-isang taong relasyon.

GELLI SADDENED BY KATHNIEL BREAKUP

Hiningan namin si Gelli ng reaksyon tungkol sa breakup ng KathNiel.

Lahad ni Gelli, “Oo nga. It’s unfortunate pero tingin ko parang lahat naman tayo sa buhay, di ba parang we all go through heartbreak and changes?

“And maybe ito yung time para sa kanila… mga bata pa iyang mga iyan. Kung nauukol bubukol, malay mo?

“Pero kung hindi, maybe it’s time for them to do other things and discover themselves. Feeling ko, more than anything sa kanila, parang baka iyon ang pinaka-importante.”

Kanino mas close si Gelli, kay Kathryn o kay Daniel?

Aniya, “Well, both… maybe because siyempre kaibigan ko si Karlalu [Karla Estrada na in ani Daniel], pero siyempre, si Kath baby girl ko iyan sa 2 Good 2 Be True, so mas madalas ko nakakasama si Kath.

”Siyempre pag girl, di ba mas open? Pero si DJ [Daniel], si DJ iyan e, parang pamangkin ko na rin iyan, e, so ano iyan…”

So kanina siya mas kampi o nakikisimpatiya?

“Wala! Wala, wala, wala. Wala, none at all,” diin niya.

Noong nagte-taping sila ng 2 Good 2 Be True, wala bang naikuwento sa kanya si Kathryn?

Pakli niya, “Wala naman.”

GELLI SHARES SECRET TO ENDURING RELATIONSHIP WITH ARIEL RIVERA

At dahil isa sina Gelli at ang mister niyang si Ariel Rivera sa pinakamatibay at matatag na relasyon sa showbiz, ano ang maaaring ibahagi ni Gelli sa mga mas nakakabatang showbiz couples para magtagal rin ang pagsasama?

“Siguro talagang ano, pag mahal mo ang isang tao, kapag nahihirapan kang masyado at sumasama ugali mo baka mamaya it’s time to move on,” at tumawa si Gelli.

“But pinaka-importante talaga yung kumpleto ka na sa sarili mo, huwag mong iaasa sa kanya yung kaligayahan mo.

“Kailangan maligaya ka on your own. You love yourself, you’re happy to be yourself and happy with yourself, iyon ang importante bago ka puwedeng talagang may makasama na magwo-work.

“Kasi ang tendency is kung marami kang insecurities, hindi ka happy sa sarili mo, hindi ka proud kung sino ka, hahanapin mo sa ibang tao yung happiness at pride na yun, e.

“Kawawa sila dahil hindi nila maibibigay sa iyo yun nang buung-buo. So kailangan buo ka muna.”

Ganoon daw sila ni Ariel.

Dagdag niya, “Tsaka siyempre pag may mahal ka, di ba parang gusto mo talagang mag-give? Huwag kang magbilang, na kung ilan ang ibinigay mo, kung ilan ang ibinigay mong bulaklak, kung ilan ang binigay mo na service sa kanya.

“Huwag mong bibilangin. Basta if you love someone, give it! If it doesn’t come back, it doesn’t come back pero happy ka kasi binigay mo…”

GELLI HOPEFUL FOR KATHNIEL RECONCILIATION

Sa tingin ba niya ay mag pag-asa pang magkabalikan sina Kathryn at Daniel?

Saad niya, “Hindi pa tapos ang buhay. Kami nga ni Ariel nagkabalikan, e!”

Isang beses daw silang nag-break ni Ariel noon na umabot ng tatlong buwan bago sila muling nagkabalikan.