How Gabbi Garcia and Khalil Ramos handle their nearly seven-year relationship

Gabbi Garcia and Khalil Ramos maintain that firm purpose, respect, and friendship keep their relationship strong for nearly seven years. PHOTO/S: RACHELLE SIAZON

Marami mang naghiwalay na celebrity couples, partikular noong 2023, going strong naman ang magkasintahang Gabbi Garcia, 25, at Khalil Ramos, 27.

Magdiriwang sila ng ika-pitong anibersaryo sa Pebrero 22, 2024.

Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), ibinahagi nila kung paano nanatiling matatag ang kanilang relasyon.

“Pasensya,” natatawang bungad ni Gabbi.

Sabay bawi niya, “Hindi, joke!”

Seryoso naman si Khalil na nagsabing intentional at consistent ang pag-aalaga nila ni Gabbi sa isa’t isa.

Saad niya, “You have to be the best of friends. I wouldn’t call it a secret, e. I guess it’s a must for every relationship.

“Kasi kung nanggagaling ka sa perspective na all you want to do is to take care of your partner, to make sure that your partner is happy and that your relationship is healthy.

“And you always go back to your purpose and your foundation in the relationship. You’ll always be guided by that principle.

“Your purpose has to be pure from the very beginning. Hindi puwedeng malabo, hindi puwedeng di ka sure.

“It’s a choice. Being part of a relationship and choosing to love someone every day, it’s a choice.

“It’s not something that just happens. Kailangan araw-araw pinipili mo siya.”

Hindi naman ibig sabihin ay perpekto ang kanilang relasyon.

Sabi ni Gabbi, “Di naman every day in love na in love ka sa partner mo, di ba? Let’s be realistic.

“So, I feel like every day you have to choose to be with your partner and to love them unconditionally.

“Tsaka mutual respect is such a big part of a relationship. Kasi pag nawala na yung respeto niyo sa isa’t isa, it will go down easily.”

Bilang artista, naipapareha sila sa iba sa kani-kanilang mga proyekto.

Noong 2023, nakapareha ni Gabbi Garcia si Joshua Garcia sa Unbreak My Heart ng GMA-7. Habang si Khalil ay nakapareha si Maris Racal sa Prime Video series na Simula Sa Gitna.

Napapangiting sagot ni Gabbi, “Alam mo minsan, napapakuwestiyon na nga ako ba’t di seloso si Khalil.

“Di ba, may ganun tayong girls? ‘Bakit di nagseselos ito?’ Mas ako pa siguro, pero cute lang.”

Diin ni Khalil, alam daw nila ni Gabbi kung paano paghiwalayin ang trabaho sa personal na relasyon.

Sabi ng Kapuso actor, “Yeah, I guess it’s the nature of the business. We’re actors. I met Gabbi she’s an actor, she met me I’m an actor.

“Year one, dating stage pa lang dapat tanggap mo na posibleng mangyari yung mga bagay na yun

“Of course, it’s not easy. You have to choose to love one another.

“With that, di siya madali, madaming sakripisyo, madaming compromise. That’s life.

“It’s important yung partner mo is on the same page para di kayo mag-clash.”

GABBI GARCIA AND KHALIL RAMOS ON WEDDING TALKS

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sina Gabbi at Khalil sa launch ng “Panahon Sa Taiwan: Ang Iyong Love Story,” ang Taiwan tourism video na pinagbidahan nilang magkasintahan.

Ginanap ang event sa MOA Entertainment Music Hall sa Pasay City noong January 6, 2023.

Tinanong si Khalil kung nako-consider ba niya ang Taiwan na posibleng venue kung saan puwede siyang mag-propose kay Gabbi balang araw.

Natatawang hirit ni Gabbi, “OK na ako sa bahay! Joke lang!”

Sagot naman ni Khalil, “Well, why not? Pero that’s something that I guess that we don’t really plan.

“But Taiwan is actually really beautiful. I think it’s worthy of that type of gesture.

“Especially pumunta kami sa Taichung and KaoHsiung. Our last trip we stayed for five days…”

Dugtong ni Gabbi, “Tsaka may mga nagpre-prenup sa Taiwan na mga Pinoy. May nakita kaming group of Filipinos na nagpre-prenup shoot.”

Sang-ayon ni Khalil, “So, okay din siyang destination for that.”

Nang tanungin ng PEP.ph kung may plano na ba silang mag-settle down, sumagot ang couple na iyon ang pareho nilang goal.

“Never naman namin dinenay kapag tinatanong na, ‘Hala, pano na iyan ikakasal…’

“Parang ako, oo, kasi dun naman talaga dapat dun patungo. Pero di kami to the point na nagpapa-pressure sa tao.”

UPCOMING PROJECTS

Sa ngayon, excited ang magkasintahan sa mga nakalinya nilang proyekto.

Sa Pebrero, nakatakda nilang simulan ang taping ng pagbibidahan nilang digital series na may temang fantasy/mystery/romance.

Bibida si Gabbi sa upcoming GMA-7 prime-time series na Widow’s War kasama sina Bea Alonzo at Carla Abellana.

Kasama rin si Gabbi sa Encantadia Chronicles: Sang’gre na pangungunahan nina Bianca Umali, Faith Da Silva, Angel Guardian, at Kelvin Miranda.

Excited naman si Khalil dahil magaganda ang mga nasalihan niyang proyekto noong 2023 tulad ng Maria Clara at Ibarra, Cinemalaya entry na As If It’s True, at special participation sa MMFF 2023 entry na GomBurZa.

Umaasa si Khalil na magtuluy-tuloy ang kanyang acting career ngayong 2023.