‘It’s Your Lucky Day’ pansamantalang papalit sa ‘It’s Showtime’

It’s Your Lucky Day ang pamagat ng noontime program ng Kapamilya Channel na pansamantalang ipapalit sa It’s Showtime habang suspendido ito sa loob ng labindalawang araw o 12 airing days.

Mapapanood ang It’s Your Lucky Day simula sa susunod na Sabado, Oktubre 14, 2023, hanggang sa Oktubre 27, 2023.

Magbabalik sa telebisyon ang It’s Showtime sa Oktubre 28, 2023.

it's your lucky day hosts

Sina Luis Manzano, Robi Domingo, Melai Cantiveros, Long Mejia, Negi, Andrea Brillantes, Seth Fedelin, at Francine Diaz ang mga host sa limited engagement ng It’s Your Lucky Day.

Nag-ugat ang suspensyon ng MTRCB sa It’s Showtime dahil sa diumano’y mga reklamo na natatanggap ng ahensiya laban sa programa, partikular na ang tungkol sa cake-icing incident na nangyari sa “Isip-Bata” segment ng programa noong July 25, 2023 at kinasangkutan ng mga host na sina Vice Ganda at Ion Perez.

Binigyan ng labinlimang araw ang mga bumubuo ng It’s Showtime para maghain ng motion for reconsideration, pero pinili nilang tanggapin ang parusa na ipinataw ng MTRCB.

Samantala, hindi pa malinaw kung mapapanood din ang It’s Your Lucky Day sa GTV, ang tahanan ng It’s Showtime mula pa noong July 1, 2023, dahil hindi pa naglalabas ng opisyal na pahayag ang management ng television network na subsidiary o sangay ng GMA Network Inc.