GORGY RULA
Nag-number one trending muli ang It’s Your Lucky Day ngayong Oktubre 16, 2023, Lunes, kagaya nang nagsimula ito noong Sabado, October 14 — pero mababa naman ang rating nito.
Noong Sabado, October 14, ay nakapagtala ang pilot telecast ng It’s Your Lucky Day ng 2.3%., base sa datos ng AGB Nielsen.
Ang katapat nitong E.A.T. sa TV5 ay 4.8%, at ang Eat Bulaga! naman sa GMA-7 ay 3.7%.
Kahit ang it’s Showtime nung Biyernes, kung saan nagpaalam sila sa kanilang pansamantalang pamamahinga, hindi rin sumampa sa 3% ang rating nito.
Naka-2.9% ang It’s Showtime noong Friday the 13th. Ang E.A.T. ay naka-4.4%, at 3.8% naman ang Eat Bulaga!.
Patuloy pa ring namamayagpag sa X ang hashtag na #TodayIsYourLuckyDay, at sumusunod naman ang #FranSethLuckyDay dahil sa partisipasyon nina Francine Diaz at Seth Fedelin.
Tingnan natin bukas kung tataas at lumagpas ng 3% ang rating nitong noontime show nina Luis Manzano, Robi Domingo, Melai Cantiveros, Jenica Garcia, at marami pa.
NOEL FERRER
Nakakaaliw ang parang bayanihan na vibe ng magkakapamilya sa pagtatayo ng It’s Your Lucky Day.
Kitang-kita mo ang effort nila para pagandahin ang show at napaka-invested nila rito, at pawang organic ang mga post nila para i-promote ito. Mapapa-sana all at sana always ka na lang dito.
Hindi ako magugulat kung kahit maibalik na ang It’s Showtime ay manatili na riyan ang It’s A Lucky Day dahil magandang dagdag iyan sa noontime TV programming landscape.
Para pagandahan at pasayahan lahat. Walang kakampante. Muli’t muli, ang audience ang panalo!!!
Narito ang ratings ng iba pang programa nung Sabado, October 14…
Ang Abot-Kamay na Pangarap ay 10.9%, at ang Pira-Pirasong Paraiso ay 1.5%.
Sumunod ang Tadhana na 8.4%, at ang Wish Ko Lang ay 7.5%. Ang Pinoy Crime naman ay 7.8%.
Pagdating ng primetime, nakapagtala naman ng 10.5% ang 24 Oras Weekend, 1.3% ang TV Patrol, at 1.5% ang Frontline sa TV5
Naka-10.9% naman ang Daig Kayo ng Lola Ko, at 3.6% naman ang katapat nitong Rated Korina.
Sumunod ang Pepito Manaloto na naka-11.9%, at 6.8% ang Everybody Sing.
JERRY OLEA
Noong may musical-variety show pa ang Star for All Seasons na si Vilma Santos, lagi niyang binabati ang kanyang panganay, “I love you, Lucky!”
Noong lumalaki na si Lucky at nag-showbiz, minabuti niyang mas kilalanin siya bilang Luis Manzano kesa Lucky.
Pero hayan at naging endorser siya ng Lucky Me pancit canton, at nakasama pa niya sa patalastas niyon ang amang si Edu Manzano.
At ngayong siya ang host ng noontime show bilang pansamantalang kapalit ng It’s Showtime, ang title ng programa ay It’s Your Lucky Day, at meron ditong segment na “Stars for All Seasons.”
Masasabi ba nating lucky ang rating ng pilot episode ng It’s Your Lucky Day?
Maggi-guest ba sa segment na “Stars for All Seasons” si Ate Vi? Your guess is as lucky as mine!
Siyangapala, noong Friday the 13th na nagpaalam sandali ang It’s Showtime ay nag-finale ang aksyon seryeng The Iron Heart, at nagtala ito ng 8.7% kontra sa Love Before Sunrise na naka-8.3%.
Noong Oktubre 4, Miyerkules, lang tinalo ng Love Before Sunrise ang The Iron Heart. Naka-8.6% noon ang Kapuso primetime series nina Dennis Trillo at Bea Alonzo, kumpara sa 8.3% ng The Iron Heart.
Setyembre 25, Lunes, nag-pilot ang Love Before Sunrise. Sa first three weekend nito sa ere ay minsan pa lang ito nagwagi sa game of ratings.
Ang kapalit ng The Iron Heart simula ngayong Oktubre 16, Lunes ng gabi, ay ang Can’t Buy Me Love na bida sina Donny Pangilinan at Belle Mariano.
Nauuna nang mag-streaming sa Netflix at iWantTFC ang episodes ng DonBelle teleserye. Makaapekto kaya iyon sa TV ratings?
Naku! Sino kaya ang kakanta ng “Sunrise, Sunset” (1964) na mula sa musical na Fiddler on the Roof?