Ivana Alawi re.veals relationship status: “I am seeing someone.”

Ivana Alawi reveals relationship status

“Tapos na ba ang pila?”

Ito ang tanong ng ilang netizens matapos ibunyag ng Kapamilya actress at YouTuber na si Ivana Alawi na kasalukuyan siyang may idine-date.

Sa kanyang vlog sa YouTube noong December 2, 2023, naganap ang pag-amin ni Ivana nang makasama niya sa isang seafood mukbang ang Kapuso actress na si Bea Alonzo.

Habang kumakain, may tanong na kailangang sagutin ang dalawa galing sa followers at tagahanga ni Ivana.

Isa sa natanong ang tungkol sa pagkakaroon nila ng buhay pag-ibig.

“Kumusta love life?” tanong kina Ivana at Bea.

“Ako, alam na lahat ng tao. [Ikaw ] ano yung love life mo? Kumusta ang love life mo?” panunukso ni Bea kay Ivana.

Halata naman ang pagkabigla at pagkahiya ni Ivana, na nauutal pa nang sagutin ang tanong sa kanya ni Bea.

Ani Ivana, “Ako… hindi… papunta pa lang po, on he way.

“Pero hindi, I’m seeing someone.”

Pag-amin pa ng Kapamilya actress-vlogger, masayang-masaya ang estado ng puso niya ngayon.

Nakangiti niyang saad, “So ayun, I’m happy. My heart is happy.”

Hindi idinetalye ni Ivana kung sino ang mystery guy na nagpapasaya sa kanya ngayon.

Samantala, may parte rin sa vlog na tinanong si Bea kung ano ang biggest risk na nagawa niya sa buhay.

Ayon kay Bea, ang nakikita niyang biggest risk na nagawa niya ay ang muling umibig sa fiancé niyang si Dominic Roque matapos ang ilang beses na pagkasawi sa pag-ibig.

Sa punto raw kasing ito ay naguluhan siya kung isasapubliko pa ba niya ang relasyon nila ni Dominic, gayong ayaw na niyang magkamali pa sa mata ng publiko kung saka-sakali mang hindi sila magtagal.

Pagbabahagi ni Bea, “Yung huli ko kasi [na boyfriend] sobra niyang public, kaya inisip ko na ayoko na ata.

“Tapos yung sa amin ni Dom, hindi ko alam kung tama pa ba na i-share sa public kasi nakakahiya kasi na paulit-ulit na magkamali sa harapan ng mga tao.”

Mabilis naman itong sinang-ayunan ni Ivana.

Aniya, isa rin ito sa nakikita niyang rason kung bakit hanggang ngayon ay ayaw niyang isapubliko ang kanyang magiging boyfriend.

Saad niya, “Ayon yung fear ko kaya ayokong mag-reveal.

“Kung may boyfriend, ayokong mag-post.”