Janus del Prado, nagpatutsada sa paglipat ng It’s Showtime sa GMA-7?

Bianca Geli For Pep Ph for PEP.ph

“Hypocrites!”

Ito ang mensahe ng aktor na si Janus del Prado sa mga taong tinutukoy niyang bumabatikos diumano sa mga lumipat dati ng TV network pero nagsilipatan din.

Ibinahagi ni Janus ang saloobin sa pamamagitan ng isang Instagram post, pero tiniyak niyang ligtas ito mula sa mga babatikos sa kanya dahil deactivated ang mga komento sa inilabas niyang patutsada.

Makahulugang mensahe niya: “Yung mga bumabatikos sa mga lumipat dati, naglipatan na din ngayon lol. Kala ko ba hindi loyal ang mga lumilipat? Hypocrites.”

Sinundan pa ito ni Janus: “Kala ko ba walang lipatan ever?

“At the end of the day lumipat pa din sila ng Station. Kinailangan pa rin nila yung tulong ng Station ng mga artista na binabash nila dati (lalo na yung mga lumipat) para magkaroon ng mas malaking platform.

“Lesson. Wag magsalita ng tapos. Bilog ang mundo.”

Si Janus ay kabilang sa cast ng Kapuso prime time series na Black Rider.

Hindi man siya nagbanggit ng pangalan ng mga personalidad, malakas ang duda ng mga nakabasa sa social media post ni Janus na patungkol sa mga bumubuo ng It’s Showtime ang kanyang kontrobersiyal na mensahe.

Inilabas ito ni Janus matapos ipalabas ang paglalaro ng It’s Showtime hosts sa GMA-7 game show na Family Feud noong Lunes, Abril 8, 2024

Simula noong Sabado, April 6, ay napapanood na rin sa main channel ng Kapuso network ang Kapamilya noontime show na pinangungunahan nina Vice Ganda, Anne Curtis, Vhong Navarro, Jhong Hilario, Karylle, Amy Perez, Kim Chiu, at Ogie Alcasid.

Tila may kaugnayan ang mga pahayag ni Janus sa kanyang loyalty post noong Hulyo 2021 nang opisyal na lumipat sa GMA-7 ang kaibigan niyang si Bea Alonzo.