Julie Anne San Jose and Stell to hold their first concert together in July

May bagong aabangan kina Julie Anne San Jose at Stell!
Magsasama sa kanilang first concert together sina Asia’s Limitless Star Julie Anne San Jose at SB19 member na si Stell. Ito ay pinamagatang “JulieXStell: Ang Ating Tinig” na gaganapin sa darating na July 27 at 28 sa New Frontier Theater.

Sa Instagram, excited na inanunsiyo ni Julie Anne ang kaabang-abang na concert nila ni Stell.

“Tara, sound trip tayo. Sagot namin ang playlist mo. We proudly present, JulieXStell: Ang Ating Tinig,” caption ni Julie sa kaniyang post.

Mabibili ang ticket sa lahat ng TicketNet Outlets simula sa Sabado, June 15, 12:00 p.m. Nagkakahalaga ng mula sa PhP1,500 ang ticket para sa Balcony at PhP6,500 naman para sa SVIP with Meet and Greet.

Unang nagkasama sina Julie at Stell bilang coaches sa The Voice Generations sa GMA noong 2023.

Samantala, kamakailan ay nag-perform din si Julie kasama ang kaniyang boyfriend na si Rayver Cruz sa concert ni Gary V na “Pure Energy Concert.”

Excited na rin ngayon ang ATIN o SB19 fans sa debut solo single ni Stell na pinamagatang “Room” na ilalabas ngayong June 14.