Usap-usapan ngayon sa social media ang tatlong cryptic posts ni Jay Contreras, ang lead vocalist ng OPM rock band na Kamikazee.
Ito’y matapos ang nangyaring pagpapalayas at hindi pagpapatuloy sa kanilang mag-perform ni Sorsogon Governor Edwin “Boboy” Hamor sa Kasanggayahan Festival sa Casiguran, Sorsogon, noong Linggo, October 1, 2023.
Nitong Lunes, October 3, nag-post si Jay sa Instagram ng tatlong black and white photos niya, kalakip ang makahulugang mga caption na “choose love” at “I choose love”.
Hinala ng netizens, sagot ito sa kaliwa’t kanang tanong sa banda tungkol sa kanilang panig at sa totoong nangyari.
NETIZENS REACT
Sa comments section ng post ni Jay ay marami sa kanilang tagahanga ang nakisimpatiya.
Sabi ng ibang fans, sa kabila ng kinakaharap na isyu ng Kamikazee ay patuloy nila itong susuportahan.
Komento ng isang netizen (published as is), “Forever kmkz since day 1 kahit di kayo natuloy sa Sorsogon at nag antay kami ng mga tropa ko ay naiintindihan rin namin sides niyo. Salamat pa rin kahit papaano mga lods.”
Saad pa ng isa, “Parang di ako naniniwala sa issue…Parang hindi nila gagawin yun na di magpapicture. Ewan ko ah pero feeling ko lang.”
Testimonya naman ng isa, “From the previous concerts that I attended, alam ko at alam din ng madami na sobrang approachable niyo.”
Kung mayroong sumuporta ay mayroon din namang naguguluhan at pilit na pinapaamin ang Kamikazee sa tunay na nangyari.
“Ano ba kasi talaga ang nangyari? Totoo po bang nambastos kayo sir?” tanong ng isa.
Hamon pa ng isa, “Boss Jay anong balita? Pwede po bang marinig ang side ng bandang kamikazee. Para lang malinawan kami.”
Kabilang din sa nagkomento ang 24 Oras newscaster na si Kim Atienza.
Aniya, “Hahaha dapat lang. #whenyouknowyouknow.”
“ATTITUDE PROBLEM”?
Noong Linggo, October 1, nag-viral sa social media ang video ng mismong event kung saan inanunsiyo ni Governor Hamor na hindi na matutuloy mag-perform ang Kamikazee sa concert dahil umano sa “attitude problem” ng mga ito.
Ayon sa gobernador, noong gabing iyon, bago pa man sana tumugtog ang banda ay pinaalis na niya ang mga ito at ipinahatid sa airport para bumalik na sa Maynila.
Hindi sinabi ni Governor Hamor kung ano ang eksaktong ginawa ng mga taga-Kamikazee, pero binastos daw silang mga taga-Sorsogon kaya niya nagawa iyon.
Bahagi ng kanyang talumpati sa mga Sorsoganon na dumagsa sa concert: “Sana na naintindihan niyo. Hindi ko gusto to.
“Kaso sinabi ko nga, may attitude. Hindi na yan makakabalik sa Sorsogon, maniwala kayo sa akin.
“Maraming banda, maraming banda na gustong magpasaya sa atin. Pero kung ganun naman yung ugali, pasensiyahan tayo. Okay?
“Inuulit ko, bayad yun. Kasi bago mag-perform sila dapat bayad. Pero pinauwi ko na, hindi ko na patitirahin yun sa Residencia. Pinauwi ko na sa airport, dun sila mag-umaga. Okay?”
October 2, sa ulat ng 24 Oras, ipinahatid ng Public Information Officer na si Dong Mendoza sa GMA-7 news program na nagalit ang gobernador nang tumanggi ang bandang magpa-pictorial sa atraksiyon ng probinsiya na kung tawagin ay 16,000 Blue Roses.
Pumayag na raw ang banda na gawin ito, pero hindi umano sumunod ang mga miyembro sa tourist attraction nung araw ng pictorial.
Isa pang post sa Facebook ang lumutang galing naman sa concert road manager na si Jonathan Valdez.
Lumalabas sa post ni Jonathan na siya ang kausap ng manager ng Kamikazee at siya rin ang nagdala ng entertainers sa Sorsogon.
Sa kanyang Facebook post, idinetalye niya ang nangyari sa pagitan ng OPM band at ni Governor Hamor.
Lahad niya (published as is), “In my years of bringing bands/artists in Sorsogon, never po nag request ng picture si Gov. And I believe all the artists/bands na nakapunta sa Sorsogon can attest how considerate, kind, & generous Gov is, kaya naman I did everything to accommodate his very simple request couple of days before the event.
“IMAGO & I BELONG TO THE ZOO said “No problem” graciously, while this KAMIKAZE has been my source of stress days before the event for this simple request – hindi sumasagot.”
Umooo naman daw ang banda tatlumpong minuto bago ang nakatakdang two-minute pictorial.
Dumating rin daw sila sa lugar kung saan gaganapin ang pictorial , pero hindi sila bumaba ng van.
Pagpapatuloy niya, “Until nag oo na sila 30 minutes before their set. The Gov WAITED FOR THEM to arrive at the venue.
“Hindi sila bumababa ng van, in my years in the business ngayon lang ako umiyak at nakikiusap na bumaba na sila for the 2 minute picture, I even told them na singilin nila ako for an additional fee for this, Muntik na akong lumuhod, pero – DEADMA!
“Until lumapit na ang assistant ni Gov sa akin, “Jo halika, sabihin mo na kay Gov!” – ayun na, they got what they deserved!”Pinalayas sila sa Sorsogon at hindi pinasampa. FULLYPAID sila and all their requests were granted even the liquor etc… Binigay lahat and MORE!”
Dagdag pa niya, “Spoke to some people in the industry, isa ang common na sinasabi nila – NAKAHANAP NG KATAPAT ang KAMIKAZE! Hindi ko kayo makakalimutan mga Sers, ibang level ang po kabastusan nyo!”