Karla Estrada firmly denies Cristy Fermin’s claim she confirmed Kathryn Bernardo-Daniel Padilla breakup

Karla Estrada denies Cristy Fermin's pronouncement

Mariing pinabulaanan ni Karla Estrada ang balitang kinumpirma niya sa isang kaibigan na hiwalay na talaga ang kanyang anak na si Daniel Padilla at ang longtime girlfriend nitong si Kathryn Bernardo.

Eleven years na ang KathNiel bilang magkarelasyon, at 12 years bilang love team.

Sa YouTube channel na Showbiz Now Na ngayong Biyernes, November 24, 2023, isiniwalat ni Cristy Fermin na si Karla mismo ang nagkuwento na tinuldukan na nina Daniel at Kathryn ang kanilang relasyon.

Pinag-usapan muna ni Cristy at ng kanyang co-hosts na sina Wendell Alvarez at Romel Chika ang tungkol sa pagkadawit ni Andrea Brillantes sa isyu.

Si Andrea umano ang dahilan ng breakup nina Daniel at Kathryn.

Panimula ni Cristy, “Ang tanong, kailan ito ipinanganak, itong paghihiwalay na ito?

“Ang sabi ng aking source, bilangin ninyo yung panahon na si Kathryn ay ibang-iba na ang gayak.

“Nagpapakita na ng skin, nagpapa-sexy. Ito ay bago pa yung pelikula nila ni Miss Dolly de Leon.”

Ang tinutukoy na pelikula ni Cristy ay ang A Very Good Girl na pinagbidahan nina Kathryn at Dolly noong September 2023.

Dagdag pa ni Cristy, “Nagtataka kasi ang buong mundo kung bakit sa kabila ng pagiging napaka-protective, maingat masyado si Daniel kahit sa mga kapatid niya, e, di ba?

“Napaka-protective niya kay Kathryn.

“Pero nagtataka tayo, nagtu-two piece, naka-one piece, tapos litaw ang dibdib, di ba? Parang ganon.

“So, kung bibilangin natin yun, noon pala ay tapos na.”

Matagal na itong naitago?

Ayon kay Cristy, “Buwan na ang bibilangin natin, di ba?

“Siguro talaga lamang na hindi magsasalita si Daniel kasi parang napaka-ungentlemanly for a man na magsabing tapos na ang relasyon.

“Siguro pupuwedeng sabihin natin na mas maganda kung sa babae manggagaling.”

Hirit naman ni Romel, baka raw may iniendorso ang dalawa na bawal silang magkahiwalay.

Sagot ni Cristy, “O puwede, puwede rin yun, puwede rin man kasi may clause yan, e, may ganon.

“Pero ngayon na si Karla Estrada na nagsabi sa isa niyang kaibigan na tapos na talaga ang relasyon, isa po ang patunay at pampublikong imahe ng bendikasyon ni Ogie Diaz ito.

“Pinakain niyo ng pagkakasakit na salita yung tao.

“Tinawag niyo pa ng pinangpakain sa kanyang pamilya ay sa pagsisinungaling, pag-iimbento at paglalatag ng fake news

“Tinawag niyong peddler ng mga maling balita.

“Paano ito ngayon?”

Sinasabing nagsimula ang sitsit tungkol sa KathNiel sa report ni Ogie Diaz sa isang YouTube vlog na nakatanggap siya ng di pa kumpirmadong balitang break na sina Kathryn at Daniel.

Ang dinig pa niya, pasikreto umanong nakikipagkita si Daniel at Andrea.

Pagpapatuloy pa ni Cristy, “Nag-ano yan, nag-trending, ‘Ogie Diaz, fake news peddler.’

“Ang tanong ko ngayon, paano niyo babawiin ito?

“Samantalang totoo naman ang kanyang sinabi. At may patunay na talagang hiwalay na ang inyong mga idolo.

“Puwede bang mag-trending din yung pagsu-sorry ninyo kay Ogie?”

Dagdag pa ni Cristy, “Nakakaawa ang mga KathNiel fans.

“Pero sabi nga natin, walang forever.

“Pero meron po tayong panlaban diyan. Malay naman natin kung magpapahinga lamang sila ng ilang panahon.

“At isang araw ay magigising sila na kailangan pa rin nila ang isa’t isa. Magkakabalikan sila.

“Yun ang pinakamagandang punto doon.”

“DATI INSEPARABLES DI BA?”

Obserbasyon pa ni Cristy, parang kanya-kanya na raw ng lakad sina Daniel at Kathryn.

Sabi nito, “Pero sa ngayon, kailangan niyo pong tanggapin na tapos na ang kanilang relasyon.

“Ang kanilang love team nandiyan pa rin, pero yung puntong personal, tapos na yun, di ba? Yun lang naman yun.

“Kaya nakakalungkot talaga.

“Pero wala tayong magagawa, e, kung natagpuan nila ang kanilang mga sarili na, ‘Tapos na, e. Wala na, e.'”

Napag-usapan din ang tagal na ng relasyon nina Kathryn at Daniel, lagpas na sa isang dekada at kasal na lamang ang kulang.

Mas maigi raw na naghiwalay na kaysa naman maghiwalay matapos maikasal.

Sabi pa ni Cristy, “Dati, inseparables, diba? Kailangang magkasama.

“Pero nitong bandang huli, nakikita naman po natin na talagang kanya-kanya na sila ng lakad.”

Huling mensahe ni Cristy tungkol sa isyung ito, “Basta kami po, paninindigan namin, hiwalay na po talaga sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.

“Ngayon, ang desisyon kung ipagpapatuloy pa nila ang relasyon na ito, magiging masaya po kami at sana nga, mauwi sa pagbabalikan ito.

“Kaya nga, yung pangako sa inyo na nandiyan pa rin sila at sila pa rin, ayaw po namin ang mga huwad na pangako

“Magising po tayo sa katotohanan na hanggang dito na lamang sila, at yan naman po ay nanggaling sa bibig mismo ng ina ni Daniel Padilla.”

Ni-repost ni Karla ang isang online post tungkol sa mga sinabi ni Cristy.

Maikling komento niya: “Ito po ay walang katotohanan.”

Karla Estrada denies report that son Daniel and Kathryn are no longer together

Sa ngayon, hindi pa nagbibigay ng pahayag sina Daniel at Kathryn ukol dito.