Kuwela ang hugutan ng mga host sa segment na “EXpecially For You” sa May 18, 2024 episode ng It’s Showtime, kung saan binigkas ni Kim Chiu ang mga salitang “Sorry, may mahal na akong iba.”
Sa “EXpecially For You” ay nagiging bisita ang mga dating magkasintahan na naghiwalay na, ibinabahagi sa madlang pipol ang kanilang love story mula sa pagkikilala, ligawan, dating, sweet memories, at ang mga dahilan kung bakit nagkahiwalay.
Isa sa ex-couple ang maghahanap ng bagong pag-ibig, at may tatlong searchees na pagpipilian, depende sa magugustuhan ng searcher.
Tutulong naman ang ex ni searcher kung sino sa tatlong searchees ang babagay rito, partikular sa personalidad ng mga ito.
Magbibigay ang searcher sa mga searchee ng ilang katanungan, at kung sino ang makakuha ng mas maraming green flags, ito ang kanyang makaka-date.
Guest sa episode ang 19-year-old na anak ni Arnee Hidalgo na si Sam Shoaf.
Dahil wala pang naging girlfriend si Sam, ang kasama niya sa paghahanap ng makaka-date ay ang kanyang uncle na si Jeffrey Hidalgo.
Matatandaang sumali si Sam sa unang season ng The Voice Kids at kabilang sa team ni Sarah Geronimo, at pinagwagihan ni Lyca Gairanod.
Naging bahagi rin siya ng kids’ version ng Your Face Sounds Familiar.
Isa sa mga naging tanong ni Sam sa mga searchee ay: “Ano ang sasabihin mo kung biglang sabihin ng karelasyon mo na, ‘Sorry, may mahal na akong iba…’”
KIM CHIU PUNO NG ENERGY NANG SABIHIN ANG LINYA
Ibinato ni Vice Ganda sa mga co-host ang katanungan.
Game na mga sumagot ang mga ito, kabilang na ang kanyang partner na si Ion Perez.
Pero ang pinakagumawa ng ingay sa studio ay nang si Kim Chiu na ang tanungin ni Vice.
Sabi ni Vice kay Kim, “It’s about time na you say that line.”
Hindi naman nagpatumpik-tumpik si Kim, at puno ng energy na bulalas niya, “Sorry, may mahal na akong iba!”
Sinundan pa niya iyon ng malakas na tawa.
Napapalapakpak naman si Vice sabay sabing, “Celebratory! Ang taray!”
“Grabe naman!” hirit ni Vhong Navarro.
Ungkat pa ni Vice kay Kim, “Bakit celebratory?”
Paliwanag ni Kim, “Kasi, pare-parehas na [ang naging execution ng ibang hosts sa linya]. Para ibang level.”
Susog nina Vice at Vhong, tama nga naman para may variety.
Sabi pa ni Kim, “Lahat malungkot, e. Puwede mo namang sabihin nang masaya.”
Dugtong ni Vhong, “Kulang na lang sabihin mo sa dulo, ne-ne-ne-ne-nye!”
Biglang singit naman ni Vice sabay turo pa sa screen na parang may kinakausap, “Sorry, meron na akong iba! Nauna ka lang, akala mo, ha?”
Natatawa namang pabirong itinulak ito ni Kim.
Sigaw ni Vhong, “Ay, ano ba yan?”
Nagtatakbo naman kunwari si Kim palabas ng studio, pero bumalik din agad.
Biro pa ni Vice, “Nag-text kay Kim yung ex niya. ‘Kumusta ka na, masaya ka na ba?’ Sagot niya, ‘To follow.'”
At nagkatawanan muli ang magkaka-host.
NETIZENS HAPPY PARA KAY KIM CHIU
Ang clip ng video mula sa kulitan sa “EXpecially For You” segment ay nai-share ni Kim sa kanyang official Facebook account.
Nilagyan niya ito ng caption na, published as is: “Ang benta talagaaaaa! Hahahahahaha.”
Nakakuha na ito ng 38K reactions, 747 comments at 549 shares.
Marami sa kanyang followers ang nagkomento na natutuwa ang mga ito na makitang happy na uli si Kim.
Tama rin umano si Vice na it’s about time na para sabihin na ni Kim ang naturang linya.
Obvious naman na ang kantiyawan ng magkaka-co-host sa It’s Showtime ay nag-ugat sa paghihiwalay nina Kim at ng kanyang ex-boyfriend na si Xian Lim.
Tumagal ng 12 years ang naging relasyon nina Kim at Xian.
Isinapubliko nila ang kanilang paghihiwalay ng landas noong December 23, 2023.
Walang binanggit na dahilan ang dalawa, ngunit “mutual decision” daw ang kanilang paghihiwalay.
May 2, 2024 ay inamin ni Xian na girlfriend na niya si Iris Lee.
Nabatikos naman ng netizens ang binata matapos maglaro sa May 10, 2024 episode ng Family Feud ng GMA-7.
Sa isang bahagi ng show, natanong ng host na si Dingdong Dantes ang mga contestant, kabilang na si Xian, kung ano ang sasabihin nila sa kanilang mga ex sakaling makasalubong nila ito.
Sagot ni Xian, “Pag nakasalubong mo ang ex mo, you should say na, ‘I hope you do find the happiness that it is you’re looking for.’
“Ganun lang, dapat masaya, di ba? Dapat masaya kayo para sa isa’t isa.”
May mga nagsabing dahil sa sagot ni Xian ay obvious na guilty ito sa breakup nila ni Kim.
Puwede raw naming “Hi!” na lang ang sabihin.
Komento ng isa ay “ipokrito” ang binata.
Wala pang bagong pag-ibig sa ngayon si Kim, bagaman at itinutukso siya kay Paulo Avelino.