Leo Martinez opens up about son with Cherie Gil and his other children

Nagbigay ng pahayag si Leo Martinez tungkol sa kanyang anim na anak, kabilang na ang anak nila ng yumaong premyadong aktres na si Cherie Gil.

Pumanaw si Cherie dahil sa endometrial cancer noong August 5, 2022. Siya ay 59.

Ang pagmamahalan noon nina Leo at Cherie ay nagbunga ng isang anak, si Jeremiah David Gil Eigenmann o si Jay.

Ipagdiriwang ni Jay ang kanyang ika-37 kaarawan sa darating na January 19, 2024.

Si Jay ay nakabase sa U.S. kung saan siya nagtatrabaho bilang isang sound engineer.

Jay Eigenmann and mom Cherie Gil

Lumalabas na isang taon pa lamang si Jay nang magkahiwalay ang mga magulang niyang sina Cherie at Leo.

Batay ito sa impormasyong ibinahagi ni Leo sa YouTube interview sa kanya ni Snooky Serna nitong January 6, 2024.

Sumalang sina Leo at Gina Pareño sa interview ni Snooky.

LEO TALKS ABOUT SON JAY AND CHERIE

Sa segment ng interview na throwback photos, naging prangka si Leo sa pagbibigay ng ilang detalye tungkol kina Jay at Cherie.

Unang ipinakita ang throwback photo ni Leo kasama ang current wife na si Gina Valenciano at ang kanilang panganay na si Lesley Valenciano Martinez.

Sabi ni Leo tungkol sa larawan, “1988 iyan dahil iyan ang first baby namin ni Gina, si Lesley, who is the mother of my apo.”

Gina Valenciano and Leo Martinez

A young Leo Martinez with wife Gina Valenciano and their first-born Lesley

At saka binanggit ni Leo na kasal sila ni Gina for 36 years. Si Gina ay kapatid ni Gary Valenciano.

Sina Leo at Gina ay nagkaroon ng tatlong anak.

Inusisa rin ni Snooky kung ano ang sikreto sa matagal na pagsasama nina Leo at Gina.

“Respect,” sagot ni Leo.

Sumunod na ipinakitang larawan ni Leo ay napagigitnaan siya ng kanyang anim na anak.

“Ito yung family picture namin with my six kids,” sabi ni Leo.

Leo Martinez with kids

Leo Martinez at the center with his six kids, including Jay Eigenmann (3rd from right), his son with the late actress Cherie Gil.

Dito rin ibinahagi ni Leo na ang kanyang anim na anak ay mula sa tatlong babaeng. minahal niya.

Sabi ni Leo, “Whenever they ask me, ‘Ilan ang anak mo?’ Ang sagot ko—two, one, three…

“Two sa una, one kay Cherie, three kay Gina.”

Sinabi rin ni Leo na may magandang relasyon ang kanyang anim na anak.

“Up to now, they’re seeing each other in the States.”

Nagkomento pa si Snooky na “fulfilling” na makapagpalaki ng mga anak na magkakasundo.

“Yes,” sagot ni Leo.

Sumundot pa si Snooky na very close ang kanyang mga anak.

Pahayag ni Leo, “Oo, kasi when she was alive, Cherie and Gina were best of friends.”

Nang pumanaw si Cherie, si Gina ay nag-post ng hugging photos nila ni Cherie at may caption ng pamamaalam.

Cherie Gil and Gina Valencano